2012
Mahal kong Amiga
Oktubre 2012


Mahal kong Amiga

Hello mula sa Mexico! Sabik na akong matanggap ang liham mo at makabalita tungkol sa darating mong kaarawan. Mukhang medyo kinakabahan kang umalis sa Primary. Maaari ko bang ikuwento sa iyo ang paglipat ko sa Young Women?

Kabado rin akong umalis ng Primary noon. Nag-alala ako na baka hindi ako magkaroon ng mga kaibigan. Natakot akong maging isa sa mga pinakabatang babae sa halip na isa sa mga pinakamatanda.

Pero naging maayos naman ang lahat. Ininterbyu ako ng bishop bago sumapit ang kaarawan ko at sinabi sa akin na ang pagbabago ay isang mabuting bagay. Pagsapit ng araw ng Linggo, nahiya pa rin ako at nanatili ako sa Primary room. Mabuti na lang, nakita ako roon ng isa sa mga lider ng Young Women. Sabi niya, “Sabi ko na nga ba narito ka eh! Halika na, oras na ng klase.”

Si Sister Diaz ang nag-welcome sa akin sa opening exercises, at binigyan niya ako ng tatlong aklat na natutuhan kong mahalin: Para sa Lakas ng mga Kabataan, Pansariling Pag-unlad ng Young Women, at isang journal. Nang igala ko ang tingin ko sa silid, nalaman ko na kilala ko ang ilan sa mga batang babae roon na nanggaling sa Primary. Binati ako ng ilan sa mga batang babaeng hindi ko kilala. Hindi nagtagal ay nakadama ako ng kapayapaan sa halip na matakot.

Gumanda na nang gumanda ang lahat pagkatapos niyon. Naging espesyal sa akin ang mga aktibidad sa Mutual dahil naturuan ako ng mga ito kung paano ipamuhay ang ebanghelyo at tulungan ang aking pamilya at mga kaibigan. At napakasayang magkamping taun-taon! Ngayong Laurel na ako, sana matapos ko kaagad ang Pansariling Pag-unlad. Hindi ako makapaghintay na makapagsuot ng Young Women medallion para maalala ko kung gaano ako higit na napalapit sa aking Ama sa Langit sa paglipas ng mga taon.

Kaya huwag kang matakot, kaibigan. Maging matapang at lumipat na agad sa Young Women. Pangako: hindi ka magsisisi.

Nagmamahal,

Maribel

Paglalarawan ni Brad Clark