2012
Mga Ideya para sa Family Home Evening
Hunyo 2012


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na magagamit sa family home evening. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa.

“Ang Pag-aayuno ay Pinalalakas Tayo sa Espirituwal at Temporal,” pahina 10: Basahin ang artikulo, na ibinabahagi ang mga puntong inilarawan sa ikalawang pahina. Ituro na ang pag-aayuno ay higit pa sa hindi pagkain—dapat itong samahan ng panalangin, pagpapatotoo, at mga handog-ayuno. Maaari mong tanungin ang mga miyembro ng pamilya kung paano sila pinagpala ng pag-aayuno. Isipin ding ibahagi ang kuwento sa Lumang Tipan na matatagpuan sa Esther 4.

“Pagtalima sa mga Pahiwatig,” pahina 20: Basahin o ibuod ang sidebar na “Walong Layunin ng Paghahayag.” Pagkatapos ay isa-isang basahin ang mga kuwento sa artikulo at talakayin ang layunin ng paghahayag sa kuwento. Hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na bigyang-pansin sa linggong ito kung kailan at paano nila nadama ang Espiritu. Maaari kang mag-follow up sa susunod na linggo upang talakayin ang kanilang natutuhan.

“Saan Hahantong ang Aking mga Pasiya?” pahina 56: Basahin o ibuod ang kuwento; pagkatapos ay basahin ang sipi ni Pangulong Boyd K. Packer. Paalalahanan ang mga miyembro ng pamilya na kapag nakagawa sila ng pagkakamali, maaari silang magpasiyang magbago.

“Ang Aral na Natutuhan sa Little League,” pahina 68: Maaari kayong magsimula sa pagkanta ng “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98). Basahin ang kuwento bilang isang pamilya. Bakit mahalagang magpakita tayo ng suporta sa mga miyembro ng ating pamilya? Paano higit na masusuportahan ng inyong pamilya ang isa’t isa?

Pagmamahal at Liwanag sa Family Home Evening

Noong bagong binyag ako at nakatira sa Colombia, inimbitahan ako ng isang napakaespesyal na pamilya sa aking ward sa family home evening. Iyon ang una kong pagdalo sa home evening, at nagulat ako sa pagmamahal at pananampalatayang nadama ko roon.

Nang magkatipon na ang lahat, nagdasal kami at pagkatapos ay ibinahagi namin ang aming nagawa sa nakalipas na linggo. Matapos mag-usap-usap, nagkaroon kami ng aktibidad.

Habang patay ang mga ilaw, sumulat kami ng mga kataga sa de-kolor na mga pusong papel. Nang matapos kaming lahat, sinindihan namin ang mga ilaw at ipinakita ang isinulat namin. Ang ilan ay di-gaanong maganda ang nagawa, ang sa iba ay pangit talaga, at ang ibang katulad ko ay nahirapan namang magsulat; palagay ko, ako ang pinakapangit ang sulat sa lahat. Mangyari pa, napakalinaw ng aral: kapag wala tayong liwanag ng ebanghelyo sa ating buhay, lahat ay mukhang madilim, magulo, at mahirap.

Naantig akong mabuti ng aral na ito. At sa paglipas ng mga taon simula noon, sinikap ko nang tiyakin na tinatahak ko sa buhay ang landas na may tanglaw ng ebanghelyo lalo na upang maging halimbawa ako sa aking mga anak.

Dina del Pilar Maestre, California, USA