Mensahe sa Visiting Teaching
Visiting Teaching—Isang Banal na Tungkulin
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang inyong mga miyembro at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Bilang mga visiting teacher, may mahalagang misyon tayong isasakatuparan. “Hindi kaya ng bishop na naorden bilang pastol ng ward, na bantayan ang lahat ng tupa ng Panginoon nang sabay-sabay. Umaasa siya sa tulong ng inspiradong mga visiting teacher.”1 Ang maghangad at tumanggap ng paghahayag kung sino ang dapat atasang mangalaga sa bawat miyembrong babae ay mahalaga.
Nagsisimulang dumaloy ang inspirasyon habang tinatalakay ng mga miyembro ng Relief Society presidency ang mga pangangailangan ng bawat tao at pamilya. At, sa pahintulot ng bishop, iniaatas ito ng Relief Society presidency sa paraan na maipauunawa sa kababaihan na ang visiting teaching ay isang mahalagang espirituwal na responsibilidad.2
Ang mga visiting teacher ay tapat na nakikilala at minamahal ang bawat miyembrong babae, tinutulungang mapalakas ang pananampalataya nito, at naglilingkod kapag kailangan. Naghahangad sila ng personal na inspirasyon upang malaman kung paano tutugunan ang mga pangangailangang espirituwal at temporal ng bawat miyembrong babaeng binibisita nila.3
“Ang visiting teaching ay nagiging gawain ng Panginoon kapag nagtuon tayo sa mga tao sa halip na sa dami ng ating nabisita. Ang totoo, hindi natatapos kailanman ang visiting teaching. Higit itong isang paraan ng pamumuhay kaysa isang gawain.”4
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Mula sa Ating Kasaysayan
Itinuro ni Sister Eliza R. Snow, ang ikalawang Relief Society general president: “Itinuturing kong mataas at banal na tungkulin ang katungkulan ng isang guro.” Pinayuhan niya ang mga visiting teacher na “mapuspos ng Espiritu ng Diyos, ng karunungan, ng kababaang-loob, ng pag-ibig” bago sila bumisita sa mga tahanan upang malaman at matugunan nila ang espirituwal gayundin ang temporal na mga pangangailangan. Sabi niya, “[Mangusap] kayo ng mga salita ng kapayapaan at kapanatagan, at kung makikita ninyong nanghihina sa pananampalataya ang isang babae, yakapin ninyo siya tulad ng pagyakap ninyo sa isang bata at pasiglahin [siya].”5
Kapag kumilos tayo nang may pananampalataya tulad ng mga kababaihan ng Relief Society noong araw, sasaatin ang Espiritu Santo at magkakaroon tayo ng inspirasyong malaman kung paano tutulungan ang bawat miyembrong babaeng binibisita natin. “Maghangad [tayo] ng karunungan sa halip na kapangyarihan,” sabi ni Sister Snow, “at [sasaatin] ang lahat ng kapangyarihan na magagamit [natin] nang buong karunungan.”6