2012
Pumunta Ka sa Mission Home!
Hunyo 2012


Pumunta Ka sa Mission Home!

Felicien Dogbo Mobio, Ghana

Kinabukasan pagkauwi ko sa bahay namin sa Ghana mula sa aking misyon sa Ivory Coast, nagising ako nang alas-6:00 n.u. Bandang hapon pa ako kakausapin ng stake president para i-release, kaya nagpasiya akong matulog muna. Nang patulog na ako, biglang may pumasok sa isipan ko: “Magpunta ka sa Cape Coast mission home.” Alam ko ang Ghana Cape Coast Mission home, pero wala akong ideya kung bakit kailangan kong pumunta roon nang umagang iyon.

Matapos isipin ang mga ito, hindi na ako mapalagay sa impresyong nadama ko, kaya nagpunta ako sa mission home. Papunta roon namroblema ako kung ano ang sasabihin ko sa mission president. Alam kong itatanong niya kung bakit ako bumisita, kaya sinubukan kong maghanda ng angkop na sagot.

Pagdating ko, hindi ko pa rin alam ang isasagot. Pinapasok ako ng mission president, si Melvin B. Sabey, sa kanyang opisina, na iniisip na nagpunta ako roon para magpa-release sa kanya. Pagkaraan ng ilang tanong, sinabi sa akin ni President Sabey na magpunta ako sa stake president para ma-release.

“Alam ko po iyan, President,” sagot ko.

Huminto siya sandali at tinanong ako ng mismong tanong na pilit kong hinahanapan ng sagot: “Bakit ka narito ngayong umaga, Elder Mobio?”

“President Sabey, wala po akong maisasagot sa tanong na iyan,” sabi ko. “Basta naramdaman ko na lang po kaninang umaga na kailangan kong magpunta rito.”

Huminto siya sandali at mahinang sinabi sa akin, “Elder Mobio, ang pagdating mo rito ang tulong na ipinagdasal ko kahapon.” Ipinaliwanag niya na kadarating lang ng mga assistant niya na may kasamang mga bagong misyonero. May kasama silang isang Ivorian, ang unang misyonerong nagsasalita ng French na natanggap niya, at hindi niya alam kung paano kakausapin ito. Pagkatapos ay sinabi niya, “Natitiyak ko na dininig ng Ama sa Langit ang pag-aalala ko kagabi.”

Sa wakas ay nalaman ko ang dahilan ng naramdaman ko nang umagang iyon. Agad naming pinuntahan ang mga bagong misyonero, at nag-interpret ako para sa Ivorian elder sa unang araw niya sa misyon.

Pagkaraan ng pitong buwan nagbalik ako sa Ivory Coast para magpanibago ng pasaporte at ibahagi ang magandang karanasang iyon sa mission president ko. Sabi niya sa akin, “Tayo ay mga kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon. Alam niya kung paano at kailan tayo gagamitin sa Kanyang gawain.”

Alam ko na kung pagtutuunan nating mabuti ang maluwalhating gawaing ito ng Ama sa Langit, hindi tayo kailangang mag-alala. Kailangan lang nating makinig sa mga paramdam ng marahan at banayad na tinig at hayaang gabayan tayo ng Panginoon.