2012
Ang Simbahan sa Iba’t Ibang Dako
Oktubre 2012


Ang Simbahan sa Iba’t Ibang Dako

Apostol, Inilaan ang Bagong MTC sa Pilipinas

Ang Philippines Missionary Training Center, na inilaan ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol noong Mayo 20, 2012, ay mapagkakasya ang hanggang 144 na missionary mula sa Pilipinas, Cambodia, Hong Kong, India, Indonesia, Mongolia, Pakistan, Sri Lanka, Taiwan, at Thailand. Ang mga missionary na ito ay sinasanay sa wika ng kanilang sariling bansa.

Ang dalawang gusali ng bagong center ay may isang auditorium, mga translation booth, isang computer lab, isang laundry area, mga teaching room na may built-in audiovisual equipment, tulugan para sa mga missionary, mga silid-aralan, at mga opisina.

Sa pag-aalay ng panalangin para ilaan ang bagong pasilidad, nagpasalamat si Elder Nelson para sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa matatapat na missionary at miyembro ng Simbahan sa buong mundo na nagmamahal at naglilingkod sa Panginoon. Hiniling niya na basbasan ang Republika ng Pilipinas upang “manatiling bukas ang pintuan sa pagtanggap” sa lahat ng lingkod ng Panginoon at ipinagdasal niya na mabiyayaan ang mga mamamayan ng bansa ng “kalayaan at pananagutan na lumago sa kabutihan, kapwa sa temporal at sa espirituwal.”

Ang Manaus Brazil Temple ang Ika-138 Templo ng Simbahan sa Buong Daigdig at Ikaanim sa Brazil

Inilaan ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang Manaus Brazil Temple—ang ika-138 templo ng Simbahan sa buong mundo at ikaanim sa Brazil—noong Hunyo 10, 2012.

Ang pananampalataya at katapatan ng mga Banal sa mga Huling Araw na naninirahan sa Brazil, kung saan mahigit isang milyon ang mga miyembro, ay maihahalintulad sa Amazon River, sabi ni Pangulong Uchtdorf—kapwa malalim at matatag.

Halos 20 taon nang naglalakbay ang mga miyembro ng Simbahan mula sa Manaus, isang lungsod na inihiwalay ng malalaking ilog at kagubatan, para makapunta sa templo sa São Paulo, Brazil—na 15-araw na biyaheng balikan sakay ng barko at bus—at kalaunan ay sa templo sa Caracas, Venezuela—na 8-araw na paglalakbay sakay ng bus.

Si Elder Claudio R. M. Costa ng Pitumpu ay naglingkod bilang pangulo ng Brazil Manaus Mission nang buksan ito noong 1990.

“Tiwala ako na magiging abalang-abala ang Manaus Temple sa bawat araw, dahil mahal ng mga taong ito ang templo,” sabi ni Elder Costa. “Tinuturuan nila ang kanilang mga anak na mahalin ang templo. Napakahalaga ng templo sa kanila.”

Mga Miyembro ng Simbahan sa Samoa, Ipinagdiwang ang Ika-50 Anibersaryo ng Kalayaan, Unang Stake

Araw ng Biyernes, Hunyo 1, 2012, mga 350 Banal sa mga Huling Araw sa Samoa ang sumama sa parada ng iba pang mga Samoan sa mga kalye ng Apia para ipagdiwang ang kalayaan. Limampung taon na ang nakararaan, noong 1962, natamo ng bansa ang kalayaan nito mula sa New Zealand.

Nakibahagi rito ang mga organisasyon, paaralan, simbahan, at international organization. Pinasaya ng mga estudyanteng Banal sa mga Huling Araw ang libu-libong manonood sa kanilang bandang nagmamartsa.

Ngunit may isa pang ipinagdiwang sa katapusan ng linggo ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Samoa; 50 taon na rin ang nakararaan nang maorganisa ang unang stake sa bansa, sa Apia.

Araw ng Linggo, Hunyo 3, nagsalita sina Elder James J. Hamula at Elder Kevin W. Pearson ng Pitumpu, kapwa mga miyembro ng Pacific Area Presidency, sa mga Banal sa mga Huling Araw at mga panauhin sa isang espesyal na pulong na isinahimpapawid sa mga LDS meetinghouse sa buong bansa.

Sa pagtanaw sa hinaharap, mithiin ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Samoa na patuloy na maglingkod at patatagin ang kanilang mga pamilya, nayon, at bansa, sabi ni Elder Hamula, na naglilingkod bilang Area President. “Mabilis ang paglago ng Simbahan natin dito, at umuunlad tayo sa ating mga pamilya at personal na buhay habang hinahangad nating sundin ang mga turo at halimbawa ni Jesucristo,” wika niya.

Sa bagong Philippines Missionary Training Center, hanggang 144 na missionary mula sa Pilipinas, Cambodia, Hong Kong, India, Indonesia, Mongolia, Pakistan, Sri Lanka, Taiwan, at Thailand ang sinasanay sa wika ng kanilang sariling bansa.

Larawang kuha ni Noel Maglaque