2012
Dan Jones (1810–62)
Oktubre 2012


Paggunita sa mga Dakilang Tao

Dan Jones (1810–62)

Mahigit isang milyong mga missionary na ang tinawag mula nang maorganisa ang Simbahan, ngunit hindi lamang isa si Dan Jones sa isang milyong misyonerong iyon, higit pa siya roon. Tungkol sa misyonerong Welsh na ito, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), “Pagdating sa dami ng mga convert, tiyak na kasama si Dan Jones sa anim o mahigit pang misyonero na pinakamaraming nabinyagan sa kasaysayan ng Simbahan.”1

Bago siya naging misyonero, nandayuhan si Dan sa Estados Unidos mula sa Wales at nagtrabaho sa Ilog Mississippi bilang kapitan ng bapor na tinatawag na Maid of Iowa, na naghatid ng maraming Banal sa mga Huling Araw sa Nauvoo, Illinois. Sumapi siya sa Simbahan noong 1843 at naging matalik silang magkaibigan ni Propetang Joseph Smith.

Ang mga misyon ni Dan ang katuparan ng huling nakatalang propesiya ni Joseph Smith. Noong gabi bago pinatay si Propetang Joseph Smith, nakarinig siya ng putok ng baril sa labas ng bintana ng Carthage Jail, kaya ipinasiya niyang matulog sa sahig. Malapit sa kanya si Dan Jones. Tinanong ng Propeta si Dan kung takot siyang mamatay. Sagot niya, “Palagay ba ninyo, oras ko na? Sa ganitong layunin palagay ko hindi gaanong nakakatakot mamatay.” Pagkatapos ay ipinropesiya ni Joseph, “Makikita mo pa ang Wales, at gagampanan mo pa ang misyong ipinagagawa sa iyo bago ka mamatay.”2

Natupad ang pangako ng Propeta noong 1845, nang tawagin si Dan at ang kanyang asawang si Jane na maglingkod sa Wales. Ginamit ni Dan ang kanyang talento sa pagsasalita para ituro ang ebanghelyo nang napakahusay. Mahusay siyang magsalita ng Welsh at Ingles, at itinala ng mga nakasaksi na napakagaling niyang magsalita kaya’t naaakit niya ang pansin ng kanyang mga tagapakinig sa alinman sa mga wikang ito sa loob ng maraming oras.

Habang nasa Wales, naglathala si Dan ng mga pahayagan, polyeto, at aklat ng Simbahan sa wikang Welsh. Sa pamamahala ni Dan Jones, ang mga misyonero ng Wales ay nagtatag ng 29 na mga branch at nagbinyag ng halos 1,000 katao sa bawat taon ng kanyang unang misyon. Tinawag siya sa ikalawang misyon sa Wales noong 1852, at sa kabila ng lumalalang pang-uusig sa Simbahan, mga 2,000 katao ang nabinyagan sa loob ng apat na taon.

Pagbalik niya sa Utah, tinulungan ni Dan ang maraming Welsh convert na makapunta sa Utah. Nang mamatay siya sa edad na 51, natulungan niyang makapunta ang tinatayang 5,000 katao sa kanlurang bahagi ng Estados Unidos.

Mga Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “The Thing of Most Worth,” Tambuli, Mar. 1994, 8; Ensign, Set. 1993, 7.

  2. Joseph Smith, sa History of the Church, 6:601.

Mula kaliwa: Larawan ng misyonerong Welsh na si Dan Jones. Isang bapor, na kagaya ng bapor kung saan si Dan Jones ang kapitan, ang palapit sa daungan sa Nauvoo, Illinois. Tinulungan ni Dan Jones ang mga dayong Welsh.