2012
Pagtulong sa mga Kabataan na Magkaroon ng mga Espirituwal na Karanasan
Oktubre 2012


Pagtulong sa mga Kabataan na Magkaroon ng mga Espirituwal na Karanasan

Hindi mapipilit ng sinuman ang mga kabataan na magkaroon ng mga espirituwal na karanasan, ngunit gaya ng natuklasan ng mga magulang at lider na ito, maraming paraan upang magkaroon ng mga karanasan na humahantong sa conversion o pagbabalik-loob.

Nang simulan nina Vyacheslav at Zoya Gulko ng Ukraine na magsiyasat sa Simbahan, ang kanilang 13-taong gulang na anak na si Kira, ay hindi natuwa. Ayaw niyang makisali sa mga pagtuturo ng mga misyonero, at kapag alam niyang darating sa kanilang tahanan ang mga elder, “hayagan niyang isinasara ang pinto ng kanyang silid,” paggunita ng kanyang ina.

Naisip nina Brother at Sister Gulko, na nagpasiyang sumapi sa Simbahan, na kung mabibigyan lang nila ng pagkakataon si Kira na madama ang Espiritu ay maaaring maantig ang kanyang puso. Dahil nagsimula ang sariling patotoo ni Sister Gulko nang dumalo siya sa binyag ng isang tao, hiniling niya kay Kira na magpunta sa kanyang binyag—para tulungan man lang siyang magbihis pagkatapos niyon. Nagulat si Sister Gulko na pumayag si Kira.

“Nangyari nga!” paggunita ni Sister Gulko. “Kumikilos ang Ama sa Langit sa mahimalang paraan.” Nadama nga ni Kira ang Espiritu, at isang linggo pagkatapos ng binyag ng kanyang mga magulang ay pumayag siyang makipagkita sa mga misyonero. Sinimulan niyang basahin ang Aklat ni Mormon. Pagkaraan ng ilang linggo, napansin ni Sister Gulko ang isang papel na nakasabit sa itaas ng mesa ni Kira; nakasulat doon ang mga salita sa 2 Nephi 2:25. Dalawa’t kalahating buwan matapos ang kanilang binyag, dumalo ang mga Gulko sa binyag ng kanilang anak. Ngayon, makalipas ang 20 taon, si Kira ay may asawa na. Siya at ang kanyang asawang si Dave ay naibuklod sa templo at pinalalaki ang dalawa nilang anak na lalaki sa ebanghelyo. Matapat siyang naglingkod sa ilang tungkulin at nananatiling aktibo sa Simbahan.

Sa karanasang iyon, sinabi ni Zoya na may natutuhan siyang mahalagang aral na akma sa mga magulang na matatagal nang miyembro ng Simbahan at sa tulad nilang mag-asawa na mga bagong miyembro pa lang: hindi mapipilit ng mga magulang at mga lider ang kanilang mga anak sa ebanghelyo, ngunit magagawa nilang anyayahan sila sa mga lugar kung saan magkakaroon sila ng sariling espirituwal na mga karanasan. Ang mga karanasang iyon ay maaari ding humantong sa conversion o pagbabalik-loob.

Ngunit ano nga ba ang pinakamainam na paraan para magkaroon ng ganitong uri ng mga karanasan? Ibinahagi ng mga magulang at mga lider mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga nagawa nilang paraan.

Bigyan ang mga Kabataan ng mga Pagkakataong Maglingkod

Ang Granja Viana Ward sa São Paulo Brazil Cotia Stake ay maraming aktibong kabataang lalaki. Ngunit napansin ng kanilang mga lider na ang ilan sa kanila ay may mga kani-kanyang hamon sa buhay at nahihirapang gampanan ang kanilang mga tungkulin sa priesthood.

Pagkatapos magsanggunian ang bishopric at mga lider ng Young Men, nagpasiya silang lalo pang ituon ang kanilang mga aktibidad sa paglilingkod at hindi na gaano sa paglilibang o pagsasaya. Kabilang na rito ang pagbisita sa mga miyembro ng korum na hindi gaanong aktibo, pakikibahagi sa proselyting o pagtuturo kasama ng mga full-time missionary, at pangangasiwa ng sacrament sa mga miyembro ng ward na namamalagi na lamang sa tahanan. Ang mga aktibidad na ito ay nagbigay sa mga kabataang lalaki ng pagkakataon na kumilos upang isagawa ang mga alituntunin na natututuhan nila sa seminary at sa mga araw ng Linggo (tingnan sa 2 Nephi 2:26).

Sa paglipas ng panahon, “ang mga espirituwal na aktibidad na ito ang gumawa ng lahat ng kaibhan,” pag-uulat ng isang lider ng priesthood.

“Nagulat kami nang isang Linggo ng pag-aayuno ay nagbahagi ng kanilang mga patotoo ang lahat ng aming kabataang lalaki,” sabi niya. “Habang nagpapatotoo sila, naluluhang nagunita ng marami sa kanila ang kasiyahang nadama nila sa mga pagkakataong iyon. Ikinuwento ng isang binatilyo ang karanasan niya sa pangangasiwa ng sacrament sa isang may-edad nang miyembro ng aming ward na tatlong taon nang nakaratay sa banig. Tinanggap ng kanyang asawa, na isang matapat na babae, ang aming mga kabataang lalaki nang may galak at pag-asa. Pagkatapos ng ordenansa, ibinahagi niya sa kanila ang kaligayahang nadarama niya sa kanyang buhay dahil sa ebanghelyo sa kabila ng malalaking problema at hamon na kanyang kinakaharap. Nadama nila ang Espiritu at natanto ang kaibhang nagagawa ng ebanghelyo sa buhay ng mga tao. Napakalakas ng bisa ng karanasang ito kaya’t maaalala nila ito sa darating pang mga taon—marahil habang sila’y nabubuhay.”

Sinabi niya na hindi siya kailanman nakakita ng gayong saloobin sa alinmang “laro ng football o kaya’y nakatutuwang gabi ng Mutual.” Sa halip, sinabi niya na itinuro sa kanya ng karanasan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga karanasang magpapadama ng Espiritu sa mga kabataan.

“Mahalaga ang mga social activity,” pagpapatuloy niya. “Ngunit ang mga espirituwal na karanasan ay mahalaga sa pagtulong sa mga kabataan na patatagin ang sarili nilang patotoo.”

Tuwing Linggo sa Rennes Ward, Angers France Stake, si Sister Delphine Letort, bilang Young Women president, ay nagbibigay ng kard sa bawat kabataang babae na naroon at pinapipili ito ng kaibigan na wala roon sa simbahan at pinasusulatan ito sa kanya. Isinulat ng mga kabataang babae ang tungkol sa lesson nang linggong iyon—kung ano ang natutuhan nila o kung ano ang nagbigay sa kanila ng inspirasyon—gayundin ng personal na liham ng pakikipagkaibigan. Pagkatapos ay ipinapadala sa koreo ni Sister Letort o ng isa sa kanyang mga tagapayo ang mga kard sa mga taong hindi nakapagsimba.

Simple lang ang aktibidad ngunit epektibo, sabi niya, hindi lamang para malaman ng mga hindi dumadalo na naaalala sila kundi para magkaroon din ng higit na malasakit sa isa’t isa ang mga nagsulat ng liham.

“Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay,” sabi niya (tingnan sa Alma 37:6). “Nakita naming nangyari ito. Nahikayat ang mga kabataang babae, at nakatulong ang karanasang ito na madagdagan ang kanilang mga patotoo.”

Ilapit ang mga Kabataan sa Salita ng Diyos

Itinuro ni Alma na ang pangangaral ng salita ng Diyos ay may mabisang epekto (tingnan sa Alma 31:5). Alam ito ni David Elmer, isang lider ng Young Men sa Texas, USA, at nais niyang bigyan ng makabuluhang karanasan ang mga kabataang lalaki na kanyang pinamumunuan sa isang high-adventure Scouting trip upang tulungan silang maghanda para sa hinaharap.

Nanalangin si Brother Elmer at inisip kung ano ang maaari niyang ibahagi at nadama niyang dapat niyang ibahagi ang mensahe ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa biyahe, nagturo si Brother Elmer mula sa mensaheng iyon, kasama ang kuwentong ibinahagi ni Elder Andersen tungkol kay Sidney Going, isang rugby star sa New Zealand na nagsantabi sa kanyang sports career para magmisyon. “Ang pagmimisyon ninyo ay isang banal na pagkakataon upang maakay ang iba patungo kay Cristo at tumulong sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas,” sabi ni Elder Andersen.1

Malakas ang epekto ng karanasang iyon, sabi ni Brother Elmer, dahil nagturo siya mula sa mga salita ng buhay na propeta. Pagkatapos ng debosyonal, lahat ng kabataang lalaki at lider ay pumirma ng kanilang pangalan sa mga rugby ball bilang pangako na magmimisyon sila at bilang paalala ng natutuhan at nadama nila. Marami sa mga ama at mga lider ang nangagpuyat nang gabing iyon para kausapin ang mga kabataang lalaki tungkol sa epekto ng kanilang misyon sa kanilang buhay.

“Personal tayong kilala ng ating Diyos; kilala Niya ang Kanyang mga kabataan,” sabi ni Brother Elmer. “Alam Niya kung ano ang nangyayari sa kanilang buhay at ano ang kanilang mga hamon at ano ang ginagawa ng mga batang ito. Hindi lang ninyo alam kung paano Siya kumikilos sa kanilang buhay. Kaya’t tayo bilang mga lider ay inihahanda at inilalaan ang kapaligiran upang madama nila ang Espiritu. Magagawa ninyo iyan sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta, ngunit ang Panginoon, hindi tayo, ang gumagawa ng pagbabago sa kanilang puso.”

Huwag Pabagu-bago

Sinabi ni Brother Elmer na gusto niyang maalala ng mga kabataang lalaki ang isang bagay sa biyaheng ito: palagi nilang pinag-aaralan ang ebanghelyo.

“Nadama ko na bahagi ng responsibilidad ko ang bigyan sila ng mga karanasan upang madama nila ang Espiritu, at kung gusto kong mangyari iyan, kailangan kong gampanan ang aking bahagi na magplano para dito,” sabi niya. “Itinuro ni Elder David A. Bednar ang tungkol sa paglikha ng mga espirituwal na huwaran sa ating buhay, mga huwarang tulad ng pag-aaral ng banal na kasulatan at pananalangin at family home evening.2 At sa pag-alis namin nang linggong iyon, pinanatili namin ang aming mga espirituwal na huwaran. Nagdasal kami bilang isang grupo. Inatasan namin ang mga kabataang lalaki na magbahagi ng 10-minutong debosyonal sa umaga, at ang kanilang mga lider at mga ama ang naghanda ng mga debosyonal sa gabi.

“Ang mahalaga ay kahit malayo kami sa tahanan at kaiba ang aming aktibidad kumpara sa mga dati naming ginagawa, ang aming mga espirituwal na huwaran ay hindi natigil. Maaaring maalala o maaaring hindi na maalala ng mga kabataang lalaki ang partikular na mga lesson, ngunit umaasa ako na maaalala nila ang huwarang ipinakita namin sa pagkakaroon ng mga debosyonal at panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan.”

Alam din ni Myra Bocobo Garcia ng Pilipinas ang kahalagahan ng hindi pagbabagu-bago, at alam niyang ang pagtuturo nito ay nagsisimula sa tahanan. Si Sister Garcia at ang kanyang asawang si Edwin ay may tatlong anak na lalaki at anim na anak na babae na mga edad 8 hanggang 22, at bawat isa ay kasama sa iba’t ibang mabubuting aktibidad. Bagama’t ibig sabihin niyan ay magkakaiba ang ginagawa at pinupuntahan nila, sinisikap na mabuti ng pamilya na magsama-sama sa pagkain ng hapunan.

“Ang pagluluto at masayang paghahanda ng pagkain at pagkain nang sabay-sabay ang isa sa mga pinakamainam na paraan ng pagtitipon namin sa aming mga anak,” sabi ni Sister Garcia. Sinasabi niya na ang oras ng pagkain ay oras para magpanibago ng lakas, makipag-ugnayan sa isa’t isa, at pasalamatan ang mga pagpapala ng Panginoon.

Gamitin ang Kasalukuyang mga Oportunidad para Magturo at Makinig

Sinasabi ni Jocelyn Fielden ng Nova Scotia, Canada, na ang pinakamahahalagang aral na natutuhan niya sa pagpapalaki ng anim na anak, na ngayon ay nasa mga edad 20 hanggang 30, ay hindi lamang mula sa direktang pagtuturo kundi mula rin sa “paglikha ng isang kapaligiran kung saan maaaring matutuhan mismo ng mga bata ang mga katotohanan.”

“Huwag kaagad gawin ang lahat ng kanilang gusto o sagutin ang lahat ng kanilang mga tanong,” sabi niya. Sa halip, iminumungkahi niyang ituon ang mga bata “sa mga banal na kasulatan o sa payo mula sa ating propeta para sa patnubay at mga sagot.” Idinagdag pa niya, “At maghandang talakayin ang kanilang mga matutuklasan.” Bukod pa rito, kapag tinatanong siya ng kanyang mga anak, sinasagot niya rin ito nang patanong: “Ano sa palagay mo ang dapat mong gawin?”

“Magtiwala na makagagawa sila ng mga tamang pagpili,” sabi niya. “Kapag tinutulungan natin ang ating mga anak na makilala ang Espiritu sa kanilang buhay sa maraming sandali ng pagtuturo natin sa kanila sa bawat araw at kapag nalaman nila kung ano ang pakiramdam ng nariyan ang Espiritu, ito ang magtutulak para hangarin nila ang mas marami pang espirituwal na karanasan, at sa gayon ay mapalalakas ang kanilang patotoo na tunay na buhay ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Ito ay may ripple effect: kapag mas nadama nila ang liwanag at ginhawang dulot ng Espiritu, lalo nilang hahangarin ito at sisikaping gawin ang mga bagay kung saan lalong mananagana ang Espiritu sa kanilang buhay.”

Mabilis niyang sinabi na ang mga alituntuning naging epektibo sa kanyang buhay may pamilya ay ang mga paulit-ulit na itinuturo ng mga lider ng Simbahan. Halimbawa, sinasabi niya na bagama’t ang ilang pagtuturo ay nagaganap sa mga pormal na talakayan gaya ng mga nangyayari sa family home evening, pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya, at panalangin ng pamilya, ang mga magulang ay maaaring magabayan ng Espiritu na makahanap ng mga pagkakataong makapagturo.3

“Ang pamamasyal, pagpunta sa mga aktibidad pag-shoot ng mga hoop [paglalaro ng basketball], pagkain nang sabay-sabay, tulung-tulong na paggawa, pagkanta, at paglilingkod sa kapwa ay ilan lamang sa mga aktibidad kung saan maaaring maganap ang pagtuturo ng ebanghelyo sa ating mga pamilya,” sabi niya. “Ang pag-uusap tungkol sa mga paksa ng ebanghelyo ay madalas na basta na lamang nangyayari kapag may ginagawa tayong iba pang mga aktibidad.”

Magtulung-tulong sa Pagkamit ng Iisang Mithiin

Hindi nagtagal nang makatapos sa pag-aaral sa Brigham Young University–Hawaii, si KaYan Danise Mok ay bumalik sa kanyang tahanan sa Hong Kong at tinawag bilang Young Women president. Habang naninibago siya sa pagkauwi, pagsisimula sa trabaho, at pagpapatuloy sa graduate study, taimtim siyang nanalangin para humingi ng inspirasyon na tulungan ang mga kabataang babae na pinamumunuan niya na magkaroon ng mga patotoo upang maihanda sila sa hinaharap.

Isang araw ng Linggo habang itinuturo niya ang tungkol sa walang-hanggang pananaw, nadama ni Sister Mok na dapat niyang basahin ang Aklat ni Mormon sa isang dalagita, na nagkataong mag-isa lang sa simbahan nang araw na iyon.

“Kaagad kaming kumilos ng aking counselor sa pamamagitan ng pagtatakda ng mithiin na tapusing basahin ang Aklat ni Mormon kasama ang dalagita,” sabi ni Sister Mok. “Walang alinlangang tinanggap niya ang hamon yamang magkasama naming tatapusin ang mithiin.”

Magmula noon, bumuo si Sister Mok, ang kanyang tagapayo, at ang dalagitang ito ng “buddy system” sa Facebook at sa pamamagitan ng mga text message upang paalalahanan ang bawat isa tungkol sa pagbabasa at para ibahagi nila sa isa’t isa ang natututuhan nila.

Sinabi ni Sister Mok na nakakita siya ng malaking pagbabago sa buhay ng dalagitang ito na nagmula sa pag-aaral nito ng banal na kasulatan. At sa pagbabasa ni Sister Mok ng mga banal na kasulatan sa kanyang araw-araw na pagsakay sa tren, nakatanggap din siya ng mga pagpapala sa kanyang sarili. “Nadama ko rin ang Espiritu at nakatanggap ng mga sagot sa aking mga panalangin habang patuloy ako sa aking buhay,” sabi niya.

“Batay sa aking karanasan, ang ilang kabataan ay nag-aalala at hindi nila natitiyak kung makatatanggap sila ng patotoo at magkakaroon ng mga espirituwal na karanasan tulad ng iba,” pagpapatuloy niya. “Sa pagtutulungan, tinitiyak natin sa kanila sa pamamagitan ng ating ginagawa na mangyayari ito at naroon tayo para suportahan sila sa bawat pagsulong sa buhay.”

Mga Tala

  1. Neil L. Andersen, “Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito,” Liahona, Mayo 2011, 50.

  2. Tingnan sa David A. Bednar, “Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan,” Liahona, Nob. 2009, 17–20.

  3. Tingnan, halimbawa, sa Robert D. Hales, “Ang Ating Tungkulin sa Diyos: Ang Misyon ng mga Magulang at Lider para sa Bagong Henerasyon,” Liahona, Mayo 2010, 95–98; David A. Bednar, “Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan,” Liahona, Nob. 2009, 17–20.

Foreground: paglalarawan ni Robert Casey © Iri; background: paglalarawan ni John Luke © IRI

Kaliwa: retrato ng bola © iStockphoto.com/RTimages; background: larawang kuha ni Bryan Rowland © IRI; right: paglalarawan © 1998 IRI

Paglalarawan © IRI