Paggunita sa mga Dakilang Tao
Newel K. Whitney (1795–1850)
Si Newel Kimball Whitney ay isinilang sa Vermont, USA, noong Pebrero 5, 1795. Siya ay mahusay na negosyante at naging kaibigan at kasosyo niya sa negosyo si Sidney Gilbert. Noong nagsisimula pa lamang ang kanilang negosyo, madalas silang bumiyahe. Sa isa sa mga biyaheng iyon, nakilala ni Newel si Elizabeth Ann Smith sa Kirtland, Ohio. Naging magkasintahan sina Newel at Ann sa loob ng tatlong taon at nagpakasal noong 1823.
Magkasamang nagsaliksik ng katotohanan sina Newel at Ann at nakisali sa kilusang Campbellite, na nagsabing naipanumbalik nila ang sinaunang Kristiyanismo. Isang gabi nanalangin sina Newel at Ann “upang malaman mula sa Panginoon kung paano [nila] matatamo ang kaloob na Espiritu Santo.” Inilarawan ni Ann ang pangitaing natanggap nila bilang sagot sa kanilang panalangin: “Napasaamin ang Espiritu at nalukuban ng ulap ang kabahayan. … Pagkatapos ay nakarinig kami ng tinig mula sa ulap, na nagsasabing: “Maghandang tanggapin ang salita ng Panginoon, sapagkat parating na ito.’”1
Hindi nagtagal matapos ang sagot na ito sa panalangin, noong Oktubre 1830, dumating sa Kirtland ang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw. Pagsapit ng Nobyembre, bininyagan sina Newel at Ann. Ilang buwan lang ang nakalipas, kumatok sa pintuan ng mga Whitney sina Joseph at Emma Smith. Nang batiin at tawagin ni Joseph sa pangalan si Newel, hindi masabi ni Newel ang pangalan ng Propeta, kaya sinabi ni Joseph, “Ako si Joseph ang Propeta; nanalangin kang pumarito ako, ano ngayon ang nais mo sa akin?”2 Pagkatapos ay pinatira ng mga Whitney sa kanilang tahanan ang mga Smith sa loob ng ilang linggo at binigyan sila ng matitirhan noong Setyembre 1832.
Bukod sa pagbibigay ng tirahan sa mga Smith, ipinagamit din ni Newel sa Simbahan ang buong espasyo sa itaas ng kanyang tindahan. Sa tindahan ng mga Whitney, idinaos ng mga pinuno ng Simbahan ang mga pulong at ang Paaralan ng mga Propeta.
Noong Disyembre 1831, tinawag si Newel bilang ikalawang bishop ng Simbahan at kalaunan ay naglingkod bilang tagapamahala ng pananalapi ng Simbahan, na tumulong sa pangangasiwa ng pondo ng Simbahan at mabayaran ang mga utang nito. Noong taglagas ng 1838, lumipat ang mga Whitney sa Far West, Missouri, kung saan muling tinawag si Newel bilang bishop, at pagkaraan ng 10 taon, tinawid nila ng kanyang pamilya ang kapatagan papuntang Salt Lake City, at doon siya naglingkod bilang Presiding Bishop ng Simbahan.
Namatay si Newel noong Setyembre 24, 1850, sa Salt Lake City dahil sa sakit sa baga.