2012
Pananamit at Kaanyuan
Oktubre 2012


Para sa Lakas ng mga Kabataan

Pananamit at Kaanyuan

Sa mundo ngayon, marami ang hindi nakauunawa o gumagalang sa banal na katangian ng ating mga katawan. Naiiba ang mga Banal sa mga Huling Araw sa paraan ng pananamit na nagpapakita kung gaano kahalaga ang ating mga katawan (tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 6–8). Sa pahina 52 ng isyung ito, tinalakay ni Mary N. Cook, unang tagapayo sa Young Women general presidency, ang pamantayang ito:

“Kapag itinayo ang isang templo, maingat na tinitiyak na protektado ito at napapalamutian nang maganda, sa loob at labas. Ang isang susi sa pagpaplano ng mga templo ay nasa pag-unawa na ang isang templo ay kumakatawan sa Panginoon—ito ang Kanyang bahay. Iginagalang natin ang mga templo bilang sagradong mga gusali kung saan ang mga karapat-dapat lamang ang makapapasok dito. Pinagpipitaganan natin ang mga templo dahil ginagawang posible ng isinasagawa nating mga sagradong ordenansa na makabalik tayo sa ating Ama sa Langit.

“Ang inyong katawan ay mas mahalaga kaysa sa pinakamagandang templo sa daigdig. Kayo ay pinakamamahal na anak ng Diyos! Lalo pang angkop ang mga alituntuning ito—pagkatawan, paggalang, at pagpipitagan—sa pangangalaga at proteksyong ibinibigay ninyo sa inyong katawan.”

Ang sumusunod na mga mungkahi ay makatutulong sa inyo na ituro sa inyong mga anak ang wastong alituntunin sa pananamit at kaanyuan. Alalahanin din na ang inyong halimbawa ng disenteng pananamit ay magtuturo sa inyong mga anak kung gaano kahalaga ang angkop na kasuotan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Kabataan

  • Basahing kasama ng inyong tinedyer ang bahaging tungkol sa pananamit at kaanyuan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Kapag ginawa ninyo ito mabibigyan kayo ng pagkakataong matalakay ang mga doktrina, pagpapala, at mga babala ng mga pamantayang ito at masagot ang anumang mga tanong ng inyong anak na lalaki o babae.

  • Isiping magdaos ng family home evening tungkol sa kahalagahan ng pananamit at kaanyuan. Maaari ninyong itanong sa inyong pamilya, Kung kasama mo ang Panginoon sa simbahan, paano ka mananamit? Paano mo ipakikita ang iyong sarili sa Kanya? Ano ang pakiramdam mo kapag disente ang suot mong damit? Maaari din ninyong talakayin kung paano angkop na manamit sa iba pang mga okasyon, gaya sa paaralan, sa trabaho, o sa mga pagtitipon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Bata

  • Ipinakikita ng ating damit kung ano ang mahalaga sa atin. Upang mailarawan ang alituntuning ito, isiping magdaos ng family home evening kung saan ang lahat ay nakasuot na gaya ng misyonero o suot ang damit pangsimba.

  • Kahit sa murang edad, maaari nang magsimulang manamit nang disente ang mga bata. Rebyuhing kasama ang inyong mga anak ang mga tuntunin na nasa pahina 7 ng Para sa Lakas ng mga Kabataan at maghanda ng kasuotan na naaayon sa mga tuntuning ito.

Paglalarawan ni Scott Greer