2012
Paano Magiging Ligtas sa Teritoryo ng Kaaway
Oktubre 2012


Paano Magiging Ligtas sa Teritoryo ng Kaaway

Mula sa mensahe sa seminary centennial broadcast na ibinigay noong Enero 22, 2012.

Pangulong Boyd K. Packer

Ipinagdiriwang natin ang ika-100 taong anibersaryo ng seminary sa Simbahan. Naiisip ko ang kasaysayang nagsimula maraming taon na ang nakalipas noong napakaliit pa lang ng programang ito.

Mula sa abang simulaing iyon, ngayon ay mayroon na tayong 375,008 estudyante sa mga klase ng seminary sa 143 bansa na may mahigit 38,000 volunteer at mga full-time teacher sa buong mundo. Naglalaan tayo ng malaking pondo sa ating mga kabataan. Alam namin ang inyong halaga at potensiyal.

Ang Karunungan ang Tutulong sa Inyo Upang Malabanan ang Kaaway

Magsasalita ako bilang isang saksi ng nakaraan at ihahanda ko kayo para sa hinaharap.

Kayo ay lumalaki sa teritoryo ng kaaway. Kapag sapat na ang inyong espirituwalidad, malalaman ninyo na unti-unti nang napapasok ng kaaway ang mundong inyong ginagalawan. Siya ay nasa mga tahanan, libangan, sa media, pananalita—sa lahat-lahat ng nakapalibot sa inyo. Kadalasan, hindi napapansin na nariyan siya.

Sasabihin ko sa inyo kung alin ang pinakamahalaga at pinaka-kalugud-lugod. Sinasabi sa mga banal na kasulatan, “Karunungan ay pinaka pangulong bagay; kaya’t kunin mo ang karunungan,” at idaragdag ko, “sa pagkakamit [mo] ng dunong, [magpatuloy!]” (Mga Kawikaan 4:7). Wala akong dapat sayangin na oras at gayundin ikaw. Kaya’t makinig!

Malinaw pa sa isip ko ang sandaling nagpasiya akong maging guro. Noong World War II, nasa early 20s ang edad ko at piloto ako sa Air Force noon. Nakabase ako sa maliit na isla ng Ie Shima. Ang islang ito, na maliit at nag-iisa at parang kasinglaki lamang ng selyo, ay nasa dulong hilaga ng Okinawa.

Isang malungkot na gabi ng tag-init, naupo ako sa isang talampas para masdan ang paglubog ng araw. Iniisip ko kung ano ang gagawin ko sa buhay ko pagkatapos ng digmaan, kung papalarin ba akong makaligtas. Ano ba ang gusto kong maging? Noong gabing iyon ako nagpasiya na gusto kong maging guro. Katwiran ko’y palaging nag-aaral at natututo ang mga guro. Ang pag-aaral at pagkatuto ay pangunahing layunin ng buhay.

Una akong nagturo ng seminary noong 1949 sa Brigham City. Doon ako nag-seminary noong nasa high school pa ako.

Tatlo noon ang orihinal na kursong itinuturo sa seminary: Lumang Tipan, Bagong Tipan, at Kasaysayan ng Simbahan. Nagkaroon ako ng pribilehiyong idagdag sa isang early-morning class ang Aklat ni Mormon. Nakauwi ako mula sa digmaan na may patotoo sa Aklat ni Mormon at pag-unawa kung paano kumikilos ang kaloob na Espiritu Santo.

Poprotektahan Kayo ng Kaloob na Espiritu Santo sa Teritoryo ng Kaaway

Habambuhay na itinuturo sa inyo ang tungkol sa kaloob na Espiritu Santo, pero hanggang doon lamang ang maituturo. Sa katunayan, maaari at kailangan mong tahaking mag-isa ang landas at tuklasin sa iyong sarili kung paano magiging gabay at proteksiyon ang Espiritu Santo.

Para sa mga kabataang lalaki at kabataang babae, pareho lang ang proseso. Ang pagtuklas kung paano kumikilos ang Espiritu Santo sa iyong buhay ay habambuhay na adhikain. Kapag natuklasan mo na sa iyong sarili, maaari ka nang tumira sa teritoryo ng kaaway at hindi ka na malilinlang o mawawasak. Walang miyembro ng Simbahang ito—at ibig sabihin ang bawat isa sa inyo—ang makagagawa kailanman ng malaking pagkakamali nang hindi muna binabalaan ng mga paramdam o pahiwatig ng Espiritu Santo.

Kung minsan kapag nakagawa ka ng pagkakamali, maaaring nasabi mo pagkatapos na, “Sabi ko na nga ba hindi ko dapat ginawa iyon. Hindi maganda ang pakiramdam ko,” o siguro, “Sabi ko na nga ba dapat iyon ang ginawa ko. Wala kasi akong sapat na lakas ng loob na gawin iyon!” Ang mga nararamdaman ninyong iyon ay mula sa Espiritu Santo na nagsasabi sa inyo ng tama o naglalayo sa inyo sa mali.

May ilang bagay na kailangan ninyong gawin para manatiling nakabukas sa inyo ang linya ng komunikasyon. Hindi kayo maaaring magsinungaling o mandaya o magnakaw o gumawa ng kahalayan at manatiling walang sagabal sa mga pakikipag-ugnayang iyon. Huwag pumunta sa lugar na hadlang sa espirituwal na pakikipag-ugnayan.

Kailangang matutuhan ninyong hangarin ang kapangyarihan at patnubay na magagamit ninyo, at pagkatapos ay sundin ang landas na iyon ano man ang mangyari.

Una sa inyong listahan ng “gagawin,” ay ilagay ang salitang panalangin. Kadalasan, ang inyong mga panalangin ay sa tahimik na paraan. Maaari kayong manalangin sa inyong isipan.

Palagi kayong magkakaroon ng direktang pakikipag-ugnayan sa inyong Ama sa Langit. Huwag hayaang kumbinsihin kayo ng kaaway na walang nakikinig sa inyo sa kabilang dulo. Ang inyong mga panalangin ay palaging pinakikinggan. Hindi kayo nag-iisa kailanman!

Pangalagaan ang inyong katawan. Maging malinis. “Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?” (I Mga Taga Corinto 3:16).

Basahing mabuti ang mga pangakong matatagpuan sa bahagi 89 ng Doktrina at mga Tipan. Hindi ipinapangako ng Word of Wisdom na magiging ganap kayong malusog kundi mas mapalalakas ang inyong espirituwalidad.

Iwasan ang mga tato at iba pang bagay na nakasisira sa inyong katawan. Ang inyong katawan ay nilikha sa wangis ng Diyos.

Itinuturo ng Payo ng Propeta Kung Ano ang Totoo

Gusto kong diretsahang magsalita ngayon tungkol sa isa pang bagay.

Alam nating itinakda na ang kasarian (o gender) bago pa man tayo isinilang sa mundo.1 “Ang espiritu at ang katawan ang kaluluwa ng tao” (D at T 88:15). Ang paksang ito tungkol sa kasarian o gender ay ikinababahala ng mga Kapatid, tulad ng iba pang paksang may kinalaman sa moralidad.

Maaaring nadama ng ilan sa inyo o kaya’y sinabi sa inyo na isinilang kayo na maytaglay na kakaibang damdamin at na hindi ninyo kasalanan kung magpadaig man kayo sa mga tuksong iyon. Alam natin na kung totoo iyan, batay sa doktrina ay mawawalan kayo ng kalayaang pumili, at hindi maaaring mangyari iyan. Palagi ninyong mapipili na sundin ang mga paghihikayat ng Espiritu Santo at mamuhay nang dalisay at marangal, at puno ng kabutihan.

Ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang sumusunod sa pangkalahatang kumperensya: “Itinatanong ng mga tao kung ano ang ating pananaw sa mga taong itinuturing ang kanilang mga sarili na … bakla o tomboy. Ang sagot ko ay mahal natin sila bilang mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos. Maaaring may pagkahilig sila sa mga bagay na malakas makaimpluwensiya at maaaring mahirap pigilin. Ang mga tao ay [tinutukso] kahit paano sa iba’t ibang pagkakataon. Kung paglalabanan nila ang mga pagkahilig na ito, makasusulong sila gaya ng iba pang mga miyembro ng Simbahan. Kung malabag nila ang batas ng kalinisang-puri at ang mga pamantayan ng Simbahan sa kagandahang-asal, sa gayon sila ay mapapasailalim sa disiplina ng Simbahan, katulad din ng iba.

“Nais naming tulungan … palakasin sila, tulungan sila sa kanilang mga problema at tulungan sila sa kanilang mga paghihirap. Ngunit hindi kami maaaring manahimik na lamang kung nagpapasasa sila sa mga imoral na gawain, kung sinisikap nilang panindigan at ipagtanggol at ipamuhay ang kalagayan na tinatawag nilang kasal ng dalawang taong pareho ang kasarian. Kung pahihintulutan natin ito, ipinagwawalang-bahala natin ang napakasagradong saligan ng kasal na tinulutan ng Diyos at ang pinakalayunin nito, ang pagkakaroon ng mga pamilya.”2

Ito ang sinabi ni Pangulong Hinckley na pananaw ng Simbahan.

Gamitin ang Inyong Kalayaang Pumili Upang Manatili o Makabalik sa Ligtas na Lugar

Ang unang kaloob na natanggap nina Eva at Adan ay ang karapatang pumili: “Ikaw ay maaaring mamili para sa iyong sarili, sapagka’t ito ay ibinigay sa iyo” (Moises 3:17).

Mayroon din kayo ng kalayaang iyan. Gamitin ito nang buong talino upang huwag kayong maudyukan ng anumang maruming simbuyo ng damdamin o tukso na papasok sa inyong isipan. Huwag kayong lumapit sa tukso, at kung tinutukso man kayo, layuan ninyo ito. “Pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan” (Moroni 10:32).

Huwag ninyong paglaruan ang maseselang bahagi ng inyong katawan, mag-isa man kayo o may kasama man na lalaki o babae. Iyan ang pamantayan ng Simbahan, at hindi iyan magbabago. Sa inyong paglaki, tutuksuhin kayong subukan o gawin ang mahahalay na bagay o gawain. Huwag ninyong gawin iyan!

Ang kailangan ninyo ay disiplina—disiplina sa sarili. Ang salitang disiplina ay nagmumula sa salitang disipulo o tagasunod. Maging disipulong-tagasunod ng Tagapagligtas, at ikaw ay magiging ligtas.

Maaaring iniisip ng isa o dalawa sa inyo, “Nagawa ko na ang ganito o ganyang malaking pagkakamali. Huli na ang lahat.” Hindi pa huli ang lahat.

Itinuro sa inyo sa tahanan at sa seminary ang tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang Pagbabayad-sala ay katulad ng isang pambura. Nabubura nito ang kasalanan at ang anumang epekto ng anumang kasalanan na bumabagabag sa inyo.

Ang pagkakasala ay sakit ng espiritu. Huwag kayong magpakahirap sa pabalik-balik na sakit. Alisin ito. Tapusin na ito. Magsisi, at, kung kinakailangan, paulit-ulit na magsisi hanggang sa ikaw na—at hindi ang kaaway—ang kumokontrol sa iyong sarili.

Ang Walang Hanggang Kapayapaan ay Nagmumula sa Pagsisisi nang Madalas

Ang buhay ay sunud-sunod na mga pagsubok at pagkakamali. Idagdag ang salitang “magsisi nang madalas” sa inyong listahan ng mga gagawin. Magdudulot ito ng walang hanggang kapayapaan na hindi mabibili ng anumang halaga. Ang pag-unawa sa Pagbabayad-sala ay maaaring ang pinakamahalagang katotohanang matututuhan ninyo sa inyong kabataan.

Kung may mga kaibigan kayo na humihila sa inyo sa masama sa halip na akayin kayo sa mabuti, humanap kayo ng ibang mga kaibigan. Maaaring minsan ay nag-iisa ka at nalulungkot. Doon maitatanong ang mahalagang katanungan, “Kapag nag-iisa ka, ikaw lang ba ang nasa gayong situwasyon?”

Napakahirap alisin ang masamang gawi na pinabayaan ninyong kumontrol sa inyo. Ngunit may kapangyarihan kayong gawin ito. Huwag panghinaan ng loob. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na “lahat ng nilalang na may katawan ay higit ang lakas at kapangyarihan kaysa sa mga wala nito.”3 Kaya ninyong labanan ang tukso!

Hindi naman ibig sabihin na personal ninyong makakalaban ang kaaway; hindi niya ipinapakita ang kanyang sarili sa ganyang paraan. Ngunit kahit na personal siyang lumapit sa inyo para subukan at tuksuhin kayo, nakalalamang pa rin kayo. Maaari kayong pumili, at wala siyang magagawa kundi hayaan kayo.

Samantalahin ang mga Pagpapalang Dulot ng Seminary

Hindi kayo pangkaraniwan. Kayo ay espesyal. Kayo ay bukod-tangi. Paano ko nalaman iyan? Alam ko iyan dahil kayo ay ipinanganak sa panahon at sa lugar kung saan ang ebanghelyo ni Jesucristo ay maaaring dumating sa inyong buhay sa pamamagitan ng mga pagtuturo at aktibidad ng inyong tahanan at ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito, gaya ng sinabi mismo ng Panginoon, “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” (D at T 1:30).

Marami pa tayong maidaragdag sa listahan, pero alam ninyo ang dapat at hindi ninyo dapat gawin sa buhay ninyo. Alam ninyo ang tama at mali at hindi kayo kailangang utusan pa sa lahat ng bagay.

Huwag ninyong sayangin ang mga taon na ito na makapag-seminary. Samantalahin ninyo ang dakilang pagkakataon na matutuhan ang mga doktrina ng Simbahan at ang mga turo ng mga propeta. Pag-aralan o alamin ang pinakamahalaga. Pagpapalain kayo nito at ang inyong angkan sa darating pang mga henerasyon.

Hindi magtatagal mag-aasawa at magkakaroon na kayo ng mga anak, isang pagsasama na dapat mabuklod sa templo. Dalangin namin na pagdating ng panahon, panatag kayong mapabilang sa isang family ward o branch.

Sumulong nang may Pag-asa at Pananampalataya

Huwag matakot sa hinaharap. Sumulong nang may pag-asa at pananampalataya. Alalahanin ang banal na kaloob na Espiritu Santo. Matutong maturuan nito. Matutong hangarin ito. Matutong ipamuhay ito. Matutong manalangin palagi sa pangalan ni Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 18:19–20). Mapapasainyo ang Espiritu ng Panginoon, at pagpapalain kayo.

Napakalaki ng tiwala namin sa inyo.

Ibinibigay ko sa inyo ang aking patotoo—isang patunay na dumating sa akin noong aking kabataan. At tulad ko kayo ay hindi kaiba sa sinuman. Tulad ng iba ay may karapatan din kayo sa patotoong iyon. Darating ito sa inyo kung pagsisikapan ninyong kamtin ito. Hiling kong mapasainyo ang mga pagpapala ng Panginoon—na mapasainyo ang mga pagpapala ng patotoong iyon, upang gabayan kayo habang bumubuo kayo ng masayang hinaharap.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona at Ensign, Nob. 2010, 129; tingnan din sa Moises 3:5; Abraham 3:22–23.

  2. Gordon B. Hinckley, “What Are People Asking About Us?” Ensign, Nob. 1998, 71.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 245.

Mga paglalarawan ni Cary Henrie

Paglalarawan ng icon ni Scott Greer