2012
Pipiliin Ko Ba ang Trabaho o ang Simbahan?
Oktubre 2012


Pipiliin Ko Ba ang Trabaho o ang Simbahan?

Kenya Ishii, Japan

Ikinasal kami ng asawa ko noong 1981 sa Tokyo Japan Temple. Hindi madali ang buhay naming mag-asawa noong una. Nagpasalamat ako na mayroon akong trabaho, ngunit hirap kaming tustusan ang aming mga gastusin. Humingi kami ng tulong sa Ama sa Langit at ginawa namin ang lahat upang mapagkasya ang aming pera at mabayaran ang aming ikapu. Alam namin na kung magtitiwala kami sa Panginoon, maglalaan Siya para sa amin.

Isang linggo magkaparehong anunsyo na ginupit mula sa diyaryo ang ibinigay sa akin ng asawa ko at ng kaibigan ko. Iyon ay anunsyo para sa full-time English teacher.

Ipinadala ko ang aking résumé sa kumpanya at pinapunta ako para mainterbyu. Pagkatapos ng interbyu, sinabi ng nag-iinterbyu na, “Isinulat mo sa iyong résumé na nagboluntaryo ka noon bilang misyonero para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ibig sabihin nagsisimba ka kapag Linggo, di ba? Kung papipiliin ka kung magsisimba o magtatrabaho ka sa araw ng Linggo, alin ang pipiliin mo?”

Mahirap na tanong ito dahil kailangan ko ng mas magandang trabaho. Ngunit pagkatapos mag-isip-isip, sumagot ako, “Magsisimba po ako.”

Parang hindi mangiting sinabi ng nag-iinterbyu, “Ah, ganun ba.” Tinapos na niya ang interbyu at nangako na gagawa ng desisyon ang kumpanya nang gabing iyon at dapat akong tumawag para malaman ang resulta. Pag-alis ko ng silid, naisip kong bagsak na ako sa interbyu.

Kalaunan sa gabing iyon nang oras na para tumawag, takot na takot akong tumawag sa numero ng telepono ng kumpanya.

“Kumusta ho ang naging resulta ng interbyu?” tanong ko sa secretary. “Bagsak ho ako, di ho ba?”

Nagulat ako ngunit masaya ako sa kanyang sagot.

“Gusto naming hilingin sa iyo na magtrabaho ka sa amin,” sabi niya.

Makalipas ang mga isang buwan ay nalaman ko kung bakit ako ang napili sa trabaho. Ipinaliwanag ng secretary na may kapitbahay ang nag-interbyu na mga full-time Latter-day Saint missionary. Madalas niyang pagmasdan ang mga misyonero na masiglang sakay ng kanilang mga bisikleta papunta sa kanilang gawain sa umaga.

“Naniwala siya na ikaw, na kabilang din sa simbahang iyon, ay magtatrabahong mabuting gaya ng mga misyonero para sa kanilang simbahan,” sabi niya. “Suwerte mo!”

Magmula noon ay palagi nang nakakamtan ng aming pamilya ang kailangan namin.

Sa tuwing maiisip ko ang napakagandang karanasang ito, sumisigla ako at napapanatag. Alam kong madalas ay ginagamit ng Diyos ang ibang tao para pagpalain ang Kanyang mga anak. Hindi ko sapat na maipahayag ang pasasalamat ko sa aking asawa at sa aking kaibigan dahil nainspirasyunan silang ibigay sa akin ang anunsyo sa diyaryo, sa masisipag na misyonero at sa kanilang magandang halimbawa, at sa ating maawain, mapagmahal, at mapagmalasakit na Ama sa Langit, na may mahimalang kapangyarihan na ilaan ang ating mga karanasan para sa ating ikabubuti.