Ang Inyong mga Tungkulin sa Aaronic Priesthood
Naorden na kayo sa Aaronic Priesthood. Ano ang dapat ninyong gawin ngayon?
Maaaring isa kang bagong deacon, na bagong orden noong nakaraang Linggo, o isang teacher na tumutulong sa paghahanda ng sakramento bawat linggo. O kaya ay isa kang mahusay na priest, matalino sa mga proyektong pangserbisyo at sa paggabay sa nakababatang mga teacher at deacon sa kanilang mga bagong responsibilidad. Ngunit sa lahat ng maytaglay ng priesthood ay iisa ang tagubilin ng Panginoon: “Ang bawat tao … ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig” (D at T 107:99).
Pero saan kayo maaaring pumunta para matutuhan ang tungkuling ito? Ang unang dapat tingnan ay ang mga banal na kasulatan. Gugustuhin ninyong pag-aralan, lalo na, ang mga bahagi sa Doktrina at mga Tipan kung saan inisa-isa ang mga tungkulin ng Aaronic Priesthood: bahagi 20:46–60, 72–79; at bahagi 84:111.
Ang isa pang magandang sangguniin ay ang buklet na Pagtupad sa Aking Tungkulin sa Diyos: Para sa mga Mayhawak ng Aaronic Priesthood. Hinati sa buklet na ito ang inyong mga responsibilidad sa priesthood sa tatlong bahagi: (1) “Pangasiwaan ang mga Ordenansa ng Priesthood,” (2) “Paglingkuran ang Iba,” at (3) “Anyayahan ang Lahat na Lumapit kay Cristo.” Sa bahaging “Mga Tungkulin sa Priesthood” para sa bawat katungkulan—deacon, teacher, at priest—makakakita kayo ng mga karagdagang banal na kasulatan na pag-aaralan at mga mungkahi sa paggawa ng sarili ninyong plano upang mas maunawaan ninyo ang inyong mga tungkulin sa priesthood.
Tingnan natin sandali ang ilan sa mga pangunahing tungkulin ng mga mayhawak ng Aaronic Priesthood.
Mga Deacon
Ang deacon ay nagpapakita ng mabuting halimbawa sa mga kapwa miyembro ng korum at iba pang mga miyembro ng Simbahan. Matwid ang kanyang pamumuhay at nananatili siyang karapat-dapat na gumamit ng priesthood.
Nagpapasa siya ng sakramento. Ito ang isa sa mga pinakasagradong tungkulin ng isang deacon. Sa paggawa ng deacon ng tungkuling ito, siya ay isang kinatawan ng Panginoon. Dapat siyang maging karapat-dapat na magbigay ng mga simbolo ng sakramento sa mga miyembro ng Simbahan. Dapat siyang manamit at kumilos sa paraang magpapakita ng kasagraduhan ng sakramento. Kung maaari, dapat siyang magsuot ng puting polo.
Ang isang deacon ay tumatayong mangangaral, “[itinalaga] na [pangalagaan] ang simbahan” (D at T 84:111). Sila rin ay “magbababala, magpapaliwanag, manghihikayat, at magtuturo, at mag-aanyaya sa lahat na lumapit kay Cristo” (D at T 20:59). Kabilang sa responsibilidad na ito ang pakikipagkaibigan sa mga miyembro ng korum at sa iba pang mga kabataang lalaki, pagpapabatid sa mga miyembro ng mga pulong sa Simbahan, pagsasalita sa mga pulong, pagbabahagi ng ebanghelyo, at pagpapatotoo.
Siya ay tumutulong sa bishop sa “pangangasiwa ng … bagay na temporal” (D at T 107:68). Maaaring kabilang sa responsibilidad na ito ang pagkolekta ng handog-ayuno, pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan, pangangalaga sa meetinghouse at bakuran nito, at pagiging mensahero ng bishop sa mga pulong ng Simbahan.
Nakikibahagi siya sa pag-aaral sa korum sa pamamagitan ng pagiging aktibong mag-aaral ng ebanghelyo. Kabilang sa iba pang mga tungkulin ang tulungan ang mga miyembro na matugunan ang kanilang temporal na mga pangangailangan, maghanda para sa misyon at maglingkod sa misyon, suportahan at tulungan ang pangulo ng korum, gawing aktibo ang mga kabataang lalaking kaedad nila, at mag-aral ng ebanghelyo.
Mga Teacher
Nasa teacher ang lahat ng responsibilidad ng isang deacon. Responsibilidad niya rin ang mga sumusunod:
Naghahanda siya ng sakramento. Responsibilidad ng mga teacher na laging ihanda ang sakramento para sa sacrament meeting. Ang paghahanda ng sakramento ay magandang halimbawa ng paglilingkod na walang hinihintay na papuri sa paggawa nito. Kadalasan hindi alam ng mga miyembro na ang mga teacher ang naghahanda ng sakramento, ngunit ginagawa pa rin ang paglilingkod, at nalulugod ang Panginoon dahil ito ay tunay na paglilingkod.
“Ang tungkulin ng mga guro [teacher] ay pangalagaan ang simbahan tuwina, at makapiling at palakasin sila” (D at T 20:53). Ang isang paraan para magawa niya ito ay maglingkod bilang home teacher.
Kailangan niyang “tiyakin na walang kasamaan sa simbahan, ni samaan ng loob sa bawat isa, ni pagsisinungaling, paninirang-puri, ni pagsasalita ng masama” (D at T 20:54). Kabilang sa responsibilidad na ito ang pagiging tagapamayapa sa pamamagitan ng pagtulong sa mga miyembro na pakitunguhang mabuti ang isa’t isa. Dapat niyang hikayatin ang mga nasa paligid niya na laging tingnan ang mabuti sa iba.
Kailangan niyang “tiyakin na ang simbahan ay madalas na sama-samang nagtitipon, at tiyakin din na lahat ng kasapi ay gumagawa ng kanilang mga tungkulin” (D at T 20:55). Bahagi ng responsibilidad na ito ang anyayahan ang iba na magsimba.
Mga Priest
Nasa priest ang lahat ng responsibilidad ng deacon at teacher. Responsibilidad niya rin ang mga sumusunod:
Siya ang nangangasiwa sa [hapag ng sakramento]. Ang karangalang mangasiwa sa sakramento ay ibinibigay sa mga priest, na siyang nag-aalay ng panalangin sa sakramento. Ang isang priest ay dapat maging pamilyar sa mga panalangin sa sakramento, manamit nang angkop, at maghugas ng mga kamay bago isagawa ang ordenansang ito. Higit sa lahat, ang mga priest ay dapat maging karapat-dapat na isagawa ang sagradong ordenansang ito bilang mga kinatawan ng Tagapagligtas.
Isa pang tungkulin ng mga priest ang magbinyag kapag binigyan ng awtoridad ng bishop o branch president (tingnan sa D at T 20:46). Ang pagbibinyag na may wastong awtoridad ay isa sa pinakamahahalaga at sagradong ordenansa sa Simbahan, dahil sa ordenansang ito tayo nagiging mga miyembro ng Simbahan, pinatatawad sa ating mga kasalanan, at tumatahak sa landas tungo sa kahariang selestiyal.
“Ang tungkulin ng saserdote [priest] ay mangaral, magturo, magpaliwanag, [at] manghikayat” (D at T 20:46). Ibig sabihin nito ang priest ay tinawag upang ituro sa iba ang mga alituntunin ng ebanghelyo. At para maituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo, dapat niya munang matutuhan ang mga ito. Malaking tulong ang responsibilidad na ito kapag naghanda siyang maglingkod sa full-time mission.
Siya ay dapat “dumalaw sa bahay ng bawat kasapi, at hikayatin silang manalangin nang malakas at nang lihim at isagawa ang lahat ng tungkulin na pang mag-anak” (D at T 20:47). Nagagawa ito ng priest kapag ginampanan niya ang kanyang responsibilidad bilang home teacher at binisita ang mga pamilyang nakatalaga sa kanya.
Siya ay may awtoridad na igawad ang Aaronic Priesthood at ordenan ang ibang priest, teacher, at deacon kung pahihintulutan ng bishop o branch president (tingnan sa D at T 20:48). Ang kapangyarihang igawad ang Aaronic Priesthood ay sagrado.
Mga Kabataang Babae at ang Priesthood
Kahit iginagawad lamang ang awtoridad ng priesthood sa karapat-dapat na mga lalaking miyembro ng Simbahan, ang mga pagpapala ng priesthood ay para sa lahat—at ang mga pagpapalang ito ay para din sa mga lalaki at babae, mga bata, mayayaman at mahihirap. Lahat ng anak ng Diyos ay may pribilehiyong tumanggap ng gayunding nakapagliligtas na mga ordenansa ng priesthood.
Bilang mga piling anak na babae ng Diyos, lahat ng kabataang babaeng nabinyagan ay nakatanggap din ng kaloob na Espiritu Santo. Sila ay may karapatang maghangad at mapagpala ng mga espirituwal na kaloob tulad ng “kaloob na mga wika, propesiya, paghahayag, mga pangitain, pagpapagaling, pagbibigay-kahulugan sa mga wika, at iba pa” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:7). Kapag ang mga kabataang babae ay namuhay nang matwid at nagsikap maglingkod sa iba sa pamamagitan ng pagtanggap at pagpapaunlad ng mga kaloob na ito ng Espiritu, ang kanilang halimbawa ng kabutihan ay magiging malakas na impluwensya sa mga kabataang lalaking sa paligid nila.
Paano makakatulong ang mga kabataang babae na maging karapat-dapat na maytaglay ng priesthood ang mga kabataang lalaki? Isang binatilyo ang sumagot: “Palagay ko ang dalawang pinakamalaking magagawa nila ay ang manamit nang maayos at maging mabait sa lahat. Nakakatulong sa akin ang maayos nilang pananamit na maging maganda ang naiisip ko, at matitingnan ko pa sila habang nag-uusap kami!”
Tutulungan Kayo ng Ama sa Langit
Kapag naunawaan at nagampanan ninyong mga deacon, teacher, at priest ang inyong mga tungkulin sa priesthood, daranas kayo ng galak na nagmumula sa pangangasiwa sa mga ordenansa ng priesthood, paglilingkod sa iba, at pag-anyaya sa lahat na lumapit kay Cristo. Sa kanilang mensahe sa mga maytaglay ng Aaronic Priesthood, isinulat ng Unang Panguluhan: “Malaki ang tiwala ng Ama sa Langit sa iyo at may mahalagang misyon na ipagagawa sa iyo. Tutulungan ka Niya kapag nananalangin ka sa Kanya, nakikinig sa mga panghihikayat ng Espiritu, sumusunod sa mga kautusan, at tumutupad sa mga tipang iyong ginawa” (Pagtupad ng Aking Tungkulin sa Diyos [2010], 5).