2012
Ang Himala ng Espirituwal na Pagpapagaling
Hunyo 2012


Mula sa Misyon

Ang Himala ng Espirituwal na Pagpapagaling

Isang araw nang bumisita kami ng kompanyon ko sa isang bagong binyag sa Colombo, Brazil, puno ng mga kapamilya niya ang bahay nila. Maraming tao, pero inanyayahan pa rin nila kaming magbahagi ng mensahe. Magsisimula na sana kami nang dumating ang kapatid na lalaki ng bagong binyag. Hindi siya miyembro ng Simbahan at hindi natuwa sa pagbisita namin. Tila naghahanap siya ng anumang paraan para kontrahin kami.

May isang kuwaderno siya ng lahat ng miyembro ng kanyang kongregasyon at mga sakit nila. Itinanong niya kung naniniwala kami sa kaloob na pagpapagaling. “Naniniwala po kami,” tugon namin. “Kung gayon,” patuloy niya, “napagaling ko ang lahat ng taong nakalista sa kuwadernong ito. Ilang tao na ba ang napagaling ninyo?”

Sinikap naming ipaliwanag ang priesthood, pananampalataya, at kung paano nangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa kalooban ng Diyos, ngunit makaraan ang ilang sandali, nadama namin na parang nasukol kami at natuligsa.

Pagkatapos “sa sandali” (D at T 100:6) na kailangan namin ito, ibinulong ng Espiritu ang dapat naming sabihin. Ipinaliwanag ko na bagama’t naniniwala kami sa pagpapagaling, ang gawain namin bilang mga misyonero ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay magdala ng espirituwal na pagpapagaling sa mga tinuruan namin, na makakamtan lamang sa pagtanggap ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagsampalataya, pagsisisi, pagpapabinyag sa pamamagitan ng paglulubog, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.

Kaya nga kahit naniniwala kami sa pisikal na pagpapagaling, paliwanag namin, ang pinakamahalagang pagpapagaling ay espirituwal na pagpapagaling. At ang uri ng pagpapagaling na iyon ang nakita namin araw-araw. Hindi naman mahalaga kung napagaling sa pisikal ang mga tao kung hindi sila nagsisi at nagbagong-buhay upang sundin si Cristo.

Nang patnubayan kami ng Espiritu na tumugon nang mahinahon, napawi ang tensyon sa silid, tumigil sa pakikipagtalo ang lalaki, at naibahagi namin ang aming mensahe.

Makalipas ang mga buwan, matapos akong magmisyon, nabasa ko ang pahayag na ito sa Liahona mula sa missionary journal ni John Tanner: “Pagbabalik-loob ang pinakadakilang himala. Mas kagila-gilalas pa ito kaysa magpagaling ng maysakit o bumuhay ng patay. Dahil samantalang ang taong napagaling ay muling magkakasakit at sa huli ay mamamatay, ang himala ng pagbabalik-loob ay maaaring magtagal magpakailanman at aapekto sa mga kawalang-hanggan sa nagbalik-loob gayundin sa kanyang mga inapo. Buong henerasyon ay napapagaling at natutubos mula sa kamatayan sa pamamagitan ng himala ng pagbabalik-loob.”1

Nagpapasalamat ako sa Espiritu na nagpaalala sa dalawang tila nasukol na misyonero na ang aming layunin ay magligtas ng mga kaluluwa.

Tala

  1. John Tanner, sinipi sa Susan W. Tanner, “Pagtulong sa mga Bagong Binyag na Manatiling Matatag,” Liahona, Peb. 2009, 21.

Paglalarawan ni Bryan Beach