Paano Mo Nalaman na Kailangan Kang Magpunta Rito?
Sherrie H. Gillett, Utah, USA
Noong ako ay 33 taong gulang, namatay sa tumor sa utak ang asawa ko. Naiwan ako na palakihing mag-isa ang tatlong anak namin. Mahirap ang panahong iyon sa buhay ko, ngunit ang payo ng Panginoon na “lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti” (D at T 122:7) ay nagbigay sa akin ng tapang na magpatuloy.
Kalaunan ay nag-asawa akong muli at lumipat sa isang bagong ward, kung saan tinawag ako bilang Relief Society president. Isang araw habang naglilinis ako ng bahay, malinaw na pumasok sa isip ko na bisitahin ang isang di-gaanong aktibong sister na namatayan ng asawa kamakailan. Hindi ko pinansin ang impresyong iyon, dahil marami pa akong ibang dapat gawin sa araw na iyon. Nakakahiya mang sabihin, dalawang beses ko pang natanggap ang impresyong iyon bago ako nagpasiyang kumilos.
Pagdating ko sa bahay ng sister nang gabing iyon, madilim ito. Pinindot ko ang doorbell at naghintay ako. Kumatok ako nang malakas at naghintay pa nang kaunti.
Nang papaalis na ako, bumukas ang ilaw sa balkonahe, at dahan-dahang bumukas ang pinto. Nag-aatubiling isinungaw ng sister ang kanyang ulo. Hindi ko malilimutan kahit kailan ang itinanong niya: “Paano mo nalaman na kailangan kang magpunta rito?” Sinabi niya na maghapon siyang umiiyak at nadama niya na hindi niya kayang mabuhay na wala ang kanyang asawa.
Dalawang oras kaming nag-usap nang gabing iyon. Hindi ko na gaanong matandaan ang napag-usapan namin, pero naaalala kong sinabi ko sa kanya na, “Alam ko ang pinagdaraanan mo.” Tiniyak ko sa kanya na maiibsan din ang lungkot sa paglipas ng panahon at pinangangalagaan siya ng Panginoon. Habang nag-uusap kami, napansin ko na napalitan ng kapanatagan ang dalamhati sa kanyang mukha.
Pagkatapos naming mag-usap, niyakap ko siya nang mahigpit. Nagpasalamat ako na nabigyan ako ng inspirasyong bisitahin siya. Alam ko na itinulot ng ating mapagmahal na Ama sa Langit na tulungan ko Siyang matulungan ang magiliw na sister na ito sa oras ng kanyang pangangailangan.