2012
Salamat sa Aking Guro sa Sunday School
Hunyo 2012


Mga kabataan

Salamat sa Aking Guro sa Sunday School

Hindi laging mapitagan ang klase namin sa Sunday School. Gustung-gusto kong makinig sa mga aralin linggu-linggo, pero kung minsan ay parang hindi iyon gusto ng ibang mga kaklase ko. Madalas silang magkuwentuhan o maglaro sa mga electronic device habang nagsisikap magturo ang aming guro. Ang malungkot, kung minsan ay problema rin ako.

May isang Linggo na mas magulo pa kami kaysa rati, at pagkatapos ng klase, napaiyak ang guro namin dahil wala ni isang nakinig sa itinuro niya. Habang palabas kami ng klase, naawa ako sa kanya.

Nang sumunod na Linggo ipinaliwanag ng guro namin na nagdasal siya nang husto sa buong linggong iyon, na humihingi ng gabay, at naisip niya na kailangan niyang ipalabas sa amin ang isang pelikula ng Simbahan. Ipinalabas niya ang pelikula, na tungkol sa buhay ni Jesucristo at mga himalang ginawa Niya.

Habang pinag-iisipan ko ang pelikulang iyon kinagabihan, may nadama akong kakaiba. Bigla kong nalaman na nadarama ko ang Espiritu, nang higit pa kaysa rati. Agad kong ipinasiya na gusto kong gumawa ng mga pagbabago sa buhay ko para higit kong matularan ang Tagapagligtas, at nalaman ko na ang naranasan ko sa Sunday School sa araw na iyon ay lubos na nagpalakas sa aking patotoo. Lubos akong nagpapasalamat sa aking guro sa Sunday School at sa lahat ng ginagawa niya para sa klase namin linggu-linggo.