2012
Saan Hahantong ang Aking mga Pasiya?
Hunyo 2012


Saan Hahantong ang Aking mga Pasiya?

Mababago ba ni Karina ang kanyang landasin kapag binago niya ang kanyang mga desisyon?

Naglaho ang ngiti sa mukha ni Karina. Nagsimula siyang pawisan—at hindi iyon dahil sa kakaiba ang init ng panahon sa linggong iyon. Luminga-linga siya para maghanap ng tulong. Ngunit sa kabila ng dami ng tao sa open house, parang walang nakapansin na nag-iisa siya kasama ang reporter at lahat ng tanong niya.

Bago dumating ang sandaling iyon, ang 17-taong-gulang na si Karina ay masaya sa pagboboluntaryo sa Kyiv Ukraine Temple open house. Ngayon, kaharap ang reporter ng pahayagan na naghihintay, parang naumid ang dila niya.

Natakot si Karina na dahil sa mga pagkakamali niya noon na sinisikap niyang ituwid, baka hindi siya tulungan ng Diyos.

Ang Kahahantungan ng Pagsunod sa Nakararami

Lumaki sa Simbahan, pinangarap ni Karina na makasal sa templo. Pero tulad ng maraming kabataan, gusto niya ring mapabilang.

Gusto niyang maging maganda at popular tulad ng kanyang ate. Nangarap siyang mapansin at hangaan, ngunit takot siyang mamukod-tangi at mapagtawanan. Ang kagustuhan niyang pumasok sa police academy tulad ng tatay niya ay lalo pang nagpatindi sa impluwensya sa kanya. Sa 2,000 estudyante, 70 lamang ang babae. Natuwa at nasindak siya sa atensyong nakuha niya.

Sa hangarin niyang mapabilang, nakagawa siya ng ilang pagkakamali. “Malakas ang hatak ng mundo,” sabi ni Karina. “Naliligiran ako ng mga taong umiinom at naninigarilyo. Namilit sila, at bumigay ako. Nasiyahan akong mapabilang sa isang grupong walang inaalala.”

Alam niyang mali ang kanyang ginawa, pero hindi niya inisip ang kahahantungan ng kanyang mga pasiya nang sumunod siya sa marami palayo sa Diyos (tingnan sa Mateo 7:13–14).

Ang Kahulugan ng Pagpapasiyang Magbago ay Pagbabago ng Iyong mga Pasiya

Isang araw sinabi ng isang binatang gusto niya na iginagalang nito ang mga paniniwala ng kanyang simbahan.

Sa hiya na hindi niya ipinamumuhay nang mas mabuti ang mga paniniwalang iyon, sa huli ay pinag-isipan ni Karina ang landas na tinatahak niya (tingnan sa Hagai 1:5–7). Natanto niya na ang kanyang mga pasiya ay naglalayo sa kanya sa Diyos, sa pagsama ng Espiritu Santo, at sa pangarap niyang walang-hanggang pamilya.

Ang tanging paraan para mabago ang kanyang landasin ay ang baguhin ang kanyang mga pagpapasiya bawat araw.1 Ngunit inisip niya kung napakalayo na nga ba niya sa Diyos. Huli na ba para magbago?

Nagpasiya si Karina na magsimulang magbago sa pamamagitan ng pagdarasal at pagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw. Sinimulan niyang magsulat sa kanyang journal, na nakatulong sa kanya na kilalanin ang tulong ng Ama sa Langit bawat araw. Binabago niya ang paksa kung hindi na maganda ang pinag-uusapan.

Ang pinakamahirap niyang pasiya ay huwag na munang makipagkaibigan sa halip na pumili ng mga kaibigang may masamang impluwensya. Sinimulan niyang maghanap ng mga kaibigang may matataas na pamantayan.

Ang Kahalagahan ng Pag-asa

Sa sumunod na mga buwan, pinag-alinlangan at tinakot siya ng kaaway sa bawat desisyon. Kung minsan inisip niya kung sulit ba na pagsikapang sundin ang Tagapagligtas. Parang hindi na niya maabot ang gusto niyang kahinatnan.

Ngunit nang makita niya kung paano namuhay ang kanyang mga magulang at iba pa na may malakas na patotoo, nalaman niya na may mas makapangyarihan pa kaysa pag-aalinlangan at takot—nalaman niya na dahil sa pagsisisi, may pag-asa.

“Nakita ko na posibleng mamuhay nang matwid,” sabi niya. “Hindi tayo isinusumpa dahil sa ating mga pagkakamali. Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng pagkakataong magsisi at magbago ng landasin.”

Ang pagtalikod sa dati niyang mga pasiya at pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas bawat araw ay nagturo sa kanya na mapagpasensya ang Ama sa Langit. “Binigyan Niya ako ng maraming pagkakataong magbago at maging mas mabuting tao,” wika niya. “Natulungan Niya ako sa mga paghihirap ko.”

Nariyan ang Tulong Kung Pipiliin Nating Sumunod

Inihanda ni Karina ang kanyang sarili at bumaling sa reporter. Masigla ang kanyang ngiti. Napakarami nang nagawa ang Ama sa Langit para sa kanya kaya alam niyang tutulungan Niya siya ngayon.

Matapos magtatanong ang reporter, ngumiti at kumaway si Karina. Ngumiti rin ang reporter at umalis na. Hindi maalala ni Karina ang karamihan sa kanyang sinabi, ngunit hindi niya malilimutan ang nadama niya, batid na ang Ama sa Langit ay laging nariyan para sa mga taong piniling sundin Siya.

Tala

  1. Tingnan sa S. Monson, “Mga Landas Tungo sa Pagiging Perpekto,” Liahona, Hulyo 2002, 111–14.

Larawang kuha ni Adam C. Olson

Print