2012
Pinulong ni Elder Nelson ang mga Banal sa Central America
Hunyo 2012


Nagsasalita Ngayon

Pinulong ni Elder Nelson ang mga Banal sa Central America

Noong Enero, habang gumaganap sa tungkuling iniatas ng Unang Panguluhan, naglakbay si Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol patungong Central America upang magbigay ng training sa mga lider ng priesthood at turuan ang mga miyembro doon.

El Salvador

Noong araw ng Sabado, Enero 14, pinulong ni Elder Nelson ang mga lider ng priesthood mula sa iba’t ibang dako ng El Salvador sa isang meetinghouse sa bakuran ng San Salvador El Salvador Temple. Sinamahan siya nina Elder L. Whitney Clayton ng Panguluhan ng Pitumpu; Elder Enrique R. Falabella ng Pitumpu, Pangulo ng Central America Area; Elder Carlos Rivas, Area Seventy; Walter Ray Petersen, temple president; at David L. Glazier, pangulo ng El Salvador San Salvador Mission.

Tinuruan ni Elder Nelson ang mga lider tungkol sa paglilingkod at kahalagahan ng pagiging mga pastol sa Israel. Binigyang-diin niya ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagsisilbi ng Espiritu Santo bilang gabay sa tuwina. Nagsalita rin siya tungkol sa pagpapalang dulot ng bagong LDS edition ng Biblia sa Spanish.

Kinabukasan, kasama ang asawa niyang si Wendy at si Elder Rivas, nangulo si Elder Nelson sa San Salvador El Salvador La Libertad Stake conference.

Sa kanyang mensahe, binasbasan ni Elder Nelson bilang apostol ang mga miyembro at lider ng El Salvador na namumuhay ayon sa ebanghelyo at tapat sa kanilang mga tipan.

Nicaragua

Pagkatapos, noong Enero 18, 2012, pinulong ni Elder Nelson ang mga miyembro sa Nicaragua, kasama sina Elder Enrique R. Falabella at Elder James B. Martino, kapwa miyembro ng Pitumpu.

Hinikayat niya ang mga miyembro na dagdagan ang kanilang kabanalan at patuloy na gawin ang kanilang mga talaan sa family history. “Ipinapangako ko sa inyo na kapag handa kayo, gagawin ng Panginoon ang Kanyang bahagi para magkaroon kayo ng templo,” sabi niya.

Dapat tayong magkaroon ng mga katangiang tulad ng sa Tagapagligtas, sabi ni Elder Nelson, simula sa pagmamahal.

“Matututo tayong magmahal sa pamamagitan ng paglilingkod,” sabi niya. “Ang isa pang katangian ay ang pagtuunan ng pansin ang mga ordenansa: ang binyag at ang sakramento. May kaugnayan ang mga ito sa Pagkapako sa Krus ng Tagapagligtas.”

Ang iba pang mga ugaling sinabi ni Elder Nelson na dapat taglayin ng mga miyembro ay ang magdasal na tulad ng ginawang pagdarasal ng Tagapagligtas at magkaroon ng kaalaman sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. “Basahin ang mga banal na kasulatan sa inyong mga anak, matutong mahalin ang [mga banal na kasulatan], at tinitiyak ko sa inyo, makadarama kayo ng kagalakan kapag ipinamuhay ninyo [ang inyong natututuhan],” sabi niya.

Sa huli sinabi ni Elder Nelson, “Maging matiyaga; magtiyaga hanggang wakas. Higit ang dusang dinanas ni Jesucristo kaysa kaninuman at hindi Siya sumuko. Nagtiwala Siya sa Kanyang Ama hanggang sa huli. Alalahanin ito kapag nahaharap kayo sa mga hamon ng buhay.”

Sa pagtatapos, nagpasalamat si Elder Nelson sa pananampalataya, katapatan, at mga ikapu at handog ng mga miyembro sa Nicaragua, at nagpatotoo tungkol sa Pagbabayad-sala.

“Ang Pagkabuhay na Mag-uli ng ating Panginoon ay nagbibigay sa atin ng katiyakan at nagbubukas ng pintuan tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsisisi, kung magtitiis tayo hanggang wakas,” sabi niya.

Habang binibisita ang mga miyembro sa El Salvador at Nicaragua, pinuri ni Elder Russell M. Nelson ang mga namumuhay ayon sa ebanghelyo at tapat sa kanilang mga tipan.