2012
Pagkakatipon na Nagkakaisa sa Pananampalataya
Hunyo 2012


Pagkakatipon na Nagkakaisa sa Pananampalataya

Ang mga center for young adults ay nagbibigay ng mga pagkakataon na matutuhan ang ebanghelyo, makihalubilo, magawa ang gawaing misyonero at magpaaktibo.

Barbara Matovu mula sa Uganda. Sam Basnet mula sa Nepal. At Elisabeth Olsen mula sa Norway. Tatlong magkakaibang tao, tatlong magkakaibang bansa. Gayunpaman sina Barbara, Sam, at Elisabeth ay pawang nagtipon sa iisang lugar, sa center for young adults sa Oslo, Norway, sa ilalim ng isang katotohanan: ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang tatlong ito ay sumapi sa Simbahan sa Oslo, nang maturuan ng mga misyonero sa center for young adults. Ang mga pasilidad na tulad ng nasa Oslo ay naglalaan ng lugar para makisalamuha sa mga aktibidad, matuto sa mga klase ng institute, gumamit ng computer at Internet, mag-aral para sa paaralan, at magluto rin.

Lumipat si Barbara sa Norway mula sa Uganda noong 1998, noong siya ay siyam na taong gulang. Makalipas ang sampung taon, habang naninirahan sa Oslo, inanyayahan siya ng dalawang misyonero na pag-aralan ang ipinanumbalik na ebanghelyo, at sinabing maaari silang magkita sa center for young adults. Nag-alinlangan si Barbara.

“Naisip ko sa sarili, ‘Isa na namang youth center,’” pag-amin niya. “Marami na akong napuntahang ganoong lugar noon, at talagang hindi ako naging komportable kailanman sa isa man sa mga iyon.”

Pero napatunayan na kakaiba ang center na ito. “Namangha ako nang una akong pumasok sa pintuan nito,” paggunita ni Barbara. “Sandali akong natigilan, at sinubukan kong alamin ang damdamin ko. Nakadama akong sigla at pagmamahal. Natiyak ko na nasa tamang lugar ako, kasama ang tamang mga tao, para sa tamang dahilan.”

Pagkakatipon sa mga Center for Young Adults

Ang inisyatibong magtayo ng mga center for young adults ay nagsimula noong 2003. Pinalawak ng mga center ang layunin ng institute sa pamamagitan ng pag-aalok hindi lamang ng mga klaseng pang-relihiyon; ang mga young single adult ay may pagkakataon ding maglingkod sa center activities council, tulungan ang mga full-time missionary sa pagtuturo at pagpapaaktibo sa mga kaedad nila, at makasalamuha ang isang senior couple na nangangasiwa sa buong gawain. Ang mga lider ng priesthood sa lugar, sa ilalim ng pamamahala ng mga Area Seventy, ang nagpapasiya kung kailangan ng mga center sa kani-kanilang lugar.

Ang unang 4 na center ay nasa Copenhagen, Denmark, at sa Berlin, Hamburg, at Leipzig, Germany. Ang unang 4 na iyon ay dumami at naging 141 noong 2011, sa iba’t ibang lugar tulad ng Sweden at Cyprus. Marami pang itinatayo sa iba pang mga bahagi ng mundo, kabilang na ang Estados Unidos at Africa.

Sina Gerald at Nancy Sorensen ay naglingkod sa center for young adults sa Trondheim, Norway. Nakilala nila roon ang mga young adult mula sa iba’t ibang bansa, kabilang na ang Afghanistan, China, Ghana, Iran, Iraq, Mozambique, Netherlands, Nigeria, Russia, Turkey, at Ukraine.

“Maraming wika, kaugalian, at edukasyon at relihiyon,” pagpuna ni Brother Sorensen, “pero nais ng lahat ng young adult na ito na makaalam pa tungkol sa kanilang Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Nang makilala namin sila at malaman ang kanilang mga pangarap at pagsubok, naging madali nang ituring na anak ng Diyos ang bawat isa sa kanila. Madaling makita na sinagot ng Diyos ang kanilang mga dalangin at pinatnubayan ang kanilang mga hakbangin, na nagpapakita ng Kanyang dakilang pagmamahal sa kanila.”

Nadarama ni President Armand Johansen ng Norway Oslo Mission na may dahilan kaya inaakay ang mga young adult sa center, kabilang na ang pagsasanay sa kanila para sa mga responsibilidad sa hinaharap. “Ang Simbahan sa Norway ay lalo pang kabibilangan ng mga miyembrong magkakaiba ang pinagmulan,” wika niya. “Tinutulungan ng mga center ang mga young adult na malaman kung paano harapin iyon, na maunawaan kung gaano kahalaga ang Simbahan bilang institusyong pinagkakaisa ang lahat ng kultura at tao,” sabi ni President Johansen. “Itinuturing ko ang mga center bilang mga lugar na nagbibigkis, kung saan nababawasan ang mga hadlang sa pakikisalamuha at pagkakapantay-pantay.”

Nagkakaisa kay Cristo

Naaalala pa ni Barbara Matovu ang unang pagkakataon na isinama siya ng mga misyonero sa center para sa isang aktibidad para makilala ang iba pang mga young single adult. Akala niya ay alam na niya kung ano ang makikita niya roon.

“Sa buong buhay ko, lagi akong may kinabibilangang grupo,” paliwanag ni Barbara. “At laging may tatak ang mga grupong ito—grupong pang-isport o pang-internasyonal o iba pang grupo. Kaya nang magdatingan ang mga tao sa center, talagang kakaiba dahil parang walang may ugaling ‘Kabilang ako sa popular na grupo, kaya hindi kita maaaring kausapin.’

“Noong una, naisip ko, ‘Umaarte lang ba sila? Kunwari lang ba ito?’ Pero kalaunan natanto ko na hindi talaga mahalaga kung sino tayo o saan tayo nanggaling o anong wika ang sinasalita natin. Ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit ay para sa lahat. Karaniwan ay medyo matagal bago ako makahanap ng sasalihang grupo, pero sa pagkakataong ito nadama ko na hindi ko kailangang mapabilang sa isang grupo. Basta ako si Barbara, at maaari akong maging si Barbara para sa lahat.”

Sinabi ni Elisabeth Olsen na napakumbaba siyang maunawaan ang kanyang katayuan sa kanyang banal na pamilya. “Kapag may nakilala kang mga tao mula sa ibang kultura o lipunan, napakadali silang tatakan. Natutuhan ko na higit pang imulat ang aking mga mata at tingnan ang mga tao sa paningin ni Cristo,” wika niya. “Sa center, iba’t iba ang kultura naming lahat, pero may isang bagay na karaniwan sa aming lahat: gusto naming makapiling na muli si Jesucristo at ang Diyos.”

Pagiging Isa pero Hindi Magkakatulad

Maaaring pangilagan ng ilan ang ideyang magkaisa dahil iniisip nila na mangyayari lamang ito kung babalewalain ang pagkakaiba-iba ng bawat isa. “Maraming taong takot sa relihiyon dahil iniisip nila na gagawin tayo nitong pare-pareho, dahil magkakapareho ang mga kautusang sinusunod natin,” paliwanag ni Elisabeth. “Pero hindi ganoon iyon. Nilikha tayo ng Diyos na magkakaiba. Maaaring magkakapareho tayo ng paniniwala, pero magkakaiba tayo ng mga katangian at kaloob, at iyan ang dahilan kaya tayo magkakaiba. Nais ng Diyos na magkaiba-iba tayong lahat dahil magkakaiba ang misyon nating lahat.”

Ipinaabot din ni Sam Basnet ang pag-aalala ng kanyang mga kaibigan na naniniwala na mahigpit ang mga tuntuning pang-relihiyon. “Sinabi sa akin ng isang kaibigan, ‘Kung magsisimba ka, kailangan mong sundin ang mga tuntunin ng iba,’” pag-uulat niya. Pero sinusunod ni Sam ang mga pamantayan ng Simbahan dahil mapanalangin siyang naghangad ng personal na paghahayag para mapagtibay ang kanyang mga ginagawa.

At sa pamamagitan ng pag-kausap ng Diyos sa bawat isa sa Kanyang mga anak ay napagkakaisa Niya sila, paliwanag ni Sam. “Sinabi ng Diyos na bawat bansa at bawat dila ay sasambahin Siya” (tingnan sa Mosias 27:31), wika niya. “Sa pagkilala sa iba’t ibang tao, natututuhan kong pahalagahan ang iba’t ibang kultura. Sa pagdanas ng gayong pagkakaiba-iba, nadama ko rin na, oo, may dakilang plano ang Diyos na pagkaisahin tayo sa kapayapaan.”

Pagdating sa Huling Lugar na Pagtitipunan

Bagama’t pinasasalamatan ng mga young adult na ito ang bisa ng pagkakatipon sa isang center for young adults, nauunawaan ng magiging mga lider na ito ng Simbahan na simula pa lamang ito. Tulad ng itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang isa sa pinakamahahalagang lugar na pagtitipunan ay ang templo.1

Nakapaghanda na si Sam na pumasok sa bahay ng Panginoon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mabubuting kaibigan sa center. “Sa pagkilala sa mga taong nagmula sa napakaraming iba’t ibang lugar, nakatulong ito para maging positibo ang damdamin ko tungkol sa mundo,” wika niya. “Gusto kong maging mabuting halimbawa sa mga kaibigan ko, at naging mas marapat ako sa Diyos at sa pagpasok sa Kanyang templo dahil dito.”

Isang buwan matapos mabinyagan, unang naisip ni Barbara na dumalo sa templo habang nasa isang family home evening lesson siya sa center. Pagkatapos ng lesson, nagsimula na siyang magtatanong.

“Ang pagkakaroon ng mga kaibigan na nauunawaan ang kahulugan ng templo sa kanila ay nakatulong para maunawaan ko ang maaaring maging kahulugan ng templo para sa akin. Nang magpaliwanag sila sa akin tungkol sa templo, nadama ko ang Banal na Espiritu,” paggunita ni Barbara. “Natanto ko na lahat ng lugar na naisip kong pagkasalan—isang magandang simbahan o dalampasigan—ay hindi maikukumpara sa templo. Mula sa sandaling iyon, hindi na basta isang gusali lamang ang templo. Isang bagay ito na gusto kong asamin at isang lugar na papasukin namin ng mapapangasawa ko balang-araw.”

Isinama rin ni Elisabeth ang templo sa kanyang pinakamahahalagang mithiin. “Tuwing nakakapunta ako sa templo, nakangiti lang ako na para bang nanalo ako ng isang milyong dolyar,” wika niya. “Alam ko na gusto ng Diyos na makapunta ang lahat doon at matanggap ang lahat ng pagpapala at kaloob na inilaan Niya para sa atin. Ang pagpasok at pagiging karapat-dapat sa templo ay tunay na tagumpay. Makakapasok ako sa templo at magiging pinakamalapit sa Diyos—ang pinakamalapit sa tahanan—sa abot ng makakaya ko sa mundong ito.”

Ang kahariang selestiyal, mangyari pa, ang huling lugar na pagtitipunan, kung saan ayaw ni Barbara na magkaroon ng mga bakanteng silya. “Sinabi ni Cristo na sa pamamagitan lamang Niya tayo makakalapit sa Ama sa langit, pero sinabi rin Niya na ang isa sa pinakamalalaking bagay na magagawa natin sa buhay ay ang paglingkuran ang isa’t isa [tingnan sa Juan 21:15–17]. At ang paglilingkod sa isa’t isa ay pagtulong sa isang tao na makabalik sa Ama sa Langit, dahil hindi mo nais na bumalik nang mag-isa.”

Tala

  1. Tingnan sa David A. Bednar, “Marangal na Humawak ng Pangalan at Katayuan,” Liahona, Mayo 2009, 97.

Itaas, mula ibabaw: Barbara Matovu, Sam Basnet, Elisabeth Olsen.

Ang mga young adult ay may mga pagkakataong maglingkod sa center activities council, tulungan ang mga full-time missionary sa pagtuturo at pagpapaaktibo sa mga kaedad nila, at makasalamuha ang isang senior couple.

Ang unang 4 na center for young adults ay naging 141, at marami pang plano para sa iba pang mga bahagi ng mundo.

Kanan at kabilang pahina: mga larawang-kuha nina Simon Jones (Coventry, England); Jerry Garns (San Diego, California, USA); Henrik Als (Copenhagen, Denmark); Glenda Stonehocker (Soweto, South Africa)