2012
Pagtanggap sa Isang Bagong Panahon ng Buhay
Oktubre 2012


Pagtanggap sa Isang Bagong Panahon ng Buhay

Nakatira ka ba sa isang lugar kung saan nagbabago ang kulay ng mga puno para maghanda para sa taglamig? Doon nakatira ang apat na magkakaibigang ito. Sina Noah B., Dylan L., Patrick M., at Ben M. ay nakatirang lahat sa Prince Edward Island sa silangang baybayin ng Canada. Gaya ng mga puno, naghahanda ang mga batang lalaking ito para sa isang panahon ng buhay. Lahat sila ay magiging 12 anyos na sa loob ng isang taon, at ibig sabihin niyan ay magpapaalam na sila sa Primary at papasok na sa Young Men. Narito ang nais nilang sabihin tungkol sa paglaki at pagsulong.

Magpakatotoo Ka

Nang lumipat si Noah rito, tinulungan siya ng kanyang mga bagong kaibigan na makasanayan ang buhay sa isla. Ngayon, bilang pinakamatanda sa grupo, tinutulungan niya silang masanay sa buhay sa Young Men. “Nag-alala ako na baka hindi nila ako tanggapin at kaibiganin,” sabi ni Noah tungkol sa pagsisimula sa Young Men. “Nakatulong talaga ang pagpunta sa mga aktibidad.” Ang paboritong kanta ni Noah sa Primary ay tungkol sa hukbo ni Helaman, at ganyan ang tingin niya sa priesthood quorum—magkakasama, nagkakaisa.

Ang payo niya? “Magpakatotoo ka.”

Igalang ang Priesthood

Para kay Patrick, ang pagkakaroon ng priesthood ay hindi tungkol sa pagtuntong sa tamang edad. Tungkol ito sa pagiging karapat-dapat at handa. “Hindi ka binibigyan ng priesthood dahil lang sa 12 anyos ka na,” sabi ni Patrick. “Kailangan ay handa ka.”

Nauunawaan ni Dylan kung gaano kahalaga ang paghahanda. Sinisikap niyang mapaaga nang 15 minuto sa simbahan upang espirituwal na makapaghandang magpasa ng sakramento. “Tatlo o apat na beses na akong nakapagpasa ng sakramento, at sa tuwina ay inaantig ng Espiritu ang puso ko. Akala ko hinding-hindi ko makakasanayang gawin iyan,” sabi niya.

Sinabi ni Ben na ang pagpapasa ng sakramento ay nagpapaalala sa kanya sa Huling Hapunan: “Nakatayo roon si Jesus. Nakatayo kami kung saan naroon si Jesus, at gusto Niyang naroon kami.”

Asamin ang Templo

Sinisikap ni Ben na matamo ang kanyang Gawad na Pananampalataya sa Diyos at inaasam na makapagpabinyag para sa mga patay sa unang pagkakataon. “Hindi pa ako nakapasok sa templo, pero laging nagpapatotoo ang ibang mga tao kung gaano kasaya at kaganda ng pakiramdam nila pagkatapos,” sabi ni Ben.

Kamakailan lang ay nakapunta na si Noah sa templo sa unang pagkakataon. Sinabi niya na parang kapamilya ang trato sa kanya ng mga kabataang lalaki sa kanyang korum. “Maaaring kabahan ka, pero may mga tao roon na tutulong sa iyo,” sabi niya. “Madarama mong tanggap ka.”

Noah

Dylan

Patrick

Ben

Larawang kuha ni Marissa Widdison