2012
Hindi Ba Ako Puwedeng Binyagan Din?
Oktubre 2012


Hindi Ba Ako Puwedeng Binyagan Din?

“Ang kanilang mga anak ay bibinyagan para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan pagsapit ng walong taong gulang” (D at T 68:27).

“Nuno at Miriam, susundin ba ninyo ang halimbawa ni Jesucristo at magpapabinyag kayo sa susunod na Sabado?” tanong ni Sister Silva.

Hindi makapaniwala si Paulo sa kanyang narinig. Kaiimbita lang ng mga misyonera sa kanyang 10-taong-gulang na kapatid na lalaki at babae na magpabinyag!

“Opo! Opo!” masayang sabi ng kambal.

Hindi mapigil ni Miriam na mapangiti. Nakipag-high-five si Nuno kay Sister Lopes. Ngumiti si Lola mula sa kanyang malaki at pulang upuan sa sulok.

Ilang linggong tinuruan ng mga misyonera si Paulo at ang kanyang mga kapatid sa bahay ni Lola na nasa luntian at mahanging isla ng São Miguel—1,000 milya (1,600 km) ang layo sa Portugal. Gustung-gustong buksan ni Paulo ang kalahating ibabaw ng pintuan ni Lola sa harapan at madama ang simoy ng hanging-dagat habang pinagmamasdan ang pagdating nina Sister Lopes at Sister Silva para turuan siya tungkol sa ebanghelyo.

Sinabi ng mga misyonera na magiging espesyal na okasyon ang araw na iyon. Ngayo’y alam na ni Paulo kung bakit. Bibinyagan na sina Nuno at Miriam, gaya ng turo ni Jesus! Gusto ring sundan ni Paulo ang halimbawa ng Tagapagligtas.

“Mga sister, maaari din ba akong mabinyagan sa Sabado?” sabik niyang tanong, habang yakap sa dibdib ang kanyang Aklat Mormon na may mga larawan.

Ngumiti si Sister Silva pero umiling. “Sori, Paulo. Sinabi sa atin ng Panginoon na lahat tayo ay kailangang mabinyagan pero pagsapit lang natin ng walong taong gulang. Dahil anim na taon ka pa lang, hindi mo pa pananagutan ang iyong mga pagpili.”

“Pero, mga sister,” pagtutol ni Paulo, “matagal na naming ipinagdarasal at binabasa ng pamilya ko ang Aklat ni Mormon, gaya ng turo ninyo sa akin. Dumadalo ako sa Primary linggu-linggo kasama sina Lola at Tiyo Mário. Alam ko na ang Simbahan ay totoo! Hindi ba ako puwedeng binyagan na kasabay nina Nuno at Miriam?”

“Napakaganda ng nagawa mo sa pagsunod sa mga utos at pagkatuto tungkol sa ebanghelyo,” sabi ni Sister Lopes. “Pero kailangan mo pa ring maghintay nang dalawang taon bago ka mabinyagan.”

Nagsimulang mag-init ang lalamunan ni Paulo, at napuno ng mainit na luha ang kanyang mga mata. Tumalon siya at tumakbo sa kanyang silid sa itaas ng kisame, kung saan sila natutulog ng kanyang mga kapatid.

Matapos umiyak nang ilang minuto sa kanyang unan, narinig ni Paulo na may paakyat sa hagdan papunta sa kisame. Naupo si Tiyo Mário sa kama ni Paulo.

“Ano’ng nangyari, Paulo?” tanong ni Tiyo Mário.

“Sabi nina Sister Silva at Sister Lopes hindi po ako puwedeng binyagan, pero sina Nuno at Miriam ay puwede,” sabi ni Paulo. “Gusto ko pong maging miyembro ng Simbahan! Gustung-gusto kong kumanta ng mga himno sa sacrament meeting at matuto tungkol sa mga banal na kasulatan sa Primary. Ayoko pong mapag-iwanan.”

“Paulo, puwede ka pa ring maging bahagi ng Simbahan, kahit wala ka pa sa edad para binyagan,” mahinahong sabi ni Tiyo Mário.

“Paano po?” suminghot si Paulo sa kanyang unan.

“Alam mo naman na naghahanda ang Primary ng sacrament meeting program,” sabi ni Tiyo Mário. “Sinabi sa akin ng Primary teacher mo na naghahanap siya ng mga boluntaryong magpapatotoo sa program. Isang paraan iyan para makalahok ka sa simbahan,” paliwanag ni Tiyo Mário.

“Talaga po?” Naupo si Paulo at humarap sa kanyang tiyo. Nag-isip siya sandali. “Siguro maaari din akong magpatotoo sa binyag nina Nuno at Miriam!”

“Magandang ideya iyan!” sabi ni Tiyo Mário. “Kahit napakabata mo pa para binyagan, maaari ka pa ring magkaroon ng patotoo.”

Tumalon si Paulo mula sa kanyang kama at nagmamadaling tumakbo pababa.

“Saan ka pupunta, Paulo?” pagtawag ni Tiyo Mário.

“Magpapraktis po akong magpatotoo sa mga missionary!” masayang sagot ni Paulo. “Ibabahagi ko ito habang naghihintay akong mabinyagan!”

Mga paglalarawan ni Jared Beckstrand