Nakinig Ako sa Ikalawang Pagkakataon
Matthew D. Flitton, Mga Magasin ng Simbahan
Malapit na akong makatulog noong gabi bago ako nagbiyahe nang pumasok sa isipan kong bumili ng rim at gulong para sa 15-taon na naming minivan, na nakuha namin na walang reserba. Kinabukasan naging abala ako at nalimutan ko na ang naisip ko. Isinakay namin sa van ang tatlong anak namin at gamit at nagpunta na kami sa bahay ng tatay ko na apat na oras lakbayin.
Sa daan, sumabog ang gulong ng van. Ipinahila namin ang van sa pinakamalapit na bayan para palitan ang gulong. Tatlong ulit ang taas ng presyo ng rim at gulong kumpara sa lugar namin, at 90 minuto ang naubos namin sa paghihintay. Napahalagahan ko ang mga paramdam ng Espiritu at nagpasiya akong sundin ang mga ito sa susunod.
Apat na taon at dalawa pang anak ang naragdag mula noon, muli kaming nagplanong bisitahin ang tatay ko, na ngayon ay 13 oras lakbayin. Noon ay iba na ang van namin, na 14 na taon nang nagamit. Mga isang linggo bago kami umalis, nadama ko na kailangan kong palitan ang reserbang gulong ng van. Dahil naalala ko ang una kong karanasan, sinunod ko ang paramdam. Dalawang araw pa mula noon naisip kong bumili ng ilang ratchet tie-down [matibay na panali] para gamitin sa kambiyo na tinalian namin dati ng lubid. Kailangan ko ng dalawa pero apat ang binili ko. Inilagay ko ang dalawang sobra sa aming emergency kit.
Nang pauwi na kami mula sa pagbisita kay Itay, huminto kami para bumili ng pagkain. Habang kinukuha ko ang ilang bagay mula sa isang lalagyan sa bubong ng van, hinawakan ng tatlong-taong-gulang kong anak ang sliding door. Bumagsak ito sa lupa! Salamat na lang at hindi siya tinamaan nito. Halos 500 milya (805 km) pa ang lalakbayin namin pauwi isang Biyernes ng gabi, kaya pilit kong ikinabit ang pinto para makabiyahe na kami, pero wala ito sa lugar at naririnig namin ang ingay sa daan habang nagbibiyahe kami. Tumabi akong muli at ginamit ko ang isa sa mga ekstrang panali para italing mabuti ang pinto.
Ilang oras pa at nagsimulang umuga nang malakas ang van. Kumalampag nang malakas ang umuugang pinto, pero hindi ito natanggal sa pagkakatali. Huminto ako at nakita ko na nawalan pala ng belt ang isa sa mga gulong. Dali-dali ko itong pinalitan ng bagong gulong na binili ko ilang linggo bago iyon, at nakabiyahe na kaming muli.
Nagpapasalamat ako sa mga paramdam ng Espiritu Santo, na tinulungan kaming maging ligtas sa aming mga biyahe. Alam kong pangangalagaan tayo ng Ama sa Langit kung makikinig tayo sa “marahan at banayad na tinig” (I Mga Hari 19:12; tingnan din sa 1 Nephi 17:45; D at T 85:6), susundin ang Kanyang mga paramdam, at hihingi ng tulong kapag kailangan natin ito.