Isang Palaruan para kay Carly
Si Carly W. mula sa Rexburg, Idaho, USA, ay abala sa pagtulong. Sa bahay tumutulong si Carly sa pag-aalaga ng mga pusa, aso, at manok ng kanyang pamilya. Dahil isa si Carly sa pinakamagagaling na estudyante sa kanyang klase sa paaralan, tinutulungan niya ang iba pang mga bata sa matematika at pagbabasa. Sa Primary, natutulungan ng pagkanta ni Carly ang iba pang mga bata na madama ang Espiritu.
Dahil napakahusay tumulong ni Carly sa iba, nagpasiya ang ilan sa kanyang mga kaibigan na tulungan din siya.
Si Carly ay isinilang na may sakit na spina bifida. Dahil sa sakit na ito hirap si Carly na gamitin ang lahat ng kalamnan niya. Hirap siyang gawin ang mga bagay-bagay tulad ng paglalakad sa baku-bakong daan at pag-akyat ng hagdan. Sa paaralan, hindi nakapaglaro si Carly sa palaruan dahil hirap siyang gamitin ang kagamitan doon. May iba pang mga bata na hindi makalaro sa mga kagamitan sa palaruan.
“Kung minsan masama ang loob ko at malungkot kapag rises dahil hindi ako makalaro sa palaruan,” sabi ni Carly.
Ang isa sa mga kaibigan ni Carly, si Halli Jo, at nanay nito ay nagpasiyang mag-ipon ng pera para makapagtayo ng palaruan na magagamit ni Carly at ng lahat ng iba pang estudyante sa paaralan.
Si Halli Jo, ang kanyang ina, at marami pang ibang tao ay nagsikap na makaipon ng pera para sa bagong palaruan. Nahirapan sila, pero nakapag-ipon sila ng sapat na pera para makapagtayo ng bagong palaruang mapaglalaruan ng lahat ng estudyante.
“Mahirap itong gawin,” sabi ni Halli Jo. “Pero hindi ako nagreklamong gawin ito—dahil dito mas napamahal si Carly sa akin.”
Masaya si Carly na makapaglaro sa palaruan kasama ang kanyang mga kaibigan. Sabi niya, “Gusto kong umakyat sa mga rampa at magpadulas. Nagkakatuwaan kaming magkakaibigan.”