2012
Napakiramdaman Ko Lang na Tama Iyon
Hunyo 2012


Napakiramdaman Ko Lang na Tama Iyon

Jeffery Stockett, Utah, USA

Ang Espiritu ay nakikipag-ugnayan sa maraming paraan. Nakadama na ako ng kapayapaan, kapanatagan, at maaliwalas na isipan. Ang ilan sa matitinding impresyong dumarating sa akin ay ang madama kong totoo o tama ang isang bagay. Mahirap ilarawan ang damdaming iyon, pero madarama mo iyon kapag alam mo lang na totoo ang isang bagay o na kailangan kang kumilos.

Ang isa sa pinakamatitinding karanasan ko sa damdaming ito ay noong naghahanap ako ng bahay na mabibili. Binata pa ako noon at ilang taon ko nang pinag-iisipang bumili ng bahay. Sinabi ko sa ahente ang hinahanap ko, at masigasig siyang naghanap ng mga bahay na akma sa gusto ko. Nagpapakita siya sa akin ng mga bahay, pero tinatanggihan ko ang mga iyon dahil hindi ko madama na iyon ang tamang bilhin. Itinanong na niya sa akin kung ano ang ayaw ko sa mga iyon para makapagpakita siya sa akin ng mga bahay na mas akma sa mga pangangailangan ko. Kaya lang, hindi ko maipaliwanag nang husto kung ano ang kulang.

Sa wakas, isang hapon ay nilibot namin ang isang bahay na hindi kasingganda ng ilan sa mga nakita na namin. Mas mahal ito nang kaunti kaysa sa iba. Akma ito sa sinabi kong gusto ko pero hindi kasingganda ng ilang nakita na namin. Gayunpaman, matapos libutin ito, sinabi ko sa ahente na gusto ko na itong bilhin. Parang nagulat siya sa bilis kong magdesisyon. Kung iisipin nga naman ang pag-aatubili ko noong mga nakaraang buwan, tama lang na magulat siya. Pero ang damdaming ito na nga ang dapat kong tirhan ay halos mag-umapaw. Hindi ko na kailangan pang pag-isipan ito nang matagal.

Nag-alok ako ng presyong kaya ko, at tinanggap ito ng nagbebenta, kahit hindi ito ang pinakamataas na alok na natanggap nila. Sinabi ko sa pamilya ko na alam kong dapat akong tumira sa bahay na iyon, bagaman hindi ko alam kung bakit.

Agad kong nalaman kung bakit kailangan akong tumira doon. Nakilala ko ang isang babae sa singles ward isang buwan lang pagkalipat ko roon. Makalipas lang ang isang taon, lumuhod kami sa altar sa templo, kung saan kami ibinuklod bilang mag-asawa.

Totoong kumikilos ang Panginoon sa mahiwagang paraan. Hindi ko naisip na inaakay Niya akong makasal nang walang hanggan nang tulungan Niya akong pumili ng bahay. Ang tanging alam ko ay ginagabayan akong gawin ito noon, at ngayon ay nakikita ko na na ang patnubay na iyon ay nagmula sa Kanyang Espiritu.