2012
Ang Kagalakan sa Paggalang sa Araw ng Sabbath
Hunyo 2012


Ang Kagalakan sa Paggalang sa Araw ng Sabbath

Elder Marcos A. Aidukaitis

Pinatototohanan ko na ang kagalakan at mga pagpapala ay nagmumula sa pagsamba sa Diyos sa Kanyang banal na araw—pati na ang mga pagpapalang hindi natin makita ngayon.

Ang paglaki bilang Latter-day Saint sa isang kapaligirang hindi LDS ay isa sa masasayang karanasan ko noong kabataan ko. Ang hinding-hindi ko malilimutan ay ang pagtitipon namin ng pamilya at mga kaibigan para sa mga kaarawan, pista-opisyal, football game, at ang paminsan-minsang churrasco (barbecue) naming magpapamilya. Isa pang paborito kong alaala ang sama-samang pagsisimba ng aming pamilya sa araw ng Linggo.

Ang pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath at pagsamba sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo ay mahalaga at natural lamang sa aming pamilya. Noong kabataan ko sa Simbahan, lagi kong inaasam ang paglalaro ng football tuwing Martes ng gabi, pero inaasam ko ring dumalo sa sacrament meeting, Sunday School, at priesthood tuwing Linggo. Napakasarap ng pakiramdam na makasama ang aming mga kapatid sa ebanghelyo kaya hindi kami nagmamadaling umuwi pagkatapos.

Nang mag-asawa na ako at magkaroon ng sariling pamilya ay doon ko nakita ang kahalagahan ng magandang halimbawang ipinakita ng aking mga magulang habang lumalaki ako. Bilang ama ng pamilya, higit kong naunawaan kung gaano kahalagang “magtungo sa panalanginan at ihandog ang [aming] sakramento sa banal na araw [ng Panginoon]” (D at T 59:9). Lalo kong naunawaan ang mga pagpapalang ipinangako Niya sa mga sumusunod sa utos na ito.

Malinaw pa sa alaala ko kung gaano kami kasaya ng mga kaibigan ko noon kapag nasasabi namin sa isa’t isa na wala kaming pinalagpas na pulong sa Simbahan sa buong taon. Maaaring hindi namin lubos na alam ang nangyayari sa amin dahil sa matapat naming pagdalo, pero pinanatili naming walang bahid-dungis sa mundo ang aming sarili. Bukod pa rito, natuwa kami, masaya ang aming mukha, at talagang lubos ang aming kagalakan (tingnan sa D at T 59:9, 13–15).

Isang Tradisyon sa Araw ng Sabbath

Sa loob ng maraming taon naging tradisyon namin ng asawa ko at mga anak na magbakasyon sa may dagat malapit sa aming tahanan sa katimugang Brazil tuwing tag-init. Kung minsan ay lumilipat kami ng tirahan dahil sa trabaho ko, pero gaano man kami kalayo sa dagat na iyon, lagi naming kinasasabikan at ikinagagalak ang pagpunta doon taun-taon. Gayundin, naglalakbay nang malayo ang mga kamag-anak at kaibigan namin para magkasama-sama kami nang minsan sa isang taon. Lahat ay dumarating nang maaga at nagtatagal roon hangga’t maaari.

Sa dalampasigan sa dagat na iyon nagkaroon ng maraming magagandang oportunidad ang aming pamilya na espirituwal na lumago at ituro ang ebanghelyo. Karamihan sa aming mga kamag-anak ay hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at iba ang kanilang relihiyon. Para sa kanila ang araw ng Panginoon ay isang karaniwang araw lamang para maglaro at magsaya. Dahil mas marami sa mga kapamilya namin ang dumarating doon sa araw ng Sabado at Linggo kaysa ibang araw, hindi lang inasahan ang pagdating at pagsali namin sa mga aktibidad sa araw ng Linggo kundi iginiit pa nila ito—pati na ng aming mga anak.

Maliiit pa ang aming mga anak at natututo pa lamang na ipamuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Para sa kanila malaking tukso ang pagsali sa mga aktibidad kasama ang kanilang mga pinsan at kaibigan sa araw ng Linggo. Ang pag-uukol ng oras sa pamilya ay mahalagang bahagi ng ebanghelyo, at ang paglabag sa araw ng Sabbath ay madaling mapangatwiranan. Tutal, ang pinakamalapit na Simbahan noon ay mahigit 60 milya (96 km) ang layo sa dagat. Ang mga kaibigan at kapitbahay sa pinagsisimbahan namin ay malayo sa amin, at wala ni isa sa kanila ang makakaalam kung mananatili kami sa may dagat sa halip na magpunta sa chapel at dumalo sa mga pulong namin sa araw ng Linggo. Buong taon kaming nagsisimba, at kaming magkakamag-anak ay ilang linggo lang maaaring magkasama-sama sa isang taon.

Magkagayunman, hindi kami lumiban kailanman sa pagsisimba tuwing Linggo—kahit minsan! Naalala namin ang mga turo ng Panginoon:

“At upang lalo pa ninyong mapag-ingatan ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan, kayo ay magtungo sa panalanginan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw;

“Sapagkat katotohanang ito ay araw na itinakda sa inyo upang magpahinga mula sa inyong mga gawain, at iukol ang inyong mga panalangin sa Kataas-taasan; …

“Tandaan na dito, sa araw ng Panginoon, inyong iaalay ang inyong mga handog at ang inyong mga sakramento sa Kataas-taasan. …

“At sa araw na ito wala kayong iba pang bagay na gagawin, kundi ihanda ang inyong pagkain nang may katapatan ng puso upang ang inyong pag-aayuno ay maging ganap, o, sa madaling salita, upang ang inyong kagalakan ay malubos” (D at T 59:9–13).

Ipinasiya naming sundin ang utos na ito, at itinuro namin sa aming mga anak na dapat din nila itong sundin. Hindi nagtagal ay naunawaan nila na mas mahalagang sambahin ang Diyos sa Kanyang banal na araw kaysa bigyang-kasiyahan ang pamilya at mga kaibigan o ang sarili nilang mga hangarin.

Pinagpala sa Pagsunod

Kapag nasa may dagat kami sa araw ng Linggo, maaga kaming gumigising, nagbibihis para magsimba sa araw ng Linggo, at magbiyahe papunta sa pinakamalapit na chapel. Habang nasa biyahe at sa buong maghapon, nadarama namin ang kapayapaan at kagalakang ipinangako ng Panginoon sa mga sumusunod sa Kanyang mga utos. Nalaman namin na ang kapayapaan at kagalakang ito ay hindi nagmumula sa mundo.

Pagkaraan ng ilang taon ng regular na paggawa nito, may magandang nangyari. Hindi na nagtanong ang mga anak namin tungkol sa kahalagahan ng pagsamba sa Diyos sa Kanyang banal na araw, at nagsimulang magtanong ang mga pinsan nila kung maaari silang sumama amin sa pagsisimba! Hindi namin alam na ang kapayapaan at kagalakang nadama namin ay nadama rin ng aming mga pamangkin pagbalik namin mula sa aming mga pulong. Kalaunan ay isang malaking pagpapala ang dumating. Nang magbinata at magdalaga ang mga batang iyon, dalawa sa kanila mula sa isang pamilya ang nagsabi sa kanilang mga magulang na, “Gusto po naming maging mga Latter-day Saint.” Hindi nagtagal ang buong pamilya ay nabinyagan. Kamakailan, isa sa mga batang ito, na returned missionary na ngayon, ang ikinasal sa templo.

Nagpupunta pa rin kami sa dagat na iyon taun-taon, pero alam ng lahat na sa araw ng Linggo ay hindi pupunta doon ang aming pamilya para maglaro. Sa halip, magsisimba kami at sasamba sa Diyos kasama ang mga miyembrong kamag-anak namin—isang grupong palaki nang palaki taun-taon!

Kapag ginugunita namin ang mga taon na iyon at iniisip ang ginawa naming desisyon, nagpapasalamat kami sa Diyos sa pagtulong sa amin na magkaroon ng lakas ng loob na gawin ang tama at ituro sa aming mga anak na gayon din ang gawin. Wala kaming alinlangan na ang desisyong iyon ang nagpatatag sa aming mga anak gayundin sa aming mga kamag-anak. Ibinigay nito sa amin ang kapayapaang ipinangako ng Panginoon, mahalaga ang papel nito sa pagpapabinyag ng mga miyembro ng pamilya, at biniyayaan kami ng kasiyahang hindi matatagpuan sa iba pang mga aktibidad sa araw ng Linggo na hindi pumupuspos sa kaluluwa.

Pinatototohanan ko na ang kagalakan at mga pagpapala ay nagmumula sa pagsamba sa Diyos sa Kanyang banal na araw—pati na ang mga pagpapalang hindi natin makita ngayon. At pinatototohanan ko na “maginhawa ang bayan na ang Dios ay ang Panginoon” (Mga Awit 144:15).

Detalye mula sa Ang Huling Hapunan, ni Simon Dewey; background © Getty Images; lahat ng iba pang larawan ay nanggaling sa pamilya Aidukaitis