2012
Mahahalagang Pangyayari sa Mormon Tabernacle Choir
Hunyo 2012


Mahahalagang Pangyayari sa Mormon Tabernacle Choir

Milyun-milyong tao sa buong mundo ang pamilyar na sa musika ng Mormon Tabernacle Choir, sa mga pagtatanghal man ng choir sa pangkalahatang kumperensya o sa mga programang katulad ng 83 taon nang lingguhang pagtatanghal na Musika at ang Binigkas na Salita. Gayunman, hindi sila gaanong pamilyar sa mga ginagawa ng grupong ito sa araw-araw.

Ang Mormon Tabernacle Choir ay binubuo ng 360 boluntaryong mang-aawit na ang edad ay mula 25 hanggang 60. Sa paglipas ng mga taon, nakapaglakbay na ang choir sa 28 bansa at nakapagtanghal na sa 37 estado at sa Washington, D.C. Kadalasan ay nag-eeroplano ang grupo patungo sa lugar na pagtatanghalan nila. Mula roon sumasakay sila sa 11 tour bus, na sinusundan ng 4 na bus ng mga bagahe at 4 na semitrailer na maydala ng mga kagamitan. Pagkatapos ay naglalakbay sila sa iba’t ibang lungsod, na kung minsan ay 6 hanggang 10 oras ang layo.

Habang naglalakbay, bawat miyembro ng choir ay nakasuot ng asul na name tag na naka-print ang logo ng choir at ang kanyang pangalan. Lahat ng miyembro ng choir at orkestra ay naitalaga bilang “mga music missionary”; kinakatawan nila ang Simbahan saanman sila magtungo.

Kapag hindi naglalakbay ang mga miyembro ng choir, ang karaniwan nilang linggo ay binubuo ng isang araw man lang na praktis, kasama ang mga produksyon ng Musika at ang Binigkas na Salita, na isang programang isinasahimpapawid sa ibang mga bansa sa telebisyon at radyo tuwing Linggo ng umaga.

Ang mga miyembro ng Simbahan na tinanggap sa choir ay itinuturing itong isang tungkulin. Nang sumali sila sa choir, sinabihan silang maglaan ng oras na katumbas ng paglilingkod ng elders quorum president o Relief Society president sa isang ward. Kapag tinanggap sila sa choir, maaaring manatili ang mga miyembro nang hanggang 20 taon o hanggang maging 60 taong gulang na sila.

Mga Nakatutuwang Bagay tungkol sa Choir

  • Ang mga damit na isinusuot ng kababaihan sa choir ay dinisenyo at tinahi ng isang wardrobe committee.

  • Tinatayang may 20 mag-asawa sa choir at sa Orchestra at Temple Square.

  • Ang choir ay nagtamo na ng dalawang platinum at limang gold album.

  • Ang choir ay nakapagtanghal na sa mga inagurasyon ng limang pangulo ng Estados Unidos.

Print