2012
Pagtuturo ng Kabutihan sa Tahanan
Oktubre 2012


Mga Klasikong Ebanghelyo

Pagtuturo ng Kabutihan sa Tahanan

Si Delbert L. Stapley ay ipinanganak noong Disyembre 11, 1896, sa Arizona, USA. Siya ay itinalagang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong Oktubre 5, 1950, at naglingkod sa korum na iyon hanggang sa kanyang pagpanaw noong Agosto 19, 1978. Ang mensaheng ito sa debosyonal ay ibinigay sa Brigham Young University noong Pebrero 1, 1977. Ang buong teksto ng mensaheng ito sa Ingles ay matatagpuan sa speeches.byu.edu.

Elder Delbert L. Stapley

Isang responsibilidad at pagpapala sa mga magulang ang turuan at sanayin ang kanilang mga anak na mamuhay nang matwid.

Ang mga magulang ay may pagkakataong turuan at hubugin ang pagkatao ng kanilang musmos na mga anak bago pa magkaroon si Satanas ng kapangyarihan na tuksuhin sila at bago pa sila tumuntong ng walong taong gulang, at magkaroon na ng pananagutan sa harap ng Diyos. … Ipinagkaloob ng Panginoon sa mga magulang ang mahahalagang taong ito, ang mga unang taon ng buhay ng isang bata, kung kailan wala pang pananagutan ang mga bata sa kanilang sinasabi at ginagawa. Isang responsibilidad at pagpapala sa mga magulang ang turuan at sanayin ang kanilang mga anak na mamuhay nang matwid.

Ang pinakamabisang paraan para maituro ang kabutihan at relihiyon sa isang tahanan ay sa pamamagitan ng halimbawa. Sana, mapanatili ng mga magulang ang kanilang buhay na kalugud-lugod at mabuti at dahil dito’y magamit nang makabuluhan ang halimbawa ng kanilang buhay sa pagtuturo at pagsasanay sa kanilang sariling mga anak. [Itinuro ni Pangulong David O. McKay (1873–1970):] “Kung magtuturo kayo ng pananampalataya sa Diyos, magpakita kayo mismo ng pananampalataya sa Kanya; kung magtuturo kayo ng panalangin, manalangin kayo mismo; … kung gusto ninyong maging mahinahon sila, iwasan ninyo mismo ang pagiging mainitin ang ulo; kung nais ninyong ang inyong anak ay mamuhay nang may kabanalan, pagtitimpi, kabaitan, kung gayon magpakita kayo sa kanya ng halimbawang marapat tularan sa lahat ng bagay na ito.”1 Sa paggawa nito’y lalong makikintal sa isipan ng inyong mga anak ang mga aral na ito; at sila, sa pagtanggap ng gayong patnubay mula sa mga magulang, ay mapalalakas ang kanilang sarili laban sa mga tukso ni Satanas, na ang mithiin ay sirain ang kanilang buhay kapag tumuntong na sila sa edad ng pananagutan. Tungkulin ng mga magulang na maging tulad ng nais nilang kahinatnan ng kanilang mga anak hinggil sa pagpipitagan, katapatan, kahinahunan, at tatag ng kalooban na gawin ang tama sa lahat ng pagkakataon. Mas mabisa ang halimbawa kaysa tuntunin.

Ang araw-araw na pamumuhay sa tahanan ay dapat nakaayon sa mga alituntunin at pamantayan ng ating Simbahan. Ang mga ginagawa natin sa negosyo ay dapat naaayon sa mga turo ng ating relihiyon. Madaling madama ng mga bata kung hindi tapat ang isang tao. Sinabi ni John Milton na ang pagkukunwari ang tanging kasalanan na hindi nahahalata maliban ng Diyos. Gayunman, ang mga bata ay sensitibo sa mga bagay na mali, at ayaw nila sa mapagkunwari at mapagpanggap. Alam natin na mas naiimpluwensyahan ang mga bata ng mga pangaral na ating ipinamumuhay kaysa ng mga pangaral na ating binibigkas. Ang mga magulang ay dapat palaging maging tapat sa kanilang mga anak, na tinutupad ang mga pangakong ginawa sa kanila at palaging nagsasabi ng katotohanan. Ang magulang na hindi pabagu-bago ang pag-uugali ang nakakukuha sa tiwala ng kanyang anak. Kapag nadama ng bata na marapat ka niyang pagkatiwalaan at pinagkakatiwalaan mo rin siya, hindi niya ito sisirain, ni magdudulot ng kahihiyan sa iyong pangalan. …

Ang mga magulang ay hindi kailanman dapat mag-away sa harapan ng kanilang mga anak. Kung minsan ay nagkakaroon ng mga pag-aaway sa pagtatangkang ituwid o disiplinahin ang isang bata. Isang magulang ang namumuna; ang isa naman ay tumututol. At ang pagkakaisa sa tahanan, na dapat sanang makita at madama ng bata, ay nawawalang-saysay. Dapat magkaisa ang mga magulang sa nais nilang kahantungan ng kanilang anak; dahil kung hindi, baka makagawa siya ng mga maling desisyon bunga nito. Sinabi ni Richard L. Evans: “Ang hindi pagkakaisa ng mga magulang ay hindi mabuti at nakalilito at nagpapahina sa pundasyon ng pamilya. Ang mga taong inaasahan ng isang bata na gagabay sa kanya ay kailangang magkaisa sa paggabay na kanilang ibinibigay.”2 Alam nating madaling madama ng mga bata ang kondisyon at saloobon ng pamilya; nakadarama sila ng tensiyon at mga pagkakaiba na hindi nila palaging nauunawaan. …

May karapatan ang isang bata na madama na ang kanyang tahanan ay isang kanlungan, isang lugar na proteksiyon mula sa mga panganib at kasamaan sa labas ng tahanan. Ang pagkakaisa at integridad ng pamilya ay mahalaga upang matugunan ang pangangailangang ito. Walang ibang lugar maliban sa tahanan kung saan matatagpuan ang tunay at tumatagal na kaligayahan sa buhay na ito. Ang tahanan ay maaaring maging munting langit; tunay na nakikinita ko ang langit bilang karugtong ng huwarang tahanan dito sa lupa.3 …

Ang ebanghelyong itinuturo natin ay totoo. Si Cristo ay buhay, ang Diyos ay buhay, at napakagagandang mansiyon ang inihahanda sa itaas para sa lahat ng Kanyang matatapat na anak. Planuhin ngayon ang uri ng tahanan at pamilya na nais ninyo at kung paano ninyo tutugunan ang mga pangangailangan ng inyong mga anak upang mapanatili sila sa landas ng kabutihan na aakay sa pamilya tungo sa buhay na walang hanggan sa isang selestiyal na tahanan. Pagpalain kayong lahat ng Diyos, mga kapatid. Sa palagay ko nauunawaan ninyo na karamihan sa mga nabanggit ay nauukol sa inyo. At ang buuin at itaguyod ang inyong tahanan sa sagradong paraan ay napakahalaga sa mga kabataan na naging biyaya sa inyong buhay.

Mga Tala

  1. David O. McKay, Secrets of a Happy Life, comp. Llewelyn R. McKay (1967), 11.

  2. Richard Evans’ Quote Book (1975), 23.

  3. Tingnan sa David O. McKay, Gospel Ideals (1953), 490.

Paglalarawan ni Craig Dimond © IRI