2012
Pagbabawas ng Iskedyul ng Gagawin para sa Kumperensya
Oktubre 2012


Pagbabawas ng Iskedyul ng Gagawin para sa Kumperensya

Dahil hindi tambak ng iba pang mga aktibidad ang ating oras, mas nadarama natin ang Espiritu habang nakikinig tayo sa pangkalahatang kumperensya.

Maraming taon na ang nakararaan, noong bata pa ang anim naming mga anak, nagpasiya kaming gusto naming gawing makabuluhan ang pangkalahatang kumperensya. Pinag-usapan namin kung gaano kahalagang panoorin ang kumperensya nang may malinaw na isipan at napahingang mga katawan. Ang kumperensya ay mahalagang panahon para tumanggap ng tagubilin mula sa ating mga propeta sa kasalukuyan. Kaya’t nagplano kami na hindi magtatakda ng iba pang bagay sa loob ng ilang araw bago sumapit ang kumperensya o sa linggo ng kumperensya. Minarkahan namin ang mga araw na iyon sa aming mga kalendaryo, at bawat isa sa amin ay tapat na nangakong hindi mag-iiskedyul ng iba pang mga aktibidad sa mga araw na iyon.

Kung pipiliin ninyong gawin din ang ganito, magiging kaiba ito sa inyong pamilya at situwasyon, pero sa aming pamilya ang “iba pang mga aktibidad” ay ang pagdalo sa mga aktibidad sa paaralan, pagpapapunta ng mga bata sa aming bahay, paggawa ng mga bagay kasama ang mga kaibigan nang malayo sa tahanan, pagkakaroon ng mga party o salu-salo kasama ang mga kaibigan o kamag-anak, paggawa ng mga proyekto o paggawa sa bakuran sa pagitan o sa araw mismo ng mga sesyon ng kumperensya, paghahabol na magawa ang mga proyekto sa paaralan, at pagtanggap ng sobrang gawain sa trabaho.

Isang linggo bago sumapit ang pangkalahatang kumperensya, may mga pagkakataon na mahirap tumanggi sa ganitong mga aktibidad, pero kadalasan ay masayang pinipili ng mga miyembro ng aming pamilya ang tama para makamtan ang aming mithiin. Natuklasan namin na gusto ng mas bata naming mga anak na maging bahagi ng pangkalahatang kumperensya. Siguro ay dahil paulit-ulit naming pinag-usapan ang tungkol sa kahalagahan ng kumperensya nang buong linggo bago iyon sumapit.

Masaya kong ibinabalita na ang pagpapanatiling maluwag ng aming iskedyul ilang araw bago at sa mga araw mismo ng pangkalahatang kumperensya ay nagdulot ng malaking pagbabago sa karanasan ng aming pamilya. Naging handa ang aming mga puso at isipan para sa kumperensya. Hindi tambak ng iba pang mga aktibidad ang aming oras, kaya’t dama namin ang Espiritu habang nakaupo at nakikinig sa mga payo mula sa ating mga lider.

Mahigpit naming sinunod ang aming mithiin sa bawat kumperensya dahil pinupuspos nito ng kapayapaan ang aming tahanan. Bagama’t hindi na nakatira sa amin ang ilan sa aming mga anak, hinihikayat pa rin namin sila na bawasan ang kanilang iskedyul ng mga gagawin ilang araw bago at sa araw mismo ng kumperensya, gaya ng ginagawa namin sa bahay. Sinisikap din naming mag-iskedyul ng oras para sama-samang panoorin ng aming buong pamilya ang sesyon ng kumperensya. Umaasa ako na sa pag-aasawa ng aming mga anak at pagkakaroon nila ng sariling mga anak, patuloy pa rin nilang bibigyan ng mataas na pagpapahalaga ang kanilang karanasan sa kumperensya sa pamamagitan ng pag-aayos ng kanilang iskedyul.

Larawang kuha ni Sarah Jenson