Para sa Lakas ng mga Kabataan
Pananamit at Kaanyuan: “Hayaang Gumabay ang Banal na Espiritu”
Bilang mga kinatawan ni Cristo, nagpapakita tayo ng paggalang sa ating katawan “sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” sa pamamagitan ng pagsunod sa ilang pamantayan.
Si Kim ay palaging nagsusuot ng disenteng damit. Noong makalawa hiningi ko ang kanyang opinyon kung ano ang itinuturing niyang disenteng palda, disenteng blusa, at disenteng swimsuit. Sa halip na magbigay ng eksaktong sukat ng haba ng damit at lalim ng tabas sa gawing leeg, pinag-usapan namin ang mga alituntunin ng pagiging disente at ang hamon na maghanap ng disenteng damit na mukhang kaakit-akit. Masaya kaming nagpalitan ng mga paraan para mapahaba nang maganda ang isang palda. Sa wakas ay sinabi ni Kim, “Kung hindi ako komportable kapag una kong isinuot ang isang damit, ang karaniwang kahulugan niyon ay hindi iyon disente at hindi ako magiging komportableng isuot iyon. Natuto akong huwag bilhin iyon kailanman. Ibinabalik ko lang iyon sa sabitan.”
Sa pagsisikap ni Kim na mamuhay nang karapat-dapat, magagabayan siya ng Espiritu Santo sa pagpili niya ng mga damit. Labis niyang ipinamumuhay ang pamantayan ng pagiging disente at hindi niya sinubukang palitan ang mga tuntunin ng pananamit at kaanyuan. Nauunawaan niya na ang kanyang katawan ay isang templo (tingnan sa I Mga Taga Corinto 3:16) at responsibilidad niya itong pangalagaan, protektahan, at damitan sa wastong paraan.
Kapag itinayo ang isang templo, maingat na tinitiyak na protektado ito at napapalamutian nang maganda, sa loob at labas. Ang isang susi sa pagpaplano ng mga templo ay nasa pag-unawa na ang isang templo ay kumakatawan sa Panginoon—ito ay Kanyang bahay. Ating iginagalang ang mga templo bilang sagradong mga gusali kung saan yaon lamang mga karapat-dapat ang makapapasok. Ating pinagpipitaganan ang mga templo dahil ang ginagawang posible ng nilalahukan nating mga sagradong ordenansa at tipan na makabalik tayo sa ating Ama sa Langit.
Ang inyong katawan ay mas mahalaga kaysa sa pinakamagandang templo sa daigdig. Kayo ay pinakamamahal na anak ng Diyos! Lalo pang angkop ang mga alituntuning ito—pagkakatawan, paggalang, at pagpipitagan—sa pangangalaga at proteksyong ibinibigay ninyo sa inyong katawan.
Pagkatawan
Bawat linggo habang nakikibahagi tayo ng sakramento, tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ng Tagapagligtas. Tayo ay Kanyang mga kinatawan sa lupa. Nakasaad sa isa sa mga tuntunin sa Para sa Lakas ng mga Kabataan na: “Sa inyong pananamit at kaanyuan, maipapakita ninyo [sa Panginoon na] alam ninyo kung gaano kahalaga ang inyong katawan. Maipapakita ninyo na kayo ay disipulo ni Jesucristo at Siya ay mahal ninyo.”1
Nang mabasa ng isang kabataang babae ang pahayag na ito, ipinasiya niya na ayaw niyang matukso man lang na hindi maging disente. Agad niyang inalis sa damitan niya ang lahat nang hindi nababagay sa pagiging kinatawan ng Tagapagligtas. Sabi niya, “Magiging matalino ako kung ni hindi ko susubukang isukat ang anumang damit sa mga tindahan na alam kong hindi ko dapat isuot. Bakit ako patutukso?” Ang alituntunin ng pagiging kinatawan ay nakatulong sa kanya na gumawa ng matibay na pasiya.
Paggalang
Bilang mga kinatawan ni Cristo, nagpapakita tayo ng paggalang sa ating katawan “sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9) sa pamamagitan ng pagsunod sa ilang pamantayan. Sinabi ng Panginoon na tanging ang malilinis ang makapapasok sa templo. Ang pasiya ninyong maging marangal ay katibayan ng inyong paggalang sa Panginoon at sa inyong pisikal na katawan.
Dapat din tayong magpakita ng paggalang sa katawan ng iba at tulungan silang mamuhay nang marangal. Sabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kailangan[g] maunawaan [ng mga kabataang babae] na kung sila ay magsusuot ng sobrang sikip, ikli [ng damit] o baba [ng tabas sa gawing leeg], hindi lamang sila nakapagbibigay ng maling ideya sa mga kabataang lalaki na kasama nila, kundi ipinagpapatuloy din nila sa kanilang sariling isipan na ang kahalagahan ng kababaihan ay nababatay lamang sa kanyang abilidad na makaakit ng iba. Ito ay hindi naging o hindi magiging tugma sa matwid na kahulugan ng isang tapat na anak na babae ng Diyos.”2
Mga kabataang babae, igalang ang inyong katawan at tulungan ang iba, lalo na ang mga kabataang lalaki, na manatiling marangal sa isip at sa gawa. Igalang ang inyong katawan, batid na ang araw-araw na mabuting pamumuhay ay nagbibigay sa inyo ng walang-hanggang kahalagahan.
Pagpipitagan
Itinuro sa atin ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Tulad ng bakuran ng templo na ipinakikita ang kasagraduhan at pagpipitagan na nagaganap sa loob ng templo, gayundin na ipinakikita ng ating kasuotan ang kagandahan at kadalisayan ng ating kalooban. Ipinakikita ng ating pananamit kung may wastong paggalang tayo sa mga ordenansa sa templo at mga walang hanggang tipan at kung inihahanda natin ang ating sarili sa pagtanggap sa mga ito.”3
Magpakita ng pagpipitagan sa nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas sa pagsusuot ng inyong “damit-pangsimba” para makilahok sa ordenansa ng sakramento. “Ang mga kabataang lalaki ay dapat manamit nang may dignidad kapag nangangasiwa sa ordenansa ng sakramento.”4 Mga kabataang babae, manamit nang disente.
Bumangon! Maging halimbawa ng disenteng pananamit sa tahanan, sa paaralan, sa dalampasigan, sa mga sayawan, o kapag naglalaro ng isports. Sundan ang halimbawa ni Kim sa pagpili ng inyong damit, na hinahayaan ang Banal na Espiritu na gabayan kayo sa inyong mga pasiya. “Itanong sa inyong sarili, ‘Magiging komportable ba ako sa kaanyuan ko kung nasa piling ako ng Panginoon?’”5
Kung ipamumuhay ninyo ang tatlong alituntuning ito—pagkatawan, paggalang, at pagpipitagan—kapag namimili kayo ng isusuot, kayo ay “magliwanag” (Doktrina at mga Tipan 115:5) bilang pinakamamahal na mga kinatawan ng Tagapagligtas.