2012
Ang Aral na Natutuhan sa Little League
Hunyo 2012


Ang Aral na Natutuhan sa Little League

“Dito ako’y may mag-anak. Kami’y nagmamahalan. At sila’y nais kong kapiling nang walang hanggan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98).

“Bakit po ba kailangang narito ako? reklamo ni Lindsay.

“Kailangan mong suportahan ang kapatid mo,” sabi ni Inay.

“Pero nakakainip po rito,” sabi ni Lindsay. “Karaniwan nga ay hindi ko siya pinapanood.”

Sumali ang nakababatang kapatid ni Lindsay na si Michael sa Little League baseball team, at isinama ni Inay si Lindsay sa bawat praktis at laro. Nainip si Lindsay buong maghapon. Habang sinisikap ni Michael na tamaan ang bola, nakinig si Lindsay sa musika, nagbasa ng mga aklat, at nagdrowing para sa kanyang nakababatang kapatid na babae.

Bumuntong-hininga si Lindsay at pinanood niya ang kapatid na nakatayo sa outfield kasama ang kanyang koponan. Pinanood niya ito habang tumatakbo para saluhin ang bola, at hindi ito nasalo, at pagkatapos ay ipinasa ito sa maling tao.

“Sige lang, Michael!” sigaw ni Inay. “Ang galing mo!”

“Pero, Inay,” sabi ni Lindsay, “hindi po siya magaling.”

“Kaya nga tayo narito, Lindsay,” sabi ni Inay. “Para palakasin ang loob ni Michael, lalo na kapag pumapalya siya. Kung wala tayo rito at naramdaman ni Michael na parang hindi na niya kaya, baka hindi na siya magpursigi. Gusto ko lagi siyang magpursigi. Tulad ng gusto ko na palagi kang magpursigi sa pagdodrowing mo.”

“Hindi po kailangang palakasin ang loob ko sa klase sa sining,” sabi ni Lindsay. “Hindi nagpupunta roon si Michael at sumisigaw ng, ‘Ang galing!’ kapag tama ang paghahalo ko ng mga kulay.”

“Hindi nga, pero lagi niyang pinupuri ang drowing mo kapag ipinapakita mo iyon sa amin,” sabi ni Inay.

Pinag-isipan iyon ni Lindsay. Naalala niya kung paano siya inihatid ni Inay sa mga klase niya sa sining at kung minsan ay kinailangang sumama ni Michael, kahit gusto nitong makipaglaro sa mga kaibigan niya. Pinanood niya si Michael sa outfield. Nasapol ng tagapalo ng kalaban ang bola. Padiretso iyon sa kanya!

“Kaya mo ‘yan, Michael!” sigaw ni Lindsay. “Masasalo mo ‘yan!”

Tinakbo ni Michael ang bola at ibinuka ang kanyang glab. Nasalo niya ang bola!

Tumayo at sumigaw sina Lindsay at Inay. “Ang galing mo, Michael! Ikaw ang paborito kong kapatid na lalaki!” sigaw ni Lindsay.

“Ako lang ang kapatid mong lalaki!” sigaw ni Michael na may malaking ngiti sa mga labi.

Naupo na si Lindsay, na abot-tainga ang ngiti.

“Dapat siguro manood ako at palakasin ko ang loob ni Michael,” naisip niya. “Ang panoorin siyang saluhin ang bolang iyon ang pinakamagandang nangyari sa maghapong iyon. At mukhang talagang mahalaga sa kanya na nanonood ako. Ipinagmamalaki ko siya.”

“Inay, palagay ko po tama kayo,” sabi ni Lindsay. “Dapat nating suportahan si Michael.”

Ngumiti si Inay. “Natutuwa ako’t nagbago ang isip mo.”

“Sumigaw pa po tayo!” sabi ni Lindsay.

“Galingan mo, Michael!” sigaw nina Lindsay at Inay. “Kaya mo ‘yan!”

Paglalarawan ni Shawna J. C. Tenney

Print