Unang Stake sa India, Inorganisa
Kapansin-pansin ang katuwaan at pasasalamat nang magtipon ang mahigit 1,500 miyembro at mga kaibigan sa Novotel Convention Center sa Hyderabad, India, para sa pag-oorganisa ng Hyderabad India Stake, ang unang stake sa bansa, noong Mayo 27, 2012. Si Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang namuno at sinamahan siya nina Elder Donald L. Hallstrom ng Panguluhan ng Pitumpu at Elder Anthony D. Perkins ng Pitumpu, na naglilingkod bilang Asia Area President. Naroon din sa kumperensya ang asawa ng bawat lider na ito.
Si John Gutty ay sinang-ayunan bilang stake president kasama sina Suresh Natarajan bilang unang tagapayo at Rajaratnam Bushi bilang pangalawang tagapayo. Ang unang patriarch ng India ay ang dating district president na si Prasad Rao Gudey.
Sa pagsasalita sa pinakamalaking pagtitipon ng mga Banal sa India, sinabi ni Randy D. Funk, pangulo ng India Bangalore Mission, “Ito ang pinakamagandang tanawin sa makasaysayang araw na ito, isang araw na hindi natin malilimutan. Hindi natin malilimutan na naparito ang isang Apostol ng Panginoon.”
Ipinarating ni Elder Perkins ang pagmamahal ng Asia Area Presidency sa mga miyembro sa India at sinabing, “Nakikita natin ang simula ng kamangha-manghang gawain sa lupaing ito. Ang pag-unlad ng Simbahan at pag-organisa ng stake ay isinasagawa alinsunod sa walang-hanggang mga alituntunin ng ebanghelyo at itinakdang mga huwaran sa priesthood.”
Nang sabihin ni Elder Hallstrom na siya ang pangalawang saksi sa pagtawag sa bagong stake presidency, ipinaliwanag niya ang paraan ng pagpili ng bagong pamunuan sa stake ayon sa paghahayag. Bilang miyembro ng Pitumpu, sinabi niya na inatasan siya at dumating nang walang kinikilangan o inaayawan. Sumunod siya sa paraan ng Panginoon, na umaasa sa Kanyang Espiritu upang makatanggap ng paghahayag. “Kalooban ng Panginoon na si President Gutty ang maging stake president,” sabi ni Elder Hallstrom.
Nagsalita si Kristen Oaks, na sinamahan ang kanyang asawa, tungkol sa pagtuturo sa mga bata upang maniwala sila dahil “nalalaman ito ng [kanilang] mga ina” (tingnan sa Alma 56:48).
Bilang huling tagapagsalita sa pulong, nagpasalamat si Elder Oaks sa bansa ng India, isang bansang may kalayaan sa relihiyon na nagtutulot sa mga miyembro ng Simbahan “na magpulong at mangusap tungkol sa mga alituntunin ng ating pananampalataya.”
Nagpatotoo si Elder Oaks na pinagtibay sa kanya ng Espiritu na inihanda at hinirang ng Panginoon ang tinawag na mga pinuno. Binanggit din ni Elder Oaks ang mga bagong responsibilidad ng stake.
Sinabi niya na sa Lumang Tipan ay inihalintulad ng propetang si Isaias ang Israel sa isang toldang nagkanlong sa mga anak ni Israel. “Ang Simbahan ngayon ang tolda. Alam nating lahat na ang tolda ay kailangang suportahan ng mga tulos [stake]. Ngayong isa nang stake ng Sion ang Hyderabad, aasahan kayong sumulong at magbigay ng mas malaking suporta sa pamamagitan ng ikapu at pagpapadala ng mga missionary.”
Dahil naorganisa na ang stake, maaari nang tumanggap ng mga patriarchal blessing ang mga miyembro sa Hyderabad. Ipinaliwanag ni Elder Oaks ang nilalaman ng patriarchal blessing, na tinutukoy ang mga pagpapala bilang “pribadong mga banal na kasulatan.”
“Ang patriarchal blessing ay nagpapahayag ng inyong angkan sa mga lipi ni Israel na nagdudulot ng malalaking pagpapala,” sabi ni Elder Oaks. “Ang patriarchal blessing ay nagpapahayag din ng mga pagpapala at pangakong makakamtan natin kung tayo ay tapat.”
“Habang lumalago ang Simbahan sa India, darating ang panahon na magkakaroon ng inspirasyon ang propeta na magtayo ng templo sa India,” pagpapatuloy niya. “Bawat stake na maorganisa ay nagpapaibayo ng posibilidad na magkaroon ng templo. Kapag nagpakita ng pagkamarapat at katapatan ang mga tao, susunod na ang pagtatayo ng templo.”
Sa huli ay nag-iwan ng basbas si Elder Oaks: “Sa unang stake na ito sa magandang bansa ng India, binabasbasan ko kayo na maalaala ninyo ang mga itinuro sa oras na ito. Binabasbasan ko kayo na maalala ninyo ang mga tipang ginawa ninyo noong kayo ay binyagan. Binabasbasan ko kayo ng pag-alaala at determinasyong sundin ang mga utos ng Diyos upang matamasa ninyo ang Kanyang mga pagpapala.”