2012
Mga Ideya para sa Family Home Evening
Oktubre 2012


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na magagamit sa family home evening. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa.

“Ihahanda Tayo ng Masinop na Pamumuhay sa Hinaharap,” pahina 12: Basahin ang anim na aspetong binanggit sa artikulo kung saan maaari tayong umasa sa sarili. Ano ang ilang emergency o problemang maiiwasan kapag umasa tayo sa ating sarili sa mga aspetong ito? Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na mapanalanging pag-isipan kung aling mga aspeto ang kailangan nilang pagbutihin at magtakda ng mga mithiin para mapag-ibayo nila ang pag-asa sa sarili sa mga aspetong iyon.

“Kalinisang-Puri sa Mundo ng Kahalayan,” pahina 42: Talakayin sa mga miyembro ng pamilya ang mga itinanong sa artikulo. Isiping ibahagi ang mga alituntunin at karanasang nagpalakas sa inyong patotoo tungkol sa kalinisang-puri. Talakayin ang mga paraan para masunod ang payo mula sa artikulo.

“Maging Matalino at Maging Isang Kaibigan,” pahina 48: Magsimula sa pagbabasa ng pagsusulit ni Elder Hales sa pagkilala sa mabubuting kaibigan. Isiping talakayin ang kahalagahan ng pagiging isang mabuting kaibigan. Anyayahan ang bawat miyembro ng pamilya na mag-isip ng tatlong paraan na maaari siyang maging mas mabuting kaibigan.

“Mahal Kong Amiga,” pahina 60, at “Pagtanggap sa Isang Bagong Panahon ng Buhay,” pahina 61: Basahin ang tungkol sa mga batang Primary na ito at kung paano sila naghahandang pumasok sa Young Women at Young Men. Bilang pamilya, isiping talakayin kung ano ang ginawa ng mga batang ito para makapaghanda. Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na basahin ang mga buklet na Pansariling Pag-unlad o Tungkulin sa Diyos at maghanap ng ilang aktibidad na interesado silang kumpletuhin sa hinaharap.

Isang Family Home Evening, Dalawang Lesson

Isang gabi bumisita ang mga magulang ko at lolo’t lola ko para sa family home evening. Gustung-gustong makisali ng tatlong anak ko, at sa gabing ito ang pitong-taong-gulang kong anak na lalaki ang magbibigay ng lesson. Naghanda kami ng maliit na displey, naglagay kami ng mga larawan tungkol sa Paglikha, at pinag-aralan at nirebyu namin ang ituturo niya. Handa na at tuwang-tuwa ang anak ko.

Sa oras ng lesson, lahat kami ay nakinig na mabuti sa ipinaliliwanag ng anak ko. Nang matapos siya, ipinasiya ni Samuel, na halos tatlong taong gulang, na gusto rin niyang magbigay ng lesson. Kaya kinuha niya ang mga larawan at displey at muling inilagay ang mga ito sa mesa.

Sa kanyang mahinang tinig at kung minsan ay hindi malinaw na pagsasalita, binigyan kami ni Samuel ng lesson sa family home evening. At kahit hindi siya nakapaghanda, nakinig naman siya. Ipinaliwanag niya sa amin kung paano nilikha ang daigdig at binanggit ang pagmamahal ni Jesucristo sa bawat isa sa amin.

Nagulat kami na kaydali niyang naituro ang lesson—na parang katulad ng ginawa ng kuya niya. Namangha at masaya ang mga magulang at lolo’t lola ko. Nakita naming lahat ang pagmamahal ng mga batang musmos na ito sa ebanghelyo—at ang pagmamahal ni Jesucristo sa kanila.

Lizbeth Sánchez Fajardo, Mexico