2012
Nagtatanim Ako ng mga Binhi
Hunyo 2012


Nagtatanim ako ng mga Binhi

Abel Chaves, Germany

Sa isang business ethics class para master’s program ko sa Schiller International University sa Heidelberg, Germany, pinagawa ng 20-minutong oral presentation ang bawat estudyante sa pagtatapos ng semestre. Itinanong ng propesor kung maaari akong magsalita tungkol sa ethics batay sa pananaw ng isang Banal sa mga Huling Araw.

Nabinyagan ako sa edad na 18 at tinawag na magmisyon sa Brazil pagkaraan ng isang taon. Mula noon patuloy ko nang ibinahagi ang ebanghelyo sa maraming tao.

Alam ko na isang hamon ang talakayin ang mga isyung pangrelihiyon sa isang unibersidad, pero tinanggap ko ang hamon. Nagpasiya akong maghanda ng isang paglalahad mula sa impormasyong makukuha sa Mormon.org.

Ang mga estudyante sa unibersidad na pinapasukan ko ay mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Halu-halo rin ang mga estudyante sa ethics class ko, na may 18 estudyante mula sa iba’t ibang bansa.

Sinimulan ng dalawang estudyante mula sa India ang ethics presentation at sinundan ng isang estudyante mula sa Myanmar. Ako ang huling naglahad. Nagsalita ako tungkol sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Mga Saligan ng Pananampalataya, at iba pang mga paksa ng ebanghelyo. Noon lang nakarinig ang marami sa mga estudyante tungkol sa Simbahan.

Nagtapos ako sa aking patotoo tungkol sa ebanghelyo at sa kahalagahan ng paggawa ng tama sa kabila ng masamang impluwensya sa ating paligid. Sa huli, binigyan ko silang lahat ng Aklat ni Mormon sa sarili nilang wika. Pagkatapos ng paglalahad ko inulan ako ng iba’t ibang klaseng tanong. Ang 20-minuto kong paglalahad ay naging isang oras.

Nang sumunod na araw ng pasukan, isang kaibigang taga-India ang nagsabi sa akin na humanga siya sa paglalahad ko at nabasa na niya ang ilang bahagi ng Aklat ni Mormon. Ang kanyang kaibigan, na mula rin sa India, ay humingi rin ng kopya. Kalaunan isang kaibigang taga-Myanmar ang nagsabi sa akin na masaya siyang marinig ang tungkol sa Simbahan, lalo na ang mga turo tungkol sa pamilya at sa batas ng kalinisang-puri dahil naniniwala siya sa mga alituntuning iyon. Nangako siyang basahin ang Aklat ni Mormon.

Pinasalamatan ako ng mga kaibigan ko mula sa Ghana sa pagkukuwento sa kanila tungkol sa Panunumbalik, at nangako na sisikapin nilang makita ang templo sa Accra. Sinabi sa akin ng kaibigan ko mula Liberia na inspirasyon sa kanya ang mensahe ko at nagbigay ito sa kanya ng pag-asa para sa hinaharap.

Nalulugod ako na pinagtibay ng Espiritu ng Panginoon ang aking mensahe. Maaaring hindi natin laging makita ang epekto ng ating mga sinasabi, pero alam ko na ang paglalahad na ginawa ko sa klase ay magkakaroon ng bunga sa hinaharap. Umaasa ako na balang araw ay tatanggapin ng ilan sa mga tao sa klaseng iyon ang ebanghelyo at maging kasangkapan sila sa mga kamay ng Panginoon sa pagpapalaganap ng mensahe ng Panunumbalik sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao (tingnan sa D at T 133:37).