Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Isang Malakas na Tinig, Isang Mahinang Tinig
Paano mararamdaman ng iba ang mga lindol samantalang hindi ko ito naramdaman? Higit pa sa seismology ang itinuro sa akin ng sagot.
Ilang linggo pa lang ako sa misyon nang magising ako sa hatinggabi dahil sa dumadagundong na tunog. Nagsimula iyon sa malayo at palakas nang palakas habang papalapit. Di-nagtagal yumanig na ang buong bahay namin. Mabilis ding huminto ang pagyanig, at naglaho ang dagundong. Mabuti na lang at sinabihan ako ng kompanyon ko na karaniwan na ang mga lindol. Yamang tila maayos na ang lahat, humiga ako at di-nagtagal ay natulog na ako.
Ilang linggo matapos ang paggising kong iyon sa hatinggabi, narinig kong pinag-uusapan ng mga tao ang lindol nang umagang iyon. Inisip ko kung ano ang nangyayari sa kanila, dahil wala naman akong narinig o naramdamang anuman. Lito, sa huli ay itinanong ko kung kailan nangyari ang “lindol.” Nang mapagtanto ko na nag-eehersisyo ako o naliligo nang mangyari iyon, hindi ako makapaniwala na nangyari nga iyon. Ginising ako ng unang lindol, kaya tiyak ko na kung muling lumindol na gising ako, naramdaman ko sana iyon.
Ngunit una pa lang ito sa maraming inakalang paglindol. Hindi ko naramdaman ang mga iyon kahit kailan, kaya inisip ko na baka hindi alam ng tao kung ano ang lindol.
Makaraan ang walong buwan ng palagay ko ay kunwaring mga paglindol, huminto sa kalagitnaan ng pagsasalita ang guro namin sa Sunday School at sinabing, “Naramdaman ba ninyo iyon? Lumindol.” Tumango ang lahat—maliban sa akin. Hindi ko maunawaan. Walang malakas na ingay o dagundong. Hindi umuga ang upuan ko. Hindi yumanig ang mga dingding. Paano magkakaroon ng lindol?
Pagkatapos ay sinikap kong alalahanin ang nadama ko nang sabihin ng guro na lumilindol. Nahilo ako nang bahagyang-bahagya—halos parang umikot lang ako. Iyon kayang bahagyang pagkahilong iyon ay dulot ng lindol?
Dahil sa guro ko, naramdaman ko na at nalaman na ang mga inakalang paglindol ay totoo. Natanto ko na hindi ko nadama ang mga iyon noong nag-eehersisyo ako o naliligo o natutulog dahil bahagya lang ang pagyanig. Ngunit unti-unti kong mas naramdaman ang pagkahilo o marahang pag-uga, at naunawaan ko na katibayan ito ng lindol.
Kalaunan sa aking misyon, nagkaroon ako ng bagong kompanyon. Isang araw habang nagtuturo kami, sinabi ng isang babae, “Ay, lumilindol,” at sumang-ayon ako. Tumingin sa amin ang kompanyon ko na para bang nababaliw kami. Gayunman itinuro ko ang kaunting pag-ugoy ng nakabiting lampara at tiniyak sa kanya na balang-araw ay madarama niya rin ang marahang pagyanig ng lupa.
Nagpapasalamat ako na naturuan ako ng mga lindol na kilalanin ang Espiritu. May mga pagkakataon na hindi maikakaila ang Espiritu, isang malakas na tinig na tumatagos sa ating kaluluwa. Subalit kadalasan, ang Espiritu ay isang marahang bulong, isang bagong kaisipan, impresyon, payapang damdamin tungkol sa isang bagay na gagawin o sasabihin (tingnan sa Helaman 5:30). Kung ang napapansin lang natin ay ang malakas na pagyanig sa kaluluwa, hindi natin madarama ang magigiliw na pahiwatig ng Espiritu. Kailangan natin ang iba kung minsan para matukoy ang mga ipinadarama ng Espiritu upang makatuon tayo at maihanda ang ating pandama. Kapag ginawa natin ito, makakahiwatig tayo at mamamangha.