2012
Mga Tanong at mga Sagot
Oktubre 2012


Mga Tanong at mga Sagot

“Ano ang ibig sabihin ng igalang ang priesthood ng Diyos?”

Ang priesthood ang kapangyarihang ginagamit ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa pagsasagawa ng Kanilang gawain. Ito ang pinakadakilang kapangyarihan sa daigdig. Sa pamamagitan ng priesthood, isinasagawa ang mga ordenansa, ibinibigay ang mga basbas, isinasakatuparan ang gawain sa templo, ipinapangaral ang ebanghelyo, at isinasagawa ang mga himala.

Ang mga mayhawak ng priesthood ang kumakatawan sa Tagapagligtas, kaya iginagalang nila ang priesthood sa paggawa ng gagawin ng Tagapagligtas kung Siya ay narito. Iginagalang nila ang priesthood sa pamumuhay nang karapat-dapat para dito. Iginagalang nila ang priesthood sa kanilang pananamit, mga kilos, pananalita, paglilingkod, at maging sa kanilang mga iniisip.

Maigagalang din ng mga kabataang babae ang priesthood sa pagtupad ng kanilang mga tipan sa binyag at mapitagang paglahok sa mga ordenansa ng priesthood tulad ng sakramento o gawain sa templo. Masusuportahan nila ang kanilang mga ama, kapatid na lalaki, at iba pang mga mayhawak ng priesthood sa pagsunod sa mga utos at pamumuhay nang marapat para maisagawa ang kanilang mga tungkulin sa priesthood.

Maigagalang nating lahat ang priesthood sa paglilingkod nang tapat sa ating mga tungkulin, sa paggalang sa mga priesthood holder, sa paggalang sa gawaing isinasakatuparan nito, at sa paggalang sa mga ordenansa at tipan na natatanggap natin sa pamamagitan nito.

Kumilos na Tulad ng Isang Kinatawan ng Diyos

Kung sisimulan nating unawain kung gaano kaganda na ipinagkaloob ito sa atin ng Diyos, nagiging simple ang paggalang sa priesthood: kumilos nang may pasasalamat at paggalang sa kapangyarihang ipinagkatiwala sa inyo. Itanong sa inyong sarili, Kung alam ng lahat ng nasa paligid ko na taglay ko ang kapangyarihan ng Diyos, madaragdagan ba o mababawasan ang paggalang nila sa Kanya? Iyan ang kahulugan ng paggalang sa priesthood—pagkaalam ito na kayo ay isang kinatawan ng Diyos at ginagawa ninyo ang lahat para kumilos sa paraang magpapakita ng paggalang sa tiwala Niya sa inyo.

Mason R., edad 19, Colorado, USA

Maging Marangal

Bilang isang dalagita masasabi ko na hindi ko kailangang igalang ang priesthood. Ngunit lahat ng kabataang babae ay kailangang gawin iyan. Iginagalang namin ang priesthood sa pagiging marangal. Iginagalang namin ang priesthood sa pagtulong sa mga kabataang lalaki na magkaroon ng malinis na isipan. Nagdadamit kami nang disente at maayos at malinis ang aming pananalita. Sa paggawa nito, tinutulungan namin ang mga kabataang lalaki na igalang ang priesthood, kaya iginagalang din namin ang priesthood.

Marisa B., edad 14, Arizona, USA

Gawin ang Iyong Tungkulin sa Diyos

Ang pangunahing paraan para maigalang ang priesthood, sa aking opinyon, ay gawin ang mga bagay na gagawin ng Panginoon Mismo kung Siya ay narito sa daigdig, dahil kinakatawan natin si Jesucristo. Ibig sabihin ay tinutupad natin ang lahat ng obligasyon, tungkulin, at pangakong ginawa natin sa Diyos nang iorden tayo sa priesthood. Sa paggalang sa Kanyang priesthood, sinusunod natin ang Kanyang utos na “bumangon at magliwanag, nang ang [ating] liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa” (D at T 115:5). Tinutulungan natin ang iba na malaman na maraming awtorisadong lingkod ang Diyos sa ibabaw ng lupa.

Bismarck B., edad 18, Santo Domingo, Dominican Republic

Magpakita ng Paggalang sa Priesthood

Palagay ko ang paggalang sa priesthood ay pagkakaroon ng paggalang at kumpiyansa sa paggamit ng priesthood. Kapag kayo ay mga miyembro ng Aaronic Priesthood na gumagalang sa priesthood at sa sakramento katulad namin sa aming ward, magkakaroon kayo ng ilang magagandang karanasan sa pagpapasa at paghahanda ng sakramento. Lahat kami ay nagsusuot ng puting polo at nakakurbata. Alam namin na malaki ang epekto nito sa ward, at malaki ang naging epekto nito sa akin. Alam ko na ang pagkakaroon ng priesthood ang pinakamagandang bagay na nangyari sa akin.

Hansen B., edad 15, Texas, USA

Huwag Ilagay sa Alanganin ang Inyong mga Pamantayan

Ang ibig sabihin ng paggalang sa priesthood ay huwag ilagay ang inyong sarili sa mga sitwasyon na alam ninyong maaaring malagay sa alanganin ang inyong mga pamantayan. Nang pag-aralan namin ang Lumang Tipan sa seminary, nakita namin sa Genesis 39 ang halimbawa ni Jose ng Egipto sa paggalang sa kanyang priesthood nang tumakbo siya palayo sa mga panunukso ng asawa ni Potiphar.

Ang isang paraan para matulungan kami ng mga kabataang babae na igalang ang priesthood ay sa pagsunod sa mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan at manamit nang disente.

Joseph B., edad 16, Texas, USA

Suportahan ang Priesthood

Ang ibig sabihin sa akin ng paggalang sa priesthood ay igalang at suportahan ng mga kabataang lalaki ang kaloob ng Diyos sa kanila. Kapag nakikita kong iginagalang ng mga kabataang lalaki ang priesthood, lalo akong napapayapa at nagkakaroon ng paggalang sa binatang iyon. Ipinagkatiwala sa Kanya ng Ama sa Langit ang priesthood, kaya palagay ko tungkulin ng isang kabataang lalaki na hindi lamang magkaroon ng priesthood kundi suportahan din ito.

Melinda B., edad 16, Washington, USA

Alalahanin ang Tagapagligtas

Ang priesthood ang tanging totoong kapangyarihan ng Diyos sa lupa at nagpapakita sa atin ng landas pabalik sa Kanya. Kapag naiisip natin ang paggalang sa priesthood, naiisip natin ang pagsunod sa mga turo ni Pangulong Thomas S. Monson at ng iba pang mga Apostol. Ang pinakamagandang paraan para igalang ang priesthood ay gawin ang mga bagay na itinuturo sa atin, na nagpapaalala sa atin sa Tagapagligtas. Kapag inaalala natin Siya, sumasaatin ang Kanyang Espiritu. Ang pagkakaroon ng Espiritu ay nagtutulot sa atin na manatiling nakatuon at maging halimbawa ng mga pamantayan ng ebanghelyo.

Klase sa Sunday School: Kylie E., Jaiten B., Joseph E., Alexandra R., Kaylie V., Alisha F., at Haylee W. (wala sa larawan); Idaho, USA