Mensahe sa Visiting Teaching
Paggalang sa Ating mga Tipan
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang inyong ang mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Ang visiting teaching ay pagpapahayag ng ating pagkadisipulo at paraan ng paggalang sa ating mga tipan habang pinaglilingkuran at pinalalakas natin ang isa’t isa. Ang tipan ay sagrado at walang hanggang pangako sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga anak. “Kapag natanto natin na tayo ay mga anak ng tipan, nalalaman natin kung sino tayo at ano ang inaasahan ng Diyos sa atin,” sabi ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Ang Kanyang batas ay nasusulat sa ating mga puso. Siya ang ating Diyos at tayo ang Kanyang mga tao.”1
Bilang mga visiting teacher mapalalakas natin ang mga binibisita natin sa pagsisikap nilang tuparin ang kanilang mga sagradong tipan. Sa paggawa nito, tinutulungan natin silang maghanda para sa mga pagpapala ng buhay na walang-hanggan. “Bawat kapatid na babae sa Simbahang ito na gumawa ng mga tipan sa Panginoon ay binigyan ng banal na tagubilin na tumulong sa pagliligtas ng mga kaluluwa, na akayin ang kababaihan ng daigdig, patatagin ang mga tahanan sa Sion, at itayo ang kaharian ng Diyos,”2 sabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Sa paggawa at pagtupad natin ng mga sagradong tipan, tayo ay nagiging mga instrumento sa mga kamay ng Diyos. Maipaliliwanag nating mabuti ang ating mga pinaniniwalaan at mapalalakas ang pananampalataya ng bawat isa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Mula sa mga Banal na Kasulatan
1 Nephi 14:14; Mosias 5:5–7; 18:8–13; Doktrina at mga Tipan 42:78; 84:106
Mula sa Ating Kasaysayan
Ang templo ay “isang lugar ng pagbibigay-pasalamat para sa lahat ng banal,” paghahayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith noong 1833. Ito ay “isang lugar ng pagtuturo para sa lahat ng mga tinawag sa gawain ng ministeryo sa lahat ng kanilang iba’t ibang tawag at mga katungkulan; upang sila ay maging ganap sa kanilang pag-unawa sa kanilang ministeryo, sa teoriya, sa alituntunin, at sa doktrina, sa lahat ng bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos sa mundo” (D at T 97:13–14).
Noong simula ng 1840s, tinulungan ng kababaihan ng Relief Society sa Nauvoo, Illinois, ang isa’t isa na maghanda para sa mga ordenansa sa templo. Sa mga ordenansa ng nakatataas na priesthood na natanggap ng mga Banal sa Nauvoo Temple, “ang kapangyarihan ng kabanalan [ay ipinakita]” (D at T 84:20). “Sa pagtupad ng mga Banal sa kanilang mga tipan, pinalakas at tinulungan sila nito sa mga pagsubok sa sumunod na mga araw at taon.”3
Sa Simbahan ngayon, ang matatapat na kababaihan at kalalakihan ay patuloy na naglilingkod sa loob ng templo at patuloy na nagkakaroon ng kalakasan sa mga pagpapala na matatanggap lamang sa pamamagitan ng mga tipan sa templo.