2012
Pinalakas ng Salita
Oktubre 2012


Pinalakas ng Salita

young man with a backpack

Mga larawang kuha NINA Josué A. Pena AT GLORIA HIATT

Pinatotohanan ng mga tinedyer ang mga pagkakataon na sila ay tinuruan, pinanatag, at ginabayan ng mga banal na kasulatan.

Ipinakuwento namin sa mga kabataan ang isang pagkakataon na natulungan sila ng isang talatang naisaulo nila, tulad nang tinalakay ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2011 (tingnan sa sidebar). Narito ang ilan sa kanilang mga sagot.

Kapayapaan sa Aking Kaluluwa

“Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang” (D at T 121:7).

Ang talata sa banal na kasulatan na nagbigay sa akin ng pinakamalaking kapanatagan sa paglipas ng mga taon ay ang Doktrina at mga Tipan 121:7, noong nasa Liberty Jail si Joseph Smith at humihingi ng tulong sa Ama sa Langit. Isinaulo ko ang talatang ito sa seminary at naaalala ko ito kapag kailangan ko ng kapanatagan. Ipinapaalala nito sa akin na mahal ako ng aking Ama sa Langit at batid Niya ang aking mga pagsubok. Nagamit ko na ang talatang ito para bigyan ako ng kapayapaan sa mga oras ng kabiguan at kahinaan.

Tinulungan ako ng talatang ito nang dumalo ako sa isang party na naging isang lugar na alam kong hindi ko dapat puntahan. Magalang akong tumanggi sa aking mga kaibigan nang alukin nila ako ng alak o sigarilyo. Ang talatang ito ay nagbigay sa akin ng lakas na kailangan ko upang mapanindigan ang aking mga pinaniniwalaan.

Natulungan din ako ng talatang ito na gumawa ng mahirap na desisyon. Limang taon kaming hindi nagkahiwalay ng kaibigan ko. Magkasama kaming naglaro ng isports, namasyal, at nagkakasama tuwing katapusan ng linggo. Ngunit nagsimula siyang makibarkada sa isang grupo ng mas matatandang kaibigang ayaw kong makasama. Sa huli pinapili niya ako: kung gusto ko pa ba siyang maging kaibigan o maninindigan ako sa paniniwala ko sa Word of Wisdom at sa batas ng kalinisang-puri. Nanlumo ako. Hindi ko akalaing gayon kahirap ang manindigan para sa aking pinaniniwalaan. Ngunit pinili kong magkaroon ng mga bagong kaibigan, na laging iniisip ang pangako ng Ama sa Langit kay Joseph Smith na magiging maayos ang lahat.

Walang karapat-dapat na ipagpalit sa aking mga paniniwala, at nakadarama ako ng tunay at nagtatagal na kagalakan kapag pinipili ko ang tama. Ang talata sa banal na kasulatan ay nagpalakas sa aking patotoo at tinulungan ako nito nang kailanganin ko ito.

Lauren J. edad 16, Arkansas, USA

Nagiging Malakas ang Mahihinang Bagay

Ilang buwan bago ang entrance exam para sa high school, hindi ko nadama na handa ako. Natiyak ko na hindi ako papasa. Kaya’t nanalangin ako sa aking Ama sa Langit. Habang nagdarasal ako, pumasok ang mga salitang ito sa aking isipan: “Kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).

Napag-isip ko na kapag nagdarasal ako sa Ama sa Langit na bigyan ako ng lakas na harapin ang mga hamon at pagsubok, pinagpapala Niya ako at tinutulungan akong madaig ang aking mga kahinaan. Ang pagpapaalam ng aking mga alalahanin sa Panginoon ang pinakamagandang desisyong magagawa ko. Siya ang pinakamahusay na guro, at alam kong tinulungan Niya ako.

Irvin O. edad 16, El Salvador

Manalangin Tuwina

“Manalangin tuwina, nang ikaw ay magtagumpay; oo, nang iyong mapagtagumpayan si Satanas, at nang iyong matakasan ang kamay ng mga tagapaglingkod ni Satanas na tumatangkilik sa kanyang gawain” (D at T 10:5).

Tinutulungan ako ng talatang ito na harapin ang mga tukso. Kapag may gagawin akong isang bagay na alam kong mali, pumapasok sa isipan ko ang talata at mensaheng ito. Tuwing magdarasal ako matapos matanggap ang panghihikayat na iyon, nakukuha ko ang tulong na kailangan ko upang madaig ang mga tuksong kinakaharap ko.

Jesse F. edad 17, Utah, USA

Ako ay Kasama Mo

“Maging matiisin sa mga paghihirap, sapagkat ikaw ay magdaranas ng marami; subalit tiisin ang mga ito, sapagkat, masdan, ako ay makakasama mo, maging sa katapusan ng iyong mga araw” (D at T 24:8).

Ang pagsasaulo ng talatang ito sa banal na kasulatan ay naging isang pagpapala, lalo na kapag natatakot ako o nag-iisa. Tuwing maaalala ko ito, nagkakaroon ako ng tapang at napapanatag ako. Bilang mga kabataang lalaki at babae, kailangan natin ng patnubay at suporta, lalo na kapag nahaharap tayo sa mahihirap na pagsubok at hamon. Kahit kung minsan ay tila walang katiyakan at nakapanghihina ng kalooban ang hinaharap, alam ko na makapagtitiwala ako sa Panginoon at madarama ko ang Kanyang mainit na yakap.

Noong maliit pa ako, tinuruan ako sa bahay at sa Primary na lagi kong makakasama ang Panginoon kung gagawin ko ang aking tungkulin. Dahil sa mga turong iyon at sa talata ring ito sa banal na kasulatan, alam ko na makaaasa ako sa Kanya sa tuwina.

Sofia I. edad 15, Uruguay

Mga larawang kuha ni Welden C. Andersen at Christian Ibanez