2012
Tinawag ng Diyos at Sinang-ayunan ng mga Tao
Hunyo 2012


Mensahe ng Unang Panguluhan

Tinawag ng Diyos at Sinang-ayunan ng mga Tao

Pangulong Henry B. Eyring

Bilang mga miyembro ng Simbahan, madalas tayong anyayahang sang-ayunan ang mga tao sa mga tungkuling maglingkod. Ilang taon na ang nakararaan ipinakita sa akin ng isang 18-taong-gulang na estudyante ang kahulugan ng pagsang-ayon sa mga lingkod ng Panginoon. Pinagpala pa rin ako ng kanyang mapakumbabang halimbawa.

Kasisimula pa lang niya ng unang taon sa kolehiyo. Wala pang isang taon siyang nabibinyagan nang umalis siya sa kanila para mag-aral sa isang malaking unibersidad. Doon niya ako naging bishop.

Nang magbukas na ang paaralan, ininterbyu ko siya sandali sa bishop’s office. Hindi ko na gaanong matandaan ang unang pag-uusap na iyon maliban nang banggitin niya na nahihirapan siya sa isang bagong lugar, pero hinding-hindi ko malilimutan ang pangalawa naming pag-uusap.

Hiniling niyang makausap ako sa aking opisina. Nagulat ako nang sabihin niyang, “Maaari po ba tayong manalangin, at ako na po ang mag-alay?” Sasabihin ko sana na nakapagdasal na ako at inasahan ko na nakapagdasal na rin siya. Sa halip ay pumayag ako.

Sinimulan niya ang kanyang panalangin sa isang patotoo na alam niya na ang bishop ay tinawag ng Diyos. Hiniling niya sa Diyos na sabihin sa akin ang dapat niyang gawin tungkol sa isang bagay na may malaking epekto sa espirituwal. Sinabi ng binatang ito sa Diyos na sigurado siyang alam na ng bishop ang mga kailangan niya at mabibigyan siya ng payong kailangan niyang marinig.

Habang nagsasalita siya, naisip ko ang partikular na mga panganib na haharapin niya. Simple ngunit napakalinaw ng payong ibinigay: laging manalangin, sundin ang mga utos, at huwag matakot.

Itinuro ng binatang iyon, na isang taon pa lang sa Simbahan, sa pamamagitan ng halimbawa kung ano ang kayang gawin ng Diyos sa isang pinuno kapag sinuportahan siya ng pananampalataya at mga panalangin ng mga taong pinamumunuan niya. Ipinamalas sa akin ng binatang iyon ang kapangyarihan ng batas ng pangkalahatang pagsang-ayon sa Simbahan (tingnan sa D at T 26:2). Kahit tinatawag ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod sa pamamagitan ng paghahayag, magagampanan lamang nila ang kanilang tungkulin matapos silang sang-ayunan ng mga taong kanilang paglilingkuran.

Sa ating boto ng pagsang-ayon, tapat tayong nangangako. Nangangako tayong ipanalangin ang mga lingkod ng Panginoon at na gagabayan at palalakasin Niya sila (tingnan sa D at T 93:51). Nangangako tayo na hahangarin at aasahan nating madama ang inspirasyon mula sa Diyos sa kanilang payo at tuwing gagampanan nila ang kanilang tungkulin (tingnan sa D at T 1:38).

Ang pangakong iyan ay kailangang panibaguhin nang madalas sa ating puso. Sisikapin ng inyong guro sa Sunday School na turuan kayo sa pamamagitan ng Espiritu, ngunit tulad ninyo, maaaring magkamali ang inyong guro sa harap ng klase.Gayunman, maaari ninyong ipasiyang pakinggan at hintayin ang mga sandaling madarama ninyo ang pagdaloy ng inspirasyon. Darating ang panahon na mapapansin ninyong nababawasan ang mga pagkakamali at dumadalas ang katibayan na pinalalakas ng Diyos ang gurong iyon.

Sa pagtaas natin ng kamay para sang-ayunan ang isang tao, nangangako tayong tumulong sa anumang layon ng Panginoon na isakatuparan ng taong iyon. Noong maliliit pa ang aming mga anak, pinagturo ang asawa ko sa maliliit na bata sa aming ward. Hindi lang ako nagtaas ng kamay para sang-ayunan siya, kundi ipinagdasal ko rin siya at humingi ako ng pahintulot na tulungan siya. Pinagpapala pa rin ang pamilya at buhay ko dahil sa mga natutuhan ko tungkol sa pagpapahalaga sa ginagawa ng kababaihan at sa pagmamahal ng Panginoon sa mga bata.

Nakausap ko kamakailan ang binatang iyon na sinang-ayunan ang kanyang bishop ilang taon na ang nakararaan. Nalaman ko na sinuportahan siya ng Panginoon at ng mga tao sa kanyang tungkulin bilang misyonero, bilang stake president, at bilang ama. Sabi niya pagkatapos naming mag-usap, “Ipinagdarasal ko pa rin kayo araw-araw.”

Maaari tayong magpasiyang ipagdasal araw-araw ang isang taong tinawag ng Diyos na maglingkod sa atin. Maaari nating pasalamatan ang isang taong nagpala sa atin dahil sa kanyang paglilingkod. Maaari tayong magpasiyang tumulong kapag humingi ng tulong ang taong sinang-ayunan natin.1

Ang mga taong sumusuporta sa mga tagapaglingkod ng Panginoon sa Kanyang kaharian ay palalakasin ng Kanyang walang kapantay na kapangyarihan. Kailangan nating lahat ng pagpapalang iyan.

Tala

  1. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1999), 256–57.

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

Matapos ibahagi ang mensahe, isiping basahin ang sumusunod na sipi: “Gagawin kayong instrumento ng Panginoon sa Kanyang mga kamay kung kayo ay mapagkumbaba, matapat, at masigasig. … Makatatanggap kayo ng karagdagang lakas kapag kayo ay sinasang-ayunan ng kongregasyon at itinalaga” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 24). Ipalibot ang pamilya sa isang mabigat na bagay at pasubukan sa isa sa kanila na buhatin ito. Isa-isang anyayahan ang iba pang miyembro ng pamilya na tumulong sa pagbuhat. Talakayin kung ano ang nangyayari kapag tumulong ang lahat. Isiping bigyang-diin ang payo ni Pangulong Eyring tungkol sa mga praktikal na paraan na masusuportahan natin ang iba sa kanilang mga tungkulin.

Kaliwa: paglalarawan ni Scott Snow; itaas: mga paglalarawan ni Scott Greer; mga paglalarawan nina Welden C. Andersen, Hyun-Gyu Lee, at Frank Helmrich