2012
Patuloy na Dumarating ang Mabubuting Bagay
Oktubre 2012


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Patuloy na Dumarating ang Mabubuting Bagay

Bilang isang taong nalulungkot sa mabilis na paglipas ng panahon, pinasalamatan ko ang paalala na basta magalak sa sandali at asamin ang hinaharap.

Biyernes ng gabi iyon na walang ipinagkaiba. Nakaupo kami ng matatalik kong kaibigan sa aking apartment matapos manood ng sine, at maya’t maya’y nag-uusap kami nang mahina at nagtatawanan nang malakas pagkatapos. Talagang kuntento kami sa buhay, at hindi ko mapigil na mangiti habang pinakikinggan ang mga kuwento at ideya sa silid. Ang ilan sa kanila ay noong isang buwan ko pa lang nakilala; ang ilan naman ay kilala ko na sa buong 25 taon ng buhay ko.

Minsan ay nagpalitan kami ng mga alaala ng isa sa matatagal ko nang kaibigan tungkol sa ilan sa aming mga kaibigan sa kolehiyo ilang taon pa lang ang nakalilipas. Habang nag-uusap kami, naisip ko kung gaano ako nangulila sa mga kaibigan kong ito, kung gaano kami kasaya noon, at kung gaano kami kalapit sa isa’t isa. Ngayon ay nagtapos na kami sa pag-aaral at naglipatan na sa iba’t ibang lugar sa buong mundo, na natatagpuan ang aming sarili sa mga sitwasyong hindi namin inakala. Napabuntong-hininga ako sa pansamantalang damdamin ng kawalan, pagkatapos ay lumingon-lingon sa silid sa nakatawang mga mukha sa aking paligid sa sandaling iyon at bigla kong naisip: patuloy na dumarating ang mabubuting bagay.

Ang simpleng naisip na iyon ay talagang napakalalim para sa akin, lalo na’t nahirapan ako sa tuwina na harapin ang pagbabago at alinlangan akong pakawalan ang mabubuting bagay. Nangungulila ako sa nakaraan kahit nasa kasalukuyan pa ako, desididong lubos na masiyahan sa mga sandaling nabubuhay ako nang may kamalayan at determinasyon. Alam ko kapag mayroon akong isang mabuting bagay, at nais kong hawakan iyon nang mahigpit at huwag iyong pakawalan; ang nakakatamad at masayang Biyernes ng gabing ito ay isa sa mabubuting sandaling iyon. Karaniwan kapag natatanto ko kung gaano kabuti ang mga bagay-bagay, agad kong naiisip kung gaano kabilis lumilipas ang lahat, na kalaunan ay naglalaho dahil sa panahon o sitwasyon.

Ngunit sa gabing ito hindi dumating ang kalungkutang iyon ng damdamin. Habang tahimik na nakaupo, at napapaligiran ng mga taong mahal ko, alam ko na kahit kailangang magwakas ang ilang mabubuting bagay at walang-dudang maraming mahihirap na bagay na darating sa hinaharap, patuloy na darating ang mabubuting bagay. At palaging darating ang mga ito—kung hahayaan natin. Kahit nagsialis na ang mga mahal ko, ang kahungkagan ay muling mapupuno ng bago at kamangha-manghang mga tao at karanasan na ni hindi ko inakala kailanman.

Kung minsan ay mahirap magpatuloy, ngunit kailangan. At ang pagpapatuloy ay hindi nangangahulugang kalimutan ang mga pagkakaibigan, piliting maglaho ang mga alaala. Ang ibig sabihin nito ay buksan ang ating puso sa mas marami pang kaligayahan at karanasan.

Ilang linggo pagkaraan ng Biyernes na iyon, na-release ang presidency ng aming young adult branch. Gaya ng mapatutunayan ng sinuman mula sa aming maliit na branch, mahirap isipin ang mangyayari kung hindi aasa ang aming branch sa mga lalaking ito at sa kanilang mga asawa, na napamahal na sa amin at aming napagkatiwalaan. Ngunit pumikit ako at inulit sa aking sarili ang mga salitang naisip ko noong Biyernes na iyon: patuloy na dumarating ang mabubuting bagay. Ako ay napanatag at handa na para sa pagbabago.

Pagbabago ang paraan ng Panginoon. Nais Niya tayong maging maligaya at lumago, na maging sabik na magpatuloy sa ating buhay. Ang buhay ay isang paglalakbay, at habang nagsasaya pa sa kasalukuyan at naghahanda para sa di-maiiwasang mga hamon, kailangan nating magpatuloy, manatiling maganda ang pananaw, bukas ang ating puso sa mga karanasan at mabubuting bagay na walang dudang darating.

Paglalarawan ni Matthew Reier