2012
Doktrina at mga Tipan 135:3
Hunyo 2012


Taludtod sa Taludtod

Doktrina at mga Tipan 135:3

Bago siya pinaslang, naisakatuparan ni Propetang Joseph Smith ang maraming bagay na nagpala sa buong sangkatauhan.

3 Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito. Sa maikling panahon ng dalawampung taon, kanyang inilabas ang Aklat ni Mormon, na kanyang isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, at siya ring naging daan ng pagkakalathala nito sa dalawang lupalop; ipinadala ang kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo, na nilalaman nito, sa apat na sulok ng mundo; inilabas ang mga paghahayag at kautusang bumubuo sa aklat na ito ng Doktrina at mga Tipan, at marami pang ibang magagaling na kasulatan at mga tagubilin para sa kapakinabangan ng mga anak ng tao; tinipon ang maraming libu-libong Banal sa mga Huling Araw, nagtayo ng isang malaking lunsod, at nag-iwan ng katanyagan at pangalan na hindi maaaring mapatay. Siya ay nabuhay na dakila, at siya ay namatay na dakila sa paningin ng Diyos at ng kanyang mga tao; at gaya ng karamihan sa hinirang ng Panginoon noong mga sinaunang panahon, ay tinatakan ang kanyang misyon at kanyang mga gawain ng kanyang sariling dugo.

Tagakita

Ang isang tagakita:

  • Ay pinahintulutang makita sa pamamagitan ng mga matang espirituwal “ang mga bagay na hindi nakikita ng likas na mata” (tingnan sa Moises 6:35–38).

  • Ay isang tagapaghayag at isang propeta (tingnan sa Mosias 8:13–16).

  • Ay alam ang nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap.

Nakagawa ng Higit Pa

Pangulong Joseph F. Smith

“Ang gawaing ginampanan ni Joseph Smith ay hindi lamang para sa buhay na ito, subalit ito rin ay nauugnay sa buhay na darating pa lamang, at sa buhay na natapos na. Sa madaling salita, ito ay nauugnay sa mga taong nabuhay noon, sa mga taong nabubuhay sa kasalukuyan at sa mga taong mabubuhay pa sa paglisan natin sa mundong ito. Ito … [ay] may kaugnayan … sa mag-anak ng buong sangkatauhan mula sa kawalang-hanggan patungo sa kawalang-hanggan.”

Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918), Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1999), 15.

Kaloob at Kapangyarihan ng Diyos

Isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon “sa pamamagitan ng awa ng Diyos, sa kapangyarihan ng Diyos” (D at T 1:29) at “sa pamamagitan ng mga pamamaraan na inihanda noong una” (D at T 20:8), pati na ang Urim at Tummim.

Katanyagan at Pangalang Hindi Maaaring Mapatay

Pangulong Thomas S. Monson

“Kahit nauwi sa trahedya ang mga kaganapan noong Hunyo 27, 1844 [ang Pagpaslang kina Joseph at Hyrum Smith], inaliw tayo ng pagkaalam na hindi ang Pagpaslang kay Joseph Smith ang huling kabanata sa kasaysayan. Kahit ipinalagay ng mga nagtangkang pumatay sa kanya na babagsak ang Simbahan kapag nawala siya, ang makapangyarihang patotoo niya sa katotohanan, mga turong isinalin niya, at pagpapahayag ng mensahe ng Tagapagligtas ay patuloy ngayon sa puso ng mga miyembro [ng Simbahan] sa buong mundo na nagpapahayag na siya’y propeta ng Diyos.”

Pangulong Thomas S. Monson, “Si Propetang Joseph Smith: Huwarang Guro,” Liahona, Nob. 2005, 69.

Tinatakan ang Kanyang Misyon at Kanyang mga Gawain ng Kanyang Sariling Dugo

Basahin ang mga titik sa himnong “Purihin ang Propeta” (Mga Himno, blg. 21) at pagkatapos ay isulat sa inyong journal ang damdamin ninyo tungkol kay Propetang Joseph Smith.