2012
Ang Pag-aayuno ay Pinalalakas Tayo sa Espirituwal at Temporal
Hunyo 2012


Ang Ating Paniniwala

Ang Pag-aayuno ay Pinalalakas Tayo sa Espirituwal at Temporal

Ang pag-aayuno ay bahagi na ng ebanghelyo ni Jesucristo noon pa mang panahon ng Lumang Tipan (tingnan, halimbawa, sa Daniel 9:3; Joel 2:12). Pinalalakas ng pag-aayuno ang espirituwalidad ng mga tao at pinatitindi ang bisa ng kanilang mga panalangin (tingnan sa Isaias 58:6–11). Ang mga miyembro ngayon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nag-aayuno at ibinibigay sa Simbahan ang perang gagastusin sana nila sa pagkain para matulungan ang maralita at nangangailangan.

“Nagtalaga ang Simbahan ng isang Linggo sa bawat buwan, karaniwan ay unang Linggo, bilang araw ng ayuno. Kabilang sa wastong pagdaraos ng Linggo ng ayuno ang hindi pagkain at pag-inom nang dalawang magkasunod na kainan [sa loob ng 24 na oras], pagdalo sa fast and testimony meeting, at pagbibigay ng handog-ayuno para mapangalagaan ang mga nangangailangan.

“Dapat ay hindi kukulangin sa halaga ng dalawang kainan na dapat ninyong kainin ang halaga ng inyong handog-ayuno. Hangga’t maaari, maging bukas-palad at magbigay ng higit pa sa halagang ito.

“Dagdag pa sa pagdaraos ng mga araw ng ayuno na itinakda ng mga lider ng Simbahan, maaari kayong mag-ayuno anumang araw, ayon sa inyong pangangailangan at sa pangangailangan ng iba. Gayunman, hindi kayo dapat mag-ayuno nang madalas o mas mahabang oras kaysa karaniwan.”1 Yaong mga may problema sa kalusugan na mapapalubha ng pag-aayuno ay dapat maging matalino at iakma ang kanilang pag-aayuno.

Nag-aayuno ang mga miyembro ng Simbahan para sa iba’t ibang layunin. Halimbawa, maaari tayong mag-ayuno at manalangin para sa isang kapamilyang maysakit. Maaari tayong mag-ayuno para magpasalamat sa Diyos, maging mas mapakumbaba, madaig ang isang kahinaan o kasalanan, tumanggap ng inspirasyon para sa ating mga responsibilidad sa Simbahan, at iba pa. Ang pag-aayuno ay magpapadama sa atin ng habag sa mga yaong laging nagugutom. Nakakatulong din ang pag-aayuno para malabanan ng ating espiritu ang ating katawan.

  • Ang ibig sabihin ng pag-aayuno ay kusang hindi pagkain at pag-inom para mas mapalapit sa Panginoon at hingin ang Kanyang mga pagpapala.

  • Hinihikayat tayo na magbigay nang bukas-palad sa ating mga handog-ayuno: ginagamit ng Simbahan ang pera para tulungan ang maralita at nangangailangan.

  • Kabilang sa Linggo ng ayuno ang pagpapatotoo sa sacrament meeting.

  • Mas epektibo ang pag-aayuno kapag sinamahan ng panalangin.

  • Noon pa man ay nag-aayuno na ang mga tunay na nananampalataya. Ang mga sinaunang Judio, halimbawa, ay nag-ayuno para kay Esther upang mahiling niya sa hari na protektahan ang kanyang mga tao (tingnan sa Esther 4:16).

Tala

  1. Tapat sa Pananampalataya (2006), 104.

Mga paglalarawan nina Talat Mehmood, John Luke, at Welden C. Andersen; detalye mula sa Dahil sa Bagay na Ito, ni Elspeth Young