2012
Kabataang Brazilian Iniugnay ang Family History sa Gawain sa Templo
Oktubre 2012


Mga Kabataang Brazilian Iniugnay ang Family History sa Gawain sa Templo

May napansin si José A. Moscão na nakagawian na: ang mga kabataang nagpupunta sa Campinas Brazil Temple ay maraming “oras na walang ginagawa.”

Alam ni Brother Moscão, ang director ng family history center na katabi lang ng templo, na dahil sa layo ay kinailangang maglakbay ng maraming kabataan para makarating sa templo, at karamihan ay dumating nang grupu-grupo at lumagi roon nang ilang araw. Ang oras sa pagitan ng kanilang mga sesyon sa bautismuhan at sa pagkain at paghihintay sa kanilang mga magulang at lider na nakikibahagi pa sa ibang mga ordenansa sa templo ay hindi maiiwasan.

Ngunit naisip niya na marahil ay may alternatibo siyang maipagagawa sa mga kabataan sa halip na maglibut-libot lamang sila sa bakuran ng templo tuwing may libreng oras sila.

Kaya ginawa nga niya ito.

Isang Paanyaya

Sinimulan niyang anyayahan ang mga kabataan na pumunta sa center at nagsabing tuturuan sila kung paano gumawa ng indexing sa FamilySearch.

Noong una ay nahihiya o atubili ang ilan. Ngunit sinabi ni Brother Moscão na nang kausapin niya sila tungkol sa pagsagip sa mga tao mula sa karimlan at paglalantad sa mga pangalan nito bilang pagsunod sa mga salita ng buhay na propeta, naantig ang mga kabataan (tingnan sa David A. Bednar, “Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Liahona at Ensign, Nob. 2011, 24–27).

Ang makitang naroon sa iisang pasilidad ang templo at ang family history center ay makahulugan; binibigyang-diin nito na ang gawain sa templo at family history ay dalawang bahagi ng isang dakilang gawain. Iyan, sabi ni George A. Oakes, Campinas Brazil Temple president, ay isang bagay na unti-unting nalalaman ng mga kabataan sa temple district.

“Bago nabigyang-diin na dapat silang makibahagi sa family history at indexing, ang layunin nila sa pagpunta sa templo ay para lamang magpabinyag para sa mga patay. Ngayon ay nagiging bahagi na ng kanilang gawain ang indexing,” wika niya.

Panimula

Kapag pumupunta ang mga kabataan sa center, itinuturo ni Brother Moscão at ng mga missionary na nagboboluntaryo sa center ang sumusunod na mga alituntunin sa maikli at di-pormal na paraan:

  • Sila ay nagiging mga tagapagligtas sa bundok ng Sion (tingnan sa Obadias 1:21).

  • Sila ay nakikinig sa panawagan ng propeta (tingnan sa “Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob”).

  • Sinasagip nila ang mga tao mula sa karimlan—mula sa mga film na matagal nang nakalimutan at mula sa maalikabok na mga aklat ng mga registry office at simbahan. Inilalantad ng indexing ang mga pangalang iyon at maaari nang mahanap ng kanilang mga pamilya.

  • Sa pakikibahagi sa gawaing ito, magagawa pa nila ang isa pang aspeto ng “pinakamaluwalhati sa lahat ng paksang nabibilang sa walang hanggang ebanghelyo, alalaong baga’y, ang pagbibinyag para sa mga patay” (D at T 128:17).

  • Gagamitin nila ang kanilang oras sa dakilang gawain ng pagtubos sa mga patay, na nagpapala sa mga pamilya.

  • Lahat tayo ay bahagi ng pamilya ng Diyos, kaya’t sa pag-index ng mga pangalan ng mga taong hindi nila kilala, nakatutulong pa rin sila sa kanilang pamilya.

  • Kapag naunawaan nila kung paano makibahagi sa indexing, may pagkakataon silang turuan ang mga miyembro ng pamilya at iba pang mga kabataan sa kanilang ward at branch na makibahagi rin dito.

Pagkatapos ay ginagamit ni Brother Moscão at ng mga missionary ang mga computer sa center para ipakita sa mga tinedyer kung paano simulan ang indexing at i-install at gamitin ang software pag-uwi nila. Kapag naunawaan na nila, sabi ni Brother Moscão, talagang “nagsisimula na silang mag-index nang husto.”

Kasigasigan sa Gawain

Makikita sa mga bilang ang kasigasigang iyon. Sa unang dalawang buwan ng 2012, ang mga bumisita ay nakapag-index ng 6,370 pangalan; 3,305 sa mga iyon ay na-index ng mga kabataang edad 12 hanggang 18. Katunayan, para matugunan ang lumalaking interes sa indexing, madalas lumagpas ang Campinas family history center sa regular na oras nitong alas-8:00 n.u. hanggang 6:00 n.h. at nananatili itong bukas hanggang alas-10:00 n.g.

Hindi kinalimutan ng mga kabataan ang indexing nang lisanin nila ang templo. Pagdating nila sa bahay, patuloy ang kanilang tungkulin sa tinatawag ni Brother Moscão na “hukbo ng mahigit 170,000 aktibong indexer ng Simbahan ngayon.” Nakakamtan ng marami ang kanilang mga mithiin sa Tungkulin sa Diyos at Pansariling Pag-unlad sa paggawa nila ng indexing.

Isang Mabuting Impluwensya

Sa mga unang buwan ng taong ito, nagbiyahe si Isabela A., edad 16, ng Vila Velha, Espírito Santo, Brazil, kasama ang kanyang ina at kapatid na babae papunta sa templo; ang huling araw ng biyahe ang unang anibersaryo ng kamatayan ng kanyang lola. Bininyagan si Isabela para sa kanyang lola, at isinagawa ng kanyang ina ang iba pang mga ordenansa sa templo para dito.

“Nadama ko sa biyaheng ito na kailangan kong gumawa ng isang mabuting bagay,” paliwanag ni Isabela. “Gusto kong matutong mag-index, at tinulungan ako ni Brother José Moscão.

“Pagkatapos, habang binibinyagan ako para sa lola ko, labis akong inantig ng Espiritu. Natanto ko na maraming tao sa kabilang-buhay ang walang-sawang naghihintay, at kailangan nila ang tulong ko. Natanto ko na mabibigyan ko ng kaunting oras ang paglilingkod at marami akong magagawa para sa mga taong ito. Ang indexing ay pagpapakita ng pagmamahal.”

Tuwing pupunta sa templo, nakikibahagi ang mga kabataan sa Campinas Brazil Temple district sa FamilySearch indexing sa pagitan ng mga sesyon sa bautismuhan.

Larawang kuha ni José A. Moscão