Kung Saan Ako Kabilang
Dorota Musiał, Poland
Bago ako sumapi sa Simbahan, puno ng kalungkutan ang buhay ko. Kasunod ng diborsiyo ng mga magulang ko noong ako’y pitong taong gulang, nabilanggo ang tatay ko. Lasengga ang nanay ko at nawala ang lahat ng bagay na mahalaga sa kanya. Pinatira ako sa isang pamilyang kumupkop sa akin.
Dahil sa mga bagay na ito, mas mabilis humusto ang aking isipan kaysa sa marami kong mga kaibigan. Hindi ko mahanap ang tamang lugar na para sa akin, at dahil dito, palaging nagrerebelde ang kalooban ko. Noong batang-bata pa ako, nagsimula akong manigarilyo at ginawa ko ang iba pang mga bagay na nauunawaan ko na ngayon na labag sa Word of Wisdom. Natiyak ko noon na nakatadhana akong mabigo sa buhay.
Ang isang bagay na ginawa ko na nakadama ako ng kaligayahan ay sa pagtulong sa mga tao—iyon man ay paglilinis na kasama nila o pakikinig sa mga kuwento ng buhay nila. Gustung-gusto kong ipaalam sa mga tao na maaasahan nila ako. May isang taon na nagbakasyon ako at may nakilalang matandang babae at nagpasiya akong paglingkuran siya sa pamamagitan ng pakikinig sa kanya. Siya ay isang Kristiyano at nagsimulang magkuwento sa akin tungkol sa relihiyon.
Hindi talaga ako naniniwala noon sa Diyos. Minsan, kapag naiisip ko na siguro nga nariyan Siya, sinisisi ko Siya sa mga problemang naranasan ko. Ngunit habang inilalarawan ng babaing ito ang kahalagahan ng pananampalataya sa Diyos, naging interesado ako. Bago ako umalis, may sinabi siyang kakaiba: “Ang mga Mormon ay sumusunod sa mga utos ng Diyos.”
Wala pa akong narinig tungkol sa mga Mormon, kaya’t umuwi ako, nag-online, at naghanap. Napunta ako sa Mormon.org at umorder ako ng libreng kopya ng Aklat ni Mormon. Inihatid ito ng mga misyonero pagkaraan ng ilang araw.
Hindi ko tiyak kung masisimulan ko ngang maniwala sa Diyos, ngunit tinulungan ako ng mga misyonero na matuklasan na hindi lamang ako maaaring maniwala sa Kanya kundi maaari ko rin Siyang makilala. Nang simulan kong magdasal at pag-aralan ang Aklat ni Mormon, natagpuan ko ang sarili ko sa magandang paglalakbay ng paghanap ng kaligayahan. Tumigil ako sa paninigarilyo. Itinigil ko na ang pagsisi sa Diyos at sinimulang magpasalamat sa Kanya sa mabubuting bagay sa aking buhay. Nalaman ko na ang Kanyang Anak ay nagdusa para sa aking mga kasalanan at para sa lahat ng pait at sakit na aking nadama. Noong Oktubre 28, 2007, nabinyagan ako sa Kanyang Simbahan.
Kung hindi ko mismo naranasang malungkot muna bago naging maligaya, hindi ako maniniwala na posible itong mangyari. Ngayon ay mahal na mahal ko ang aking tungkulin sa Primary at nagpapasalamat ako na nagkaroon ako ng pagkakataong tumulong sa pagbuo ng isang proyektong serbisyo sa isang young single adult conference sa Poland. Ang palagiang makatulong sa iba sa pamamagitan ng paglilingkod sa Simbahan ay nakadagdag sa kaligayahang natagpuan ko sa ebanghelyo ni Jesucristo. Lahat ng ginagawa ko ngayon ay ginagawa ko nang may dalisay na pag-ibig dahil kay Jesucristo. Naniniwala ako na maganda ang buhay at kahit na may kinakaharap tayong mga hamon sa buhay, kung susundin natin ang Tagapagligtas, hindi tayo maliligaw.
Tama ang babaing nakilala ko: ang pananampalataya sa Diyos ay kailangan at mahalaga. Hindi natin mahahanap ang tamang lugar para sa atin sa mundong ito kung hindi natin Siya kilala. Nagpapasalamat ako na sa wakas ay may lugar ako na alam kong kabilang ako.