Ang mga Pagpapala ng Kasipagan
“Ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya” (D at T 123:17).
Noong bata pa ako sa Sweden, naglingkod si Itay bilang tagapayo sa ilang mission president. Kinailangan niyang magbiyahe nang maraming Sabado’t Linggo dahil sa tungkuling ito. Isa siyang halimbawa ng kahalagahan ng paglilingkod sa Panginoon sa aming magkakapatid, kahit mangahulugan iyon ng pagsasakripisyo namin.
Bata pa ako ay natutuhan ko na rin ang kahalagahan ng pagtatrabaho. Tuwing tag-init nagbibisikleta ako papunta sa taniman ng strawberry ilang milya ang layo. Namimitas ako ng mga strawberry nang maraming oras bawat araw para makaipon ng pera.
Ang pamilya namin ay may isang kubo sa bukid. Walang kuryente o tubig doon, kaya kinailangan naming magsibak ng sarili naming kahoy at magsalok ng tubig sa balon. Ilang beses akong pinagtiwalaan ng magsasakang may-ari ng bukid na dalhin ang kanyang mga baka sa kamalig para gatasan sa umaga at ibalik ang mga ito. Nag-ani kami at nagsalansan ng dayami at gumamit ng mga kabayo para mahila ang malalaking bungkos ng dayami papunta sa kamalig.
Ang mga karanasan ko sa pagtatrabaho at ang halimbawa ni Itay sa paglalaan ng kanyang sarili sa gawain ng Panginoon ay nakatulong sa aking unang misyon. Noong 16 na taong gulang pa lang ako, ang tawag sa akin ay bricklayer [tagalatag ng bricks] para sa mga gusali ng Simbahan sa Sweden, Finland, Germany, at Netherlands. Tumanggap ako ng maraming espirituwal na impresyon sa aking paglilingkod. Nalaman ko na ang tapat na pagtatrabaho ay isang paraan ng paggawa ng tama at makaakma, samakatwid, sa nais ng Diyos.
Isang karangalang tumanggap ng tungkulin at iulat na nagawa mo ang lahat ng kaya mo para tapusin ito. Kapag tumanggap tayo ng mga tungkulin at ginamit ang ating oras at mga talento sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon, mararanasan at makikita natin ang mga pagpapalang laan ng Ama sa Langit para sa atin.