Ang Simbahan sa Iba’t Ibang Dako
Muling Pinasigla ng Mormon Helping Hands ang Paaralan ng Estado sa Macapá, Brazil
Tinatayang 50 boluntaryong Mormon Helping Hands—kabilang na ang mga miyembro ng Simbahan, kanilang mga kaibigan, at mga Latter-day Saint missionary—ang kumilos noong Sabado, Enero 21, 2012, upang tumulong sa paglilinis, pagbubunot ng damo, at iba pang gawain na muling nagpasigla sa Maria Ivone de Menezes, isang paaralan ng estado sa Macapá, Brazil.
Ang aktibidad, na pinag-ugnay-ugnay ng lupon ng paaralan at inorganisa ng public affairs director ng Macapá Brazil Amapá District na si Kleber Sainz, ay umagaw ng pansin at kinunan ng ilang lokal na media outlet. Tumulong ang direktor ng paaralan na si Adelia Danin sa proyekto. “Tuwang-tuwa kami sa malaking kontribusyong ibinigay sa amin [ng Simbahan],” sabi niya. “Mananatili iyon sa aming alaala.”
Inilathala ang Bagong Triple Combination sa Wikang Russian
Isang bagong edisyon ng triple combination ng mga banal na kasulatan na tampok ang Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas na pinagsama-sama sa isang aklat ang mabibili na ngayon sa wikang Russian.
Ang bagong aklat ay mabibili na sa mga lokal na distribution center ng Simbahan, mula sa store.lds.org, online sa scriptures.lds.org, at sa Gospel Library mobile application. Dahil sa edisyong ito umabot na sa 44 na wika ang pagkalathala ng triple combination.