Ang Ating Paniniwala
Ihahanda Tayo ng Masinop na Pamumuhay sa Hinaharap
Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na kailangang maging handa at matustusan ang sariling mga pangangailangan. Naniniwala tayo na dapat tayong mag-aral para makapagtrabaho, mag-impok ng salapi para sa oras ng kagipitan, at gumawa ng temporal na paghahanda para sa mga kalamidad o iba pang mga hamon. Ang pinakamahalaga, naniniwala tayo sa espirituwal na paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at sa pamumuhay muli sa piling ng ating Ama sa Langit. Ang ganitong paghahanda ay tinatawag na masinop na pamumuhay.
Nakikita sa masinop na pamumuhay ang ating tunay at walang hanggang katangian: tayo ay “kumikilos para sa [ating] sarili at hindi pinakikilos” (2 Nephi 2:26). Gusto ng Panginoon na tayo ay maging responsable at makatayo sa sariling paa (tingnan sa D at T 78:14). Nais Niyang mamuhay tayo nang masinop dahil sa kahihinatnan natin sa paggawa nito: responsable, bukas-palad, husto ang kaisipan, mabait. Dahil kapag mas kaya nating tustusan ang ating mga pangangailangan, mas makakaya nating tulungan ang ating mga pamilya at ang iba pa. Paano natin pakakainin ang mga nagugutom kung tayo mismo ay nagugutom? Paano tayo makapagbabahagi ng kaalaman kung tayo mismo ay kulang sa kaalaman? Paano natin mapatatatag ang pananampalataya ng iba kung tayo mismo ay kulang ng pananampalataya?
Kabilang ang mga sumusunod sa mga alituntunin ng masinop na pamumuhay:
-
Paghahanda. “Maghanda kayo, maghanda kayo para sa yaong paparito, sapagkat ang Panginoon ay nalalapit na” (D at T 1:12).
-
Kasipagan. “Huwag kayong maging tamad” (D at T 42:42).
-
“Matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118).
Kapag ginawa ng mga miyembro ng Simbahan ang lahat sa abot ng kanilang makakaya na tustusan ang sarili ngunit hindi pa rin matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan, sila ay dapat munang humingi ng tulong sa kanilang mga pamilya. Kung hindi pa ito sapat, maaaring tumulong ang Simbahan. Maaaring gamitin ng mga bishop at branch president ang mga suplay mula sa “kamalig ng Panginoon” upang tulungan ang mga miyembro (tingnan sa D at T 82:18–19). Layunin ng anumang tulong mula sa Simbahan na tulungan ng mga miyembro ang kanilang sarili at hikayatin silang magtrabaho.
Maaari tayong magtrabaho upang matustusan ang ating sariling pangangailangan sa sumusunod na aspeto:
-
Espirituwal na lakas: Magtiwala sa Panginoon; sundin ang mga kautusan; manalangin at pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw; paglingkuran ang iba.
-
Kalusugan ng katawan: Sundin ang Word of Wisdom; mag-ehersisyo; matulog nang sapat; ugaliin ang mabuting sanitasyon at hygiene o kalinisan.
-
Edukasyon: Matutong bumasa at sumulat; matuto ng mga kasanayan sa trabaho; pag-aralan “ang pinakamabubuting aklat” (D at T 88:118).
-
Trabaho: Magtrabaho para matustusan ang inyong pangangailangan at ang pangangailangan ng inyong pamilya.
-
Pag-iimbak ng pagkain sa tahanan: Magtabi ng malinis na maiinom na tubig at unti-unting dagdagan ang suplay ng mga pagkain na palagi ninyong kinakain at mas tumatagal na suplay ng mga pagkain, tulad ng mga butil at beans.
-
Pananalapi: Magbayad ng ikapu at mga handog; iwasan ang hindi kailangang pangungutang; unti-unting mag-impok ng salapi.