Paglilingkod sa Simbahan
Mga Sagot sa Sunday School
Mahilig akong maghanap ng malalaking kasagutan sa mga hamon sa aking buhay—hilingin sa Panginoon na tulungan akong mahanap ang isang bagay na lulutas sa lahat ng bagay. Nalaman ko na ang gayong paraan ay lalo lang magpapalala sa mga bagay-bagay.
Noong ako ang nagtuturo ng Gospel Doctrine class sa aking ward, determinado akong magtanong ng malalalim na bagay na mangangailangan ng pag-iisip at magbibigay ng bago at malaman na mga sagot. Sa madaling salita, gusto kong iwasan na marinig ang mga dati pa ring “sagot sa Sunday School” na tila iyon na lang palagi ang ibinibigay ng mga miyembro ng ward tuwing linggo.
Habang pinag-aaralan kong mabuti ang Bagong Tipan bilang paghahanda, nagulat ako sa paggamit sa salitang abide [magsipanahan o manatili], na paulit-ulit na nabanggit. Halimbawa, sabi sa Juan 15:10, “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay magsisipanahan kayo sa aking pagibig; gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kaniyang pagibig” (idinagdag ang pagbibigay-diin).
Sa Kanyang dakilang Panalangin ng Pamamagitan, nagdasal ang Tagapagligtas na ang Kanyang mga disipulo ay “maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo, na sila nama’y suma atin” at “Ako’y sa kanila, at ikaw ay sa akin, upang sila’y malubos sa pagkakaisa” (Juan 17:21, 23).
Karamihan sa mga sinaliksik ko ay kung paano ako magiging kaisa ng Panginoon, kung paano ako mananatili sa Kanyang pag-ibig, at bunga nito, kung paano ako magkakaroon ng dagdag na pagtitiis—pagtitiis na kailangang-kailangan ko upang ang nakapapagod kong mga karanasan ay makapagpalakas at makapagpadalisay sa akin.
Sa kabalintunaan, habang pareho kong sinasaliksik na maunawaan ang salitang manatili at ang mga sagot sa mahihirap na hamon na araw-araw kong kinakaharap, ako ay inakay pabalik sa mismong mga sagot sa Sunday School na sinisikap kong iwasan. Natagpuan ko ang mga sagot sa mga hamon sa akin sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pananalangin sa araw-araw, paglilingkod sa aking pamilya at sa iba, at pagdalo sa templo at sa aking mga pulong sa araw ng Linggo. Nalaman ko na ang mga simpleng bagay na iyon ang nagbigay ng kaibhan sa pagtitiis at sa pagtitiis nang mainam at nang may pagpapasensya.
Ang mga sagot sa Sunday School ang talagang pinakamainam na mga sagot.