Sabihin Mo sa Amin ang Tungkol sa Inyong Simbahan
Shauna Moore, Virginia, USA
Sa pagbiyahe ko para bisitahin ang aking kapatid na lalaki, nakaupo ako sa likuran ng eroplano kung saan umuupo ang mga flight attendant. Ang dalawang hanay ng mga upuan sa lugar na iyon ay magkaharap.
Nagpakilala ako sa mga taong nakaupo sa paligid ko at pagkatapos ay sinabing mag-aaral ako sa Brigham Young University. Isang lalaking nakaupo sa tapat ko ang nagsabi na may mabuting kaibigan ang anak niyang babae na kaaalis lang papunta sa full-time mission. Ang anak niya ay may kaunting alam tungkol sa Simbahan, ngunit ang lalaki ay halos wala talagang alam tungkol dito. Kaagad na sinabi ng flight attendant na ayaw niyang mapabilang sa “simbahang iyon” dahil salungat ito sa kababaihan. Sinabi ng lalaki na may narinig siyang katulad nito—na ang kababaihang Banal sa mga Huling Araw ay itinuturing na mas mababa ang katayuan kaysa sa kalalakihan, na hindi sila maaaring humawak ng priesthood o mamuno sa mga pulong, at mas nangingibabaw ang kalalakihan sa Simbahan.
Pagkatapos ay lumingon siya sa akin at nagtanong, “Ano ang palagay mo tungkol diyan?” Nakatingin silang pito sa akin at naghintay.
Nagsimulang kumabog ang puso ko. Noong bata pa ako ay isinaulo ko ang Mga Saligan ng Pananampalataya para sa ganitong pagkakataon, at bilang tinedyer at young adult nagpraktis akong magpatotoo tungkol sa pangitain ni Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon. Ngunit wala akong kaalam-alam kung paano sasagutin ang tanong ng lalaki. Tahimik akong nagdasal na gabayan ako ng Ama sa Langit.
Pagkatapos ay sinabi ko ang mga unang salita na pumasok sa isip ko: “Wala kasi kayong alam tungkol sa Relief Society.” Makikita sa kanilang mga mukha na wala nga silang alam.
“Ang priesthood ay kumikilos na kasama ang kababaihan, na mga miyembrong lahat ng Relief Society,” paliwanag ko. “Mayroon kaming babaing pangulo ng Relief Society na gumagabay sa mga aktibidad ng kababaihan sa Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo. Tungkulin ng kababaihan na pagmalasakitan at mahalin ang mga miyembro at lalo na ang kanilang mga pamilya.”
Nakinig na mabuti ang mga taong nakapalibot sa akin.
“Nabubuhay tayo sa kakaibang panahon kung saan nais ng ilang kababaihan na kumilos at mag-isip at maging tulad ng kalalakihan. Ngunit naniniwala kami na ang Diyos ay nagbibigay ng kani-kanyang tungkulin o gawain. Inaasahan namin ang mga babae na maging lider sa kalipunan ng kababaihan at katuwang na namumuno sa kanilang mga tahanan. Nakaasa sa mga payo namin ang kalalakihan sa mga aspetong ito. Ito ay matwid at tama lamang. Ginagawa nitong matagumpay ang aming mga organisasyon sa Simbahan at ang aming mga tahanan. At talagang naniniwala kami na ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae sa Panginoon (tingnan sa I Mga Taga Corinto 11:11). Naniniwala kaming hindi kami ganap kung wala ang isa’t isa. Hindi kami naniniwala na nilikha tayo para magpaligsahan kundi para magtulungan.”
Nadama kong pinagpala ako nang matapos ako. Alam kong ang mga sinabi ko ay mula sa Espiritu. Mukhang nasiyahan ang bawat isa sa paliwanag ko. At sinabi ng lalaki, “Kuwentuhan mo pa kami tungkol sa inyong simbahan.”
At sa sumunod na dalawa pang oras ay nagkaroon ako ng napakagandang pagkakataon na magsalita tungkol sa Panunumbalik, pagsagot sa mga tanong, at pagpapatotoo tungkol sa ebanghelyong minahal ko.