2012
Isang Susi sa Masayang Pamilya
Oktubre 2012


Mensahe ng Unang Panguluhan

Isang Susi sa Masayang Pamilya

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Sinimulan ng dakilang Russian author na si Leo Tolstoy ang kanyang nobelang Anna Karenina sa mga salitang ito: “Ang masasayang pamilya ay magkakatulad; bawat pamilyang hindi maligaya ay may kani-kanyang dahilan ng kalungkutan.”1 Bagama’t hindi ako tulad ni Tolstoy na nakatitiyak na magkakatulad ang masasayang pamilya, natuklasan ko ang isang bagay na karaniwang makikita sa kanila: may paraan sila ng pagpapatawad at paglimot sa mga kamalian ng iba at naghahanap ng mabuti.

Sa kabilang banda, ang nasa mga pamilyang hindi masaya ay kadalasang naghahanap ng mali, nagtatanim ng sama ng loob, at parang hindi nila kayang kalimutan ang mga nagawang pagkakamali noon.

“Oo, pero …” pagsisimula ng mga hindi masaya. “Oo, pero hindi mo alam kung gaano niya ako nasaktan,” sabi ng isa. “Oo, pero hindi mo alam kung gaano siya katerible,” sabi ng isa pa.

Siguro pareho silang tama; siguro walang tama sa kanila.

Iba’t iba ang bigat ng pagkakamaling nagawa. Iba’t iba ang tindi ng sakit na idinulot. Ngunit napansin ko na kadalasan ay binibigyang-katwiran natin ang ating galit at binibigyang-kasiyahan ang ating konsiyensya sa pagsasabi sa ating sarili na dahil sa mga motibo ng ibang tao ay hindi dapat patawarin ang kanilang ginawa, samantalang sinasabi natin na ang ating mga motibo ay dalisay at mabuti.

Ang Aso ng Prinsipe

May isang lumang kuwento sa Wales na hango sa ika-13 siglo tungkol sa isang prinsipe na sa pagbabalik sa kanyang tahanan ay natagpuan ang kanyang aso na nakahandusay at duguan ang mukha nito. Nagmamadaling pumasok sa loob ang lalaki at, laking takot niya nang hindi makita ang kanyang sanggol na anak na lalaki at nakataob ang kuna nito. Dahil sa matinding galit hinugot ng prinsipe ang kanyang espada at pinatay ang kanyang aso. Ilang sandali pa pagkatapos niyon, narinig niyang umiyak ang kanyang anak—buhay ang sanggol! Sa tabi ng sanggol ay nakahandusay ang bangkay ng isang lobo. Ang tunay na nangyari ay ipinagtanggol ng aso ang anak ng prinsipe mula sa mabangis na lobo.

Bagama’t nakakaiyak ang kuwentong ito, may ipinakikita itong punto. Binubuksan nito ang posibilidad na ang ikinukuwento natin sa kung bakit gayon ang kilos ng iba ay hindi palaging nakaayon sa tunay na pangyayari—kung minsan ni ayaw nating alamin ang tunay na nangyari. Mas gusto nating madama na makatwiran ang ating galit sa patuloy na paghihinanakit at pagkapoot. Kung minsan ang mga paghihinanakit na ito ay tumatagal ng ilang buwan o taon. Kung minsan ay habambuhay na ang mga ito.

Ang Hidwaan ng Pamilya

Isang ama ang hindi mapatawad ang kanyang anak na lalaki sa paglihis sa landas na itinuro sa kanya. May mga kaibigan ang bata na hindi gusto ng ama, at marami siyang ginawa na salungat sa inisip ng kanyang ama na dapat niyang gawin. Ito ang naging sanhi ng hidwaan sa pagitan ng mag-ama, at nang kaya na ng anak na tumayo sa sariling paa, umalis ito sa kanilang tahanan at hindi na bumalik. Bihira na silang magkausap.

Dama ba ng ama na makatwiran ang kanyang ginawa? Siguro.

Dama ba ng anak na makatwiran ang kanyang ginawa? Siguro.

Ang alam ko ay nagkaroon ng hidwaan ang pamilyang ito at hindi na maligaya dahil hindi mapatawad ng ama at ng anak ang isa’t isa. Hindi nila kayang kalimutan ang mapapait na alaala nila sa isa’t isa. Pinuno nila ang kanilang puso ng galit sa halip na punuin ito ng pagmamahal at pagpapatawad. Kapwa nila pinagkaitan ang kanilang sarili ng pagkakataong maimpluwensyahan sa kabutihan ang buhay ng bawat isa sa kanila. Ang hidwaan nila ay tila naging napakalalim at napakalawak kaya’t sila ay kapwa naging espirituwal na bilanggo ng kani-kanyang damdamin.

Sa kabutihang-palad, naglaan ng paraan ang ating mapagmahal at matalinong Amang Walang-Hanggan upang mapawi ang hidwaang ito na likha ng pagmamataas. Ang dakila at walang hanggang Pagbabayad-sala ang sukdulang hakbang ng pagpapatawad at pagkakasundo. Hindi ko lubos na maunawaan ang tindi at lawak ng saklaw nito, ngunit nagpapatotoo ako nang buong puso ko’t kaluluwa na tunay at sukdulan ang bisa o kapangyarihan nito. Inialay ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili bilang pantubos ng ating mga kasalanan. Sa pamamagitan Niya ay nakatatanggap tayo ng kapatawaran.

Walang Perpektong Pamilya

Walang sinuman sa atin na walang kasalanan. Bawat isa sa atin ay nakagagawa ng kamalian, kabilang na ikaw at ako. Tayong lahat ay nasaktan. Tayong lahat ay nakasakit ng ibang tao.

Sa pamamagitan ng sakripisyo ng ating Tagapagligtas magkakaroon tayo ng kadakilaan at buhay na walang hanggan. Sa pagtanggap natin sa Kanyang mga paraan at pagdaig sa ating kapalaluan sa pamamagitan ng pagpapalambot ng ating mga puso, magkakaroon tayo ng pagkakasundo at kapatawaran sa ating mga pamilya at sa ating sariling buhay. Tutulungan tayo ng Diyos na maging mas mapagpatawad, na mas handang magsikap pa, na maunang humingi ng paumanhin kahit na hindi tayo ang nagkasala, at kalimutan na ang mga hinanakit. Salamat sa Diyos, na nagbigay ng Kanyang Bugtong na Anak, at sa Anak, na nagbuwis ng Kanyang buhay para sa atin.

Madarama natin ang pag-ibig ng Diyos sa atin sa bawat araw. Hindi ba natin magagawang magsakripisyo pa para sa ating kapwa gaya ng itinuturo sa magandang himnong “Dahil Biyaya sa Akin ay Kayrami”?2 Binuksan ng Panginoon ang pintuan para tayo ay mapatawad. Hindi ba’t nararapat lamang na isantabi ang ating pagmamataas at kapalaluan at simulang buksan ang pinagpalang pintuan ng pagpapatawad sa mga taong hirap nating pakibagayan—lalo na sa lahat ng miyembro ng sarili nating pamilya?

Sa huli, ang kaligayahan ay hindi nagmumula sa pagiging perpekto kundi sa pamumuhay ng mga banal na alituntunin, nang paisa-isang hakbang. Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsabing: “Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.” Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan.”3

Ang pagpapatawad ay nasa gitna mismo ng mga simpleng katotohanang ito, na nakasalig sa plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit. Dahil pinag-uugnay ng pagpapatawad ang mga alituntunin, pinag-uugnay nito ang mga tao. Ito ay susi, nabubuksan nito ang nakakandadong mga pintuan, ito ang simula ng isang tapat na landasin, at ito ang isa sa mga inaasam natin para sa isang maligayang pamilya.

Nawa’y tulungan tayo ng Diyos na higit na makapagpatawad sa ating mga pamilya, higit na mapagpatawad sa isa’t isa, at marahil higit na mapagpatawad maging sa ating sarili. Dalangin ko na maranasan natin ang pagpapatawad bilang isang napakagandang paraan kung saan magkakatulad ang maliligayang pamilya.

Mga Tala

  1. Leo Tolstoy, Anna Karenina, trans. Constance Garnett (2008), 2.

  2. “Dahil Biyaya sa Akin ay Kayrami,” Mga Himno, blg. 133.

  3. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129; idinagdag ang pagbibigay-diin.

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

“Habang inyong inihahanda ang bawat aralin, itanong sa inyong sarili kung paanong ang alituntunin ay tulad ng isang bagay na naranasan ng mga miyembro ng mag-anak sa kanilang buhay” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 225). Isiping anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng magagandang karanasan sa pagpapatawad. Talakayin ang mga karanasang ito, na binibigyang-diin ang mga pagpapalang dulot ng pagpapatawad. Magtapos sa pagbibigay ng patotoo tungkol sa kahalagahan ng pagpapatawad sa isa’t isa.

Paglalarawan ni David Stoker