2012
Maging Matalino at Maging Isang Kaibigan
Oktubre 2012


Maging Matalino at Maging Isang Kaibigan

Elder Robert D. Hales

Matuto at magkaroon ng kaalaman at katalinuhan sa inyong kabataan. At pasiglahin at palakasin ang mga nasa paligid ninyo.

Kung talagang gusto ninyong magkaroon ng magandang buhay, gugustuhin ninyong sundin ang payo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan: “Matuto ng karunungan sa iyong kabataan; oo, matuto sa iyong kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos” (Alma 37:35). Ang proseso ng pagkatuto ay maaaring ibuod sa sumusunod na paraan:

Nagsisimula tayong lahat sa pangunahing kaalaman. Nagdaragdag tayo riyan ng kaalaman mula sa natututuhan natin sa klase at sa pagbabasa. Nagdaragdag tayo ng mga karanasan sa buhay. At dumarating tayo sa ikaapat na hakbang: karunungan. Diyan tumitigil ang mundo. Ngunit mayroon tayong isang bagay na wala ang mundo. Pagkatapos ng binyag at kumpirmasyon, binibigyan tayo ng kaloob na Espiritu Santo. Batay sa ating katapatan sa mga batas, ordenansa, at pakikipagtipan natin sa binyag, sa regular at madalas na pagdalo sa mga sacrament meeting, at sa mga tipan ng priesthood at sa templo, laging sasaatin ang kaloob na Espiritu Santo upang turuan at patnubayan tayo. Inaakay tayo ng Espiritu na kumilos at sumunod. Lahat tayo ay may espirituwal na mga kaloob at talento (tingnan sa D at T 46).

Ang karunungan na sinamahan ng mga espirituwal na kaloob ay humahantong sa pag-unawa sa puso. “Karunungan ay pinaka pangulong bagay; kaya’t kunin mo ang karunungan: oo, sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa” (Mga Kawikaan 4:7). Mahalagang magkaroon ng karunungan at pang-unawa sa inyong kabataan.

Isang karanasan noong kabataan ko ang nagturo sa akin ng isang bagay tungkol sa karunungan. Ako’y isang batang taga-lungsod, kaya’t pinagtrabaho ako ng aking ama sa rantso ng tiyo ko sa kanlurang bahagi ng Utah. Habang naroon ako, hindi ko maunawaan kung bakit isisiksik ng mga baka, sa libu-libong akreng pagpipilian, ang kanilang ulo sa barbed wire para kainin ang damo sa kabila ng bakod. Naisip na ba ninyo kung gaano kalaki ang pagkakatulad natin dito? Lagi tayong magsisiksik para makita kung ano ang nasa kabila ng hangganan, lalo na ang ating kabataan. Bilang mga tao—ang likas na tao—mahilig tayong sumiksik sa barbed wire at isungaw ang ating ulo roon. Bakit natin ginagawa iyon?

Maaari tayong magalak nang husto sa buhay nang hindi lumalagpas sa hangganan. Tandaan, “Karunungan ay pinaka pangulong bagay,” at sa karunungang iyan, “Huwag kang pumasok sa landas ng masama, at huwag kang lumakad ng lakad ng mga masasamang tao. Ilagan mo, huwag mong daanan; likuan mo, at magpatuloy ka” (Mga Kawikaan 4:14–15). Huwag kayong lumapit. Huwag ninyong isiksik ang inyong ulo sa bakod na barbed wire.

Mayroon Ba Kayong Mabubuting Kaibigan?

Mapapansin ninyo na, bukod sa mga turong ito tungkol sa karunungan, nagtuturo din ang Mga Kawikaan tungkol sa pagpili ng mabubuting kaibigan: “Huwag kang pumasok sa landas ng masama, at huwag kang lumakad ng lakad ng mga masasamang tao” (Mga Kawikaan 4:14). “Anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila; pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas: sapagka’t ang kanilang mga paa ay nagsisitakbo sa kasamaan” (Mga Kawikaan 1:15–16).

youth studying together

Mga paglalarawan ni Keith Larson

Paano ninyo malalaman kung mayroon kayong mabubuting kaibigan? Bibigyan ko kayo ng dalawang pagsubok. Kung isasagawa ninyo ang mga pagsusulit na ito, hinding-hindi kayo mapupunta sa mga di-kilalang landas at maliligaw mula sa “makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:18).

  1. Pinadadali ng mabubuting kaibigan ang pagsunod sa mga utos kapag kasama ninyo sila. Ang isang tunay na kaibigan ay pinalalakas kayo at tinutulungan kayong ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo na tutulong sa inyo na magtiis hanggang wakas.

  2. Ang tunay na kaibigan ay hindi kayo papipiliin sa pagitan ng kanyang mga paraan at sa mga paraan ng Panginoon, na magliligaw sa inyo mula sa tuwid at makitid na landas. Gumagala sa mundong ito ang kaaway at gustung-gusto niyang mahulog tayong lahat. Kung dinadala kayo ng inyong mga kaibigan sa landas ng kasamaan, hiwalayan sila ngayon din. Maging matalino sa pagpili ng inyong mga kaibigan.

Anong Klase Kayong Kaibigan?

Ngayon mayroon akong mahirap na tanong: anong klase kayong kaibigan?

Ang buhay ay hindi lamang pagliligtas sa ating sarili. Inutusan tayong pasiglahin at palakasin ang lahat ng nakapaligid sa atin. Gusto ng Panginoon na sama-sama tayong bumalik sa Kanya.

Kayo ay isang parola, at wala nang mas mapanganib kaysa sa isang parolang walang ilaw. Alalahanin kung sino kayo: kayo ay liwanag sa mundo, sa inyong mga kaibigan, sa inyong mga kapatid. Kayo ang kanilang inaasahan.

Pagpapatuloy ng Mga Kawikaan 4:

“Nguni’t ang landas ng matuwid ay parang maliyab na liwanag, na sumisilang ng higit at higit sa sakdal na araw.

“Ang lakad ng masama ay parang kadiliman: hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang kinatitisuran” (mga talata 18–19).

Hindi talaga nila alam kung bakit sila natitisod. Wala silang liwanag, wala silang direksyon.

Alam ba ninyo kung ano ang pakiramdam ng umasa sa isang parola kapag walang liwanag doon? Kadiliman ang resulta, at tayo ay naliligaw.

Kapag nawalan ng electrical power ang piloto, wala siyang mga palatandaan maliban sa mga bagay na gumagana nang walang kuryente. Wala siyang kalaban-laban habang nasa single-seated fighter plane siya na nasa taas na 40,000 talampakan (12,200 m) sa ere na sinisiklut-siklot ng mga ulap at kung anu-ano pa. Wala siyang anumang direksyon. Naranasan ko na iyan, at nagagalak ako na narito ako. Isang karanasan iyon na hinding-hindi ko malilimutan. Kayo man balang-araw ay maaaring malagay sa gayong sitwasyon. Walang ibang bagay na mapanganib na katulad ng isang parolang walang ilaw, lalo na kapag umaasa kayo sa liwanag.

May isang tao bang umaasa na magagabayan siya ng inyong liwanag? Maging mabuting halimbawa. Maging liwanag sa mundo at akayin at gabayan ang mga nasa paligid ninyo sa landas ng kabutihan. Umaasa sila sa inyong tapat na halimbawa. Pumaroon kapag may nangailangan sa inyo.

Ang Espiritu ang gabay na liwanag na naghahatid ng galak at kaligayahan. Nawa’y hinding-hindi ipagkait sa atin ang Espiritu dahil sa ating pag-uugali. Ah, nawa’y hinding-hindi tayo mapag-isa at malungkot sa “madilim at mapanglaw” na mundong ito (1 Nephi 8:4).

Nawa’y mapasainyo ang mga pagpapala ng Panginoon habang nagsisikap kayong matuto at magkaroon ng kaalaman at karunungan sa inyong kabataan. Nawa’y magkaroon din kayo ng karunungan at pang-unawa sa inyong puso tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsunod at gayundin ng liwanag ng Espiritu, ang Espiritu Santo. Maging mabuting kaibigan. Pasiglahin at palakasin ang mga nasa paligid ninyo. Gawing mas magandang lugar ang mundo dahil narito kayo. Tulungan ang inyong mga kaibigan na manatili sa tuwid at makipot na landas, magtiis hanggang wakas, at magbalik nang may dangal.

Maging liwanag sa mundo at akayin at gabayan ang mga nasa paligid ninyo sa landas ng kabutihan. Umaasa sila sa inyong tapat na halimbawa.