Mga Klasikong Ebanghelyo
Kalayaan at Inspirasyon
Si Bruce R. McConkie ay isinilang noong Hulyo 29, 1915, sa Michigan, USA. Siya ay sinang-ayunan sa First Council of the Seventy nong 1946 at inorden bilang Apostol noong 1972. Pumanaw siya noong Abril 19, 1985. Ang mensaheng ito ay ibinigay sa Brigham Young University noong Pebrero 27, 1973.
Inaasahan tayong gawin ang lahat ng makakaya natin at humingi ng sagot sa Panginoon pagkatapos, na magpapatibay kung tama ang ating pasiya.
Noong kapiling natin ang ating Diyos Ama sa Langit, mayroon tayong kalayaan. Ito ang nagbigay sa atin ng pagkakataon, ng pribilehiyo, na pumili kung ano ang ating gagawin—na magpasiya nang malaya at walang hadlang. … Inaasahan tayong gamitin ang mga kaloob at talento at kakayahan, ang talino at pagpapasiya at kalayaang ipinagkaloob sa atin.
Ngunit sa kabilang banda, inutusan tayong hanapin ang Panginoon, hangarin ang Kanyang Espiritu, upang mapasaating buhay ang diwa ng paghahayag at inspirasyon. Sumapi tayo sa Simbahan at isang may awtoridad na tagapangasiwa ang nagpatong ng kanyang mga kamay sa ating ulunan at nagsabing, “Tanggapin mo ang Espiritu Santo.” Ibinibigay nito sa atin ang kaloob na Espiritu Santo, ang karapatan na laging makasama ang miyembrong iyon ng Panguluhang Diyos, ayon sa ating katapatan.
Kaya nahaharap tayo sa dalawang mungkahi. Ang isa ay nagsasabi na dapat tayong magabayan ng diwa ng inspirasyon, ng diwa ng paghahayag. Ang isa naman ay nagsasabi na narito tayo at inutusang gamitin ang ating kalayaan, na ipasiya nating mag-isa kung ano ang dapat gawin; at dapat nating ibalanse nang maayos ang dalawang ito. …
Gusto ko, kung maaari, na ilahad ang tatlong pag-aaralang sitwasyong ito, na mahuhugutan natin, marahil, ng ilang makatotohanan at makabuluhang pasiya kung ano ang dapat nating kahinatnan sa buhay. Ibabatay ko ang mga paglalarawang ito sa mga inihayag sa atin ng Panginoon.
“Hindi Mo Naunawaan”
Pag-aaralang sitwasyon bilang 1: May isang lalaking nagngangalang Oliver Cowdery. … Isinulat niya ang mga salitang idinikta ng Propeta habang sumasakanya ang Espiritu sa proseso ng pagsasalin (ang Aklat ni Mormon ay kasalukuyang isinasalin noon). Hindi pa sapat ang espirituwalidad ni Brother Cowdery sa panahong iyon, at hinangad at ginusto niyang gawin ang isang bagay na higit pa sa kanyang espirituwal na kakayahan noon. Ginusto rin niyang magsalin. Kaya [hiniling] niya ito sa Propeta, itinanong ng Propeta ang bagay na ito sa Panginoon, at tumanggap sila ng isang paghahayag. Sabi ng Panginoon, “Oliver Cowdery, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, yayamang ang Panginoon ay buhay, na iyong Diyos at iyong Manunubos, tiyak na matatanggap mo ang kaalaman ng anumang bagay na iyong hihilingin nang may pananampalataya, nang may tapat na puso, naniniwala na matatanggap mo.” At ang isang bagay na matatanggap niya ay tinukoy bilang “ang kaalaman hinggil sa mga nakaukit sa lumang talaan, na mga sinauna, na naglalaman ng mga yaong bahagi ng aking banal na kasulatan na binanggit sa pamamagitan ng paghahayag ng aking Espiritu.”
Matapos talakayin ang partikular na problema, inihayag ng Panginoon ang isang alituntuning angkop dito at sa lahat ng iba pang sitwasyong katulad niyon: “Oo, masdan, sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso. “Ngayon, masdan, ito ang diwa ng paghahayag” (D at T 8:2–3). …
… At siya ay humiling. At tulad ng alam ninyo, nabigo siya; tuluyan siyang hindi nakapagsalin. … Muling iniluhog ang bagay na ito sa Panginoon, na kung kaninong pangako ay tinatangka nilang sundin noon pa man; at dumating ang sagot, ang dahilan, kung bakit hindi siya maaaring magsalin: “Hindi mo naunawaan; inakala mo na aking ibibigay ito sa iyo, gayong wala kang inisip maliban sa ito ay itanong sa akin” (D at T 9:7).
Ngayon, mukhang iyon lang ang ipinagawa sa kanya, ang humiling nang may pananampalataya; ngunit naroon sa paghiling nang may pananampalataya ang pangangailangan na gawin muna natin ang lahat ng makakaya natin para matupad ang ating minimithi. Ginagamit natin ang kalayaang ipinagkaloob sa atin. Ginagamit natin ang lahat ng kapangyarihan at kakayahan at abilidad na taglay natin upang maisakatuparan ang anumang posibleng maganap. Ngayon, angkop ito sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, pagpili ng mapapangasawa, pagpili ng trabaho, o alinman sa 10,000 mahahalagang bagay na dumarating sa ating buhay. …
“Bakit Mo Ako Tinatanong?”
Ngayon, ang pag-aaralang sitwasyon bilang 2: … [Ang mga Jaredita] ay nakarating sa dagat na kanilang tatawirin, at sinabi ng Panginoon sa [kapatid ni Jared], “Gumawa kayo ng mga gabara.” …
[Ang mga gabara] ay gagamitin sa kakaiba at mahirap na paglalakbay, at may iba pang kailangan [ang kapatid ni Jared] maliban sa nasa kanila na: kailangan niya ng hangin. At ito ang problemang hindi niya kayang lutasin. Kaya sinabi niya ito sa Panginoon, at dahil hindi niya ito kayang lutasing mag-isa, nilutas ito ng Panginoon para sa kanya at sinabi, “Gawin mo iyan at magkakaroon kayo ng hangin.”
Ngunit ang kapatid ni Jared—na may kumpiyansa na dahil kausap niya ang Panginoon, dahil nagtatanong siya at sinasagot—ay muling nagtanong: … “Ano po ang gagawin namin upang magkaroon ng liwanag sa mga sasakyang-dagat?”
At kinausap pa siya nang kaunti ng Panginoon tungkol doon, at saka Niya ito sinabi: “Ano ang nais mong gawin ko upang magkaroon ng liwanag sa inyong mga sasakyang-dagat?” (Eter 2:23). Sa madaling salita, “… Binigyan na kita ng kalayaan; mayroon kang kakayahan at abilidad. Kumilos ka at lutasin mo ang problema.”
Naunawaan ng kapatid ni Jared ang mensahe. Umakyat siya sa bundok Selem, at ayon sa talaan siya ay “tumunaw mula sa isang malaking bato ng labing-anim na maliliit na bato; at ang mga ito ay mapuputi at malilinaw, maging tulad ng nanganganinag na salamin” (Eter 3:1). …
At ginawa ng Panginoon ang hiling ng kapatid ni Jared, at sa pagkakataong ito nakita niya ang daliri ng Panginoon; at, habang patuloy siyang nananampalataya, tumanggap siya ng paghahayag na higit pa sa nakamtan ng sinumang propeta hanggang sa sandaling iyon. Inihayag pa ng Panginoon sa kanya ang Kanyang katangian at personalidad na hindi pa naganap kahit kailan, at nangyari itong lahat dahil ginawa niya ang lahat ng magagawa niya at humingi siya ng payo sa Panginoon.
Maibabalanse nang maayos ang kalayaan at inspirasyon. Inaasahan tayong gawin ang lahat ng makakaya natin at humingi ng sagot sa Panginoon pagkatapos, na magpapatibay kung tama ang ating pasiya; at kung minsan, ang masaya, bukod pa rito, tumatanggap tayo ng mga karagdagang katotohanan at kaalamang hindi natin sukat-akalain.
“Sila ay Magsasanggunian sa Kanilang Sarili at sa Akin”
Ngayon, ang pag-aaralang sitwasyon bilang 3: Noong nagsisimula pa lang ang Simbahan, inutusan ng Panginoon ang mga Banal na magtipon sa isang lugar sa Missouri. … Ngayon pansinin ninyo ang nangyari. Ang Panginoon ang nagsasalita:
“Gaya ng sinabi ko hinggil sa aking tagapaglingkod na si Edward Partridge, ang lupaing ito ang lupain na kanyang tirahan, at ng yaong kanyang itinalaga upang kanyang maging tagapayo; at gayon din ang lupain na tirahan niya na aking itinalaga upang pangalagaan ang aking kamalig;
“Dahil dito, dalhin nila ang kanilang mga mag-anak sa lupaing ito, [at heto ang mahalaga] habang sila ay magsasanggunian sa kanilang sarili at sa akin” [D at T 58:24–25; idinagdag ang pagbibigay-diin. …
Nakita ninyo, sinabi ng Panginoon na “magtipon” sa Sion. Gayunman, ang mga detalye at mga pagsasaayos kung paano at kailan at ang mga kalagayan, ay dapat pagpasiyahan ng mga tinawag na magtipon, ngunit dapat silang sumangguni sa Panginoon. …
Ngayon, matapos itong sabihin ng Panginoon sa Presiding Bishopric ng Simbahan, ibinigay Niya ang alituntuning angkop sa sitwasyong iyon, at angkop ito sa lahat ng sitwasyon. At isa ito sa maluluwalhating katotohanang inihayag sa atin. Sabi niya:
“Sapagkat masdan, hindi nararapat na ako ay mag-utos sa lahat ng bagay; sapagkat siya na pinipilit sa lahat ng bagay, ang katulad niya ay isang tamad at hindi matalinong tagapaglingkod, dahil dito siya ay hindi makatatanggap ng gantimpala.
“Katotohanang sinasabi ko, ang mga tao ay nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan” [D at T 58:26, 27; idinagdag ang pagbibigay-diin] …
Ngayon, iyan ang tatlong pag-aaralang sitwasyon; dumako tayo sa inihayag na pasiya. …
… Kung alam ninyong gamitin ang kalayaang bigay sa inyo ng Diyos, at sinisikap ninyong gumawa ng sarili ninyong mga desisyon, at mabuti at tama ang inyong pasiya, at sumangguni kayo sa Panginoon at nakamit ninyo ang Kanyang pagsang-ayon sa inyong ipinasiya, nakatanggap kayo ng paghahayag; at ang isa pa, gagantimpalaan din kayo ng buhay na walang hanggan, at dadakilain sa huling araw. …
Pagkalooban nawa tayo ng Diyos ng karunungan sa mga bagay na ito. Pagkalooban nawa tayo ng Diyos ng tapang at kakayahang tumayo sa sarili nating mga paa at gamitin ang taglay nating kalayaan at abilidad at kakayahan; pagkatapos magpakumbaba tayo nang sapat at umayon sa Espiritu na iakma ang ating kalooban sa Kanyang kalooban, upang makamit natin ang Kanyang nagpapatibay at nagpapatunay na pagsang-ayon, upang mapasaating buhay, sa gayong paraan, ang diwa ng paghahayag. At kung gagawin natin iyan, walang alinlangang ito ang ibubunga: kapayapaan sa buhay na ito; luwalhati at karangalan at dignidad sa kabilang buhay.